T inanghali ng gising si Temarrie kinabukasan. Nang magmulat siya ng mga mata ay agad natuon ang kanyang atensyon sa bakanteng unan sa kanyang tabi. Magkatabi pa rin ba sila ni Jubei na natulog kagabi? Wala na siyang matandaan dahil sa kotse pa lang yata ay nakatulog na siya. Inabot niya ang unan nito at inamoy-amoy. Jubei’s masculine scent was still clinging to his bed.
Napangiti si Temarrie. Heto na naman siya na parang tanga. Ang nakakapanibago lang ngayon, wala na siyang pakialam. So what kung magmukha siyang tanga? Gusto naman niya ang pakiramdam na iyon kaya deadma-han na lang. At hindi na muna siguro siya magpupunta sa restaurant ngayon. Bahala na ang supervisor niya roon. t utal naman, nasabi na niya rito ang lahat ng gusto niyang mangyari sa renovations.
She wanted to spend some time with her husband now.
Naligo si Temarrie at nagbihis ng pinakakumportable niyang damit na may touch of class naman kahit paano. Gusto niyang maging maganda sa paningin ni Jubei. Sa anong dahilan, hindi niya alam. Basta lang gusto niyang magustuhan ng lalaki ang itsura niya. She let her long hair fall freely across her back and went out only to find him having coffee with three other guys on the front porch. Balak sana niyang huwag nang istorbohin ang mga ito dahil mukhang importante ang pinag-uusapan. Pero napadako ang pansin ni Jubei sa kanya. Nang pagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa, sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng pagkailang si Temarrie.
Hmmm, nitong mga nakaraang araw, napapansin niyang maraming bagay at pagkakataon siyang nararanasan sa unang pagkakataon. It was a good thing, though. Dahil natutuwa siya sa pakiramdam na iyon.
“Hi, there!” bati ng isa sa mga kasama nitong lalaki. “You must be Temarrie.”
“Naistorbo ko ba kayo? Pasensiya na. Babalik na lang—”
“No, no. It’s okay.” Isa sa mga lalaki ang tumayo at mabilis na lumapit sa kanya. “Wow. You look even prettier up close. No wonder bigla kang pinakasalan nitong si Jubei. By the way, I’m Neiji Villaraza, ang pinakaguwapo sa aming apat.”
“Neiji, huwag mo nang pag-interesan iyang si Temarrie at baka maupakan ka lang ni Jubei.”
“Okay lang iyon, Trigger,” singit ng isa pang lalaki. “Mas masaya nga. Hindi ko pa nakikitang bumalandra sa sahig si Neiji.”
“Jubei, huwag kang magselos. Marunong lang talaga akong maka-appreciate ng magaganda. Pero…ang suwerte mo talaga, pare. Temarrie, may kapatid ka pa ba?”
“Meron. Sina Kuya Anthony at Kuya Marlon.” Nagtawanan lang ang mga kasamahan ni Jubei. “Sige, maiwan ko na muna kayo.”
“Wait up, Temarrie,” wika ng lalaking nagngangalang Trigger. “Hindi pa tayo nagkakakilala nang maayos. Ito naman kasing si Jubei, hindi kami inabisuhan na magpapakasal na pala kayo. Akala kasi namin…” His voice trailed off and his eyes went towards Jubei. “Ah, well, never mind.”
May pakiramdam si Temarrie na tila nagkaroon ng kaunting tensyon sa huling sinabi ni Trigger. Pero agad din naman iyong naglaho nang lapitan siya ni Jubei, pumagitna sa kanila ni Neiji, at hawakan siya sa braso, saka hinarap ang mga kaibigan.
“These are my friends. Trigger Samaniego, Zell Zapanta and Neiji. Guys, this is…Temarrie Icasiano–Bernardo. Temarrie Bernardo. My wife.”
Sabay-sabay na napangiti ang mga kaibigan ni Jubei, habang si Temarrie ay hindi alam kung ano ang magiging reaksyon. Sa paraan kasi ng pagpapakilala ni Jubei sa kanya… My wife.
“Jubei, baka naman puwedeng itong misis mo na lang ang maging commercial model ng Stallion Shampoo ko,” ungot uli ni Neiji. “She’s perfect for the role.”
“Model? Pero hindi ako model.”
“Okay lang iyon, Temarrie. Wala ka namang ibang gagawin kundi ang ngumiti sa camera at bahala na ang buhok mo ang mag-promote sa bagong launch na product ng kumpanya ko.”
“Hindi pa ako pumapayag, Neiji,” singit ni Jubei. “At hindi mo ba narinig ang sinabi ni Temarrie? Hindi siya model, ayaw niya mag-model. Kaya iba na lang ang hanapin mong commercial model para sa produkto mo. Marami pa naman sigurong mas magagandang modelo kaysa sa kanya.”
Binalingan ni Temarrie si Jubei. “And what’s that supposed to mean? Na hindi ako maganda para sa commercial na iyon?”
“I didn’t say that.”
“I heard you.”
“Fine. I did say that. Pero hindi ka pa rin naman talaga makakagawa ng commercial dahil sa dami ng trabaho mo sa restaurant—”
“I think ako lang ang makakapagsabi niyan sa sarili ko.”
“Ahm, you know,” singit ni Neiji. “Hindi n’yo naman kailangang mag-away na mag-asawa—”
“Hamo sila, Neiji,” singit ni Zell. “Away-mag-asawa iyan kaya ikaw lang ang malilintikan kapag nakialam ka.”
Nagtagisan sila ng titig ni Jubei. Bakit gano’n? Bakit kung kailan akala niya ay maayos na ang lahat sa kanila, saka pa nangyari ito?
“Fine,” mayamaya’y wika ni Jubei. “Bahala ka na kung ano ang gusto mong gawin.”
“Fine,” wika na rin ni Temarrie, saka hinarap si Neiji. “Magkano ba ang bayad?”
Habang nag-uusap sila ni Neiji tungkol sa commercial na gagawin para sa produkto nito, nagkaroon na rin ng sariling diskusyon sina Jubei, Zell at Trigger. Pero napapansin ni Temarrie na hindi naman nakikisalo sa usapan si Jubei. At mukha ngang mas iniintindi nito ang pagmamasid sa kanila ni Neiji.
“Sa Stallion Riding Club sa Tagaytay ang perfect location, hindi ba, mga pare?” baling ni Neiji sa mga kasama sa kabilang grupo. “With all the guys…Zell, Trigger, I want you to be a part of it, too.”
Mabilis na sumang-ayon ang dalawa.
“Temarrie, ipinapaalala ko lang sa iyo na kakailanganin ang presensiya mo sa itinatayo mong restaurant,” wika ni Jubei. “Hindi mo puwedeng iwan nang matagal ang trabaho mo roon—”
“Okay lang iyon. Maganda namang opportunity ang commercial na iyon para ma-promote na rin ang restaurant ko.” Patutunayan ko sa iyong maganda ako!
“Jubei, sabihin mo na lang kasi na ayaw mong ibahagi sa iba ang misis mo.”
“Shut up, Trigger.”
“I second the motion.”
“Shut up, Zell.”
“Hey, nag-second the motion ako sa `yo, not that half-human.”
“My other half-human is my twin brother Jigger,” paglilinaw pa ni Trigger kay Temarrie.
“Perfect,” sambit ni Neiji. “The shoot will start next week. By the way, Jubei, ipinapasabi nga pala ni Reid na sa Stallion Riding Club ang celebration ng birthday niya.”
“Bring Temarrie with you,” suhestiyon ni Zell. “Para makilala na rin siya ng iba pa nating kasamahan.”
“Maganda ring pagkakataon iyon para makilala niya ang mga makakasama niya sa commercial ng Stallion Shampoo ko.”
“Okay, riot `to,” sambit ni Trigger. “Cheers tayo ng kape na malamig na.”
“NASA Pilipinas pa ba tayo?” tanong ni Temarrie. Ilang minuto na kasi ang nakakalipas nang huling beses siyang makakita ng bahay o kahit tao man lang. Puro na lang kasi kagubatan ang nakikita niya sa kaliwa at kanan ng dinaraanan nilang makipot na kalsada. “Parang nasa ibang dimensyon na tayo, eh. Hindi kaya time warp zone ito?”
“Nasa Pilipinas pa rin tayo. At kaya naman wala ka nang nakikitang kabahayan dito, dahil nasa pribadong lupain na tayo ng Stallion Riding Club. Lahat ng nakikita mong iyan, ultimo insekto, pag-aari ni Reid.”
“Ows, talaga? Mamatay ka man?”
“I’ll respond to that in my next life.”
Napabuntunghininga lang si Temarrie habang pilit na iniisip ang itsura ng riding club sa liblib na lugar na ito. “Paano kayo nakarating dito, Jubei? Sa tingin ko kasi, parang walang matinong tao na pupunta sa ganitong lugar. Tingnan mo, ang kapal ng vegetation na halos hindi na makita ang sikat ng araw. Parang ganito `yong mga setting ng mga horror movies na napapanood ko. Regal s hocker ba ito?”
“Masyado talaga iyang imahinasyon mo.” Bumusina muna si Jubei bago lumiko sa isang banda. “Prominente ang mga miyembro ng club. Kapag napupunta kami rito, saka lang kami nagkakaroon ng laya na makagalaw nang walang ano mang iniisip na may ibang mga taong sumusubaybay sa amin. Isa pa, sensitibo sa ingay ang karamihan sa mga alaga naming kabayo rito kaya hanggang maaari ay kaunti lang ang ingay na maririnig.”
“So, mas mahal ninyo ang mga alaga ninyong kabayo kaysa sa mga tao rito?”
“Well, we don’t have any relations with any of the people who live near this place. So, yeah, we love our horses more than we love the people here.”
“Ilang taon na itong club ninyo?”
“I don’t know. Bago ako naging miyembro nito, marami na ang umalis at napalitan.”
“Sina Zell ba ay member din?”
“Oo. Mga lalaki lang ang tinatanggap na miyembro ng club. Pero puwede kaming magsama ng mga babae, bilang mga guests.”
“Ang kaso, kayo lang ang may karapatan talaga sa mga benefits ng club. Hindi ba parang masyado kayong egoistic niyan?”
“Hindi naman. In the first place, itinayo ang Stallion Riding Club para talaga sa mga barako na mahilig mangabayo and at the same time, naghahanap ng isang lugar na exclusive para sa kanila. Kaya walang sino man ang puwedeng mag-akusa na nang-aapi kami ng mga babae. This is for the boys, and for the boys only. Kung gusto ng mga babae ng mga lugar na libre silang makapasok, they could look someplace else. Oh, we’re here.”
Isang liko pa at bumungad na kay Temarrie ang malaking karatula ng Stallion Riding Club na nakaukit sa marmol. Wala na ang makakapal na kagubatan. Napalitan na ng malawak na lupain na may mangilan-ngilang puno at halaman. Dalawang malalaking race tracks ang nakita niyang nababakuran ng mga puting wooden panels. May malaki at mahabang kuwadra rin na makikita mula roon. May ilang malalaking bahay rin na Western style-inspired ang disenyo.
“Kanino ang mga iyon?”
“Sa mga miyembro ng club. Mga resthouse namin. Minsan kasi ay nagkakaroon kami rito ng mga competitions at activities na inaabot nang ilang araw. Wala kaming matuluyan kaya naisipan ni Reid na magpatayo ng mga bahay dito at ibenta sa amin.”
“Talagang magaling na negosyante ang Reid na iyon, ano?”
“Tuso kamo.”
Pero ang pinakamodernong structure doon ay ang gusali ng club mismo na magkahalong brown, gold at puti ang kulay na tinutumbok ng mahabang kalsadang dinadaanan nila. Pero ang mas hinangaan ni Temarrie sa lugar ay ang mga nangangabayo mismo na nakikita niya mula sa bintana ng kanilang sasakyan na nagkakarerahan sa gitna ng napakalawak na lupain.
They all looked magnificent with their horses. It was as if they were flying in the air. “Wow. They look amazing! Marunong ka ring mangabayo, Jubei?”
“Walang member ng club ang hindi marunong mangabayo.”
“Very, very nice.”
Pagdating sa pinaka-Clubhouse, napansin din ni Temarrie na hindi lang ang gusali ang moderno roon kundi pati na ang mga facilities. Mahahalata iyon pagpasok pa lang sa lobby ng building.
“Oh, hey, here come the newlyweds!”
Mula sa malawak na lobby kung saan may mga upuan para sa mga customer ng restaurant na matatagpuan paglagpas ng lobby, agad na nakilala ni Temarrie sina Zell at Trigger kasama ng iba pang lalaki na pare-pareho ng suot na uniporme marahil ng mga ito sa club na iyon. Black jackets with a white shirt underneath, cream breeches and black boots. The few women who were at the open restaurant turned their attention on them, all looking like social butterflies.
“Kumusta ang buhay-may asawa?” tanong ng isang tila half Chinese na lalaki. “Mukhang hiyang sa iyo, ah.”
“Don’t start, Yuan.” Tumawa lang si Yuan. “Nasaan na nga pala si Reid?”
“Bakit?” Isa pang lalaki na kadarating lang ang lumapit sa grupo nila.
“Reid. Happy birthday, man.”
“Anong ‘Happy birthday’? Bakit hindi mo sinabi sa amin na ikinasal ka na pala? Wala tuloy sa amin ang nakadalo sa kasal ninyo.” Doon lang nito binalingan si Temarrie. “You’re Temarrie? I’m Reid Alleje, the owner of this place.”
“Hi.”
“Kanina ka pa ibinibida sa amin ni Neiji. Mukhang may crush dito sa asawa mo ang isang iyon, Jubei.”
“Mahulog sana siya sa kabayo.” Nagtawanan lang ang mga ito, pagkatapos ay isa-isa na siyang ipinakilala ni Jubei sa mga kasamahan.
Mababait naman ang mga ito kaya hindi na gaanong nailang si Temarrie. `Yon nga lang, parang ang mga babaeng naroon ay iba ang tingin sa kanya. Na tila ba wala siyang karapatang tumabi kay Jubei, o sa mga miyembro ng Stallion Riding Club.
Ha! Sorry kayo. Ako ang center of attention nila ngayon. Diyan lang kayo at mangisay sa inggit.
“`Yong iba, naroon pa sa siguro sa field at nagpapayabangan na naman. Mamaya na lang kita ipapakilala sa kanila.”
“Oo nga pala, Jubei,” singit ng half Japanese na si Hiro. “There’s someone here who wants to greet you, as well.” May kinawayan ang lalaki at nawala ang ngiti ni Temarrie nang makilala kung sino ang tinutukoy nito.
Rumina Alcaraz emerged from the veranda looking like a princess in her red and white riding attire. Wala sa ugali ni Temarrie ang mainggit sa kahit na sino dahil nakukuha naman niya ang lahat ng gusto niya kahit noong bata pa siya. Pero ngayon, parang may kung anong ngumangatngat sa damdamin niya, lalo na nang makita kung paano ito tingnan ni Jubei. Hindi na kasi naalis ang tingin ni Jubei kay Rumina habang papalapit sa kanila ang babae. Parang sa isang iglap, nawala siya sa eksena.
“Kumusta, Jubei?” tanong ni Rumina. “Nagpakasal ka na pala. I saw it on tv . Congratulations.”
Inilahad nito ang kamay kay Jubei. At tila may pumiga sa puso ni Temarrie nang maglapat ang mga kamay ng dalawa. There was just something special about that handshake. Hindi niya iyon maalis sa isip. Nagtatampo siya kay Jubei. Gusto naman niyang magalit kay Rumina. Pero wala siyang karapatan.
Dahil ang dalawang ito ang dapat na nagkatuluyan kung hindi siya umekstra sa eksena ng pag-iibigan ng mga ito.
“ISANG pineapple juice, please,” order ni Temarrie sa barista. “Thanks.”
Lumayo na si Temarrie sa grupo nina Jubei kanina dahil hindi siya maka-relate sa mga ito. All they talked about were horses and their games. Naiwan niya ang asawa sa tabi ni Rumina dahil hindi niya maatim na makita na magkasama ang dalawa. Nagseselos siya.
Oo, inaamin na niya iyon. Hindi rin niya alam kung paano iyon nangyari. Siguro dahil sa nagkagusto na siya sa kanyang asawa. Ngayon, kung kailan naman iyon nangyari, wala rin siyang maibigay na matinong kasagutan sa sarili. Basta ang alam niya, nagtatampo ang puso niya sa isiping mahal pa rin nina Jubei at Rumina ang isa’t isa at panggulo lang siya sa dalawang iyon.
Napabuntunghininga na lang si Temarrie. Noon, sa pamilya niya. Ngayon naman, kina Jubei at Rumina. Kailan ba darating ang araw na hindi na lang isang panggulo ang magiging papel niya sa buhay ng mga tao sa paligid?
Tatlong babae ang lumapit sa bar counter hindi para um-order ng maiinom kundi para paringgan siya.
“Oh, look who’s here. Ang babaeng mang-aagaw.”
“Sabi nila, maganda raw ang asawa ni Jubei.” Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. “Hindi naman pala. Mas maganda pa rin si Rumina.”
“Ano ba ang ginawa mo para mahila mo sa altar si Jubei, ha? Nagmakaawa ka ba sa harap niya? Naghubad at ini-offer ang katawan mo? Dahil wala akong maisip na ibang dahilan para iwan ni Jubei si Rumina at magpakasal sa isang gaya mo lang.”
“Hindi ikaw ang tipo ng babae ni Jubei.”
“If it wasn’t for you, masaya pa sana sila ngayon ni Rumina. Pakialamera ka kasi. Wala ka na bang ibang maaakit na lalaki kaya pati ang pag-aari ng iba, eh, pinag-interesan mo pa?”
Hindi makaimik si Temarrie. Ganito siya kapag guilty, hindi maipagtanggol ang sarili. Totoo naman kasi ang lahat ng sinabi ng mga ito. Aalis na lang sana siya para wala nang gulo nang may isa pang babae ang tumabi sa kanya.
“Hi. Is it true na ikaw ang babaeng pinakasalan ni Jubei at hindi si Rumina? Well, that’s good. I never thought Rumina would be good for Jubei anyway. Masyadong stiff ang babaeng iyon. Walang kabuhay-buhay dahil laging ‘perpekto.’ Kailangan ni Jubei ng isang babaeng medyo astig. `Yong magbibilang ng kulay sa buhay niya. At mukhang nakita niya iyon sa iyo, girl. What’s your name?”
“Ah…”
“Dominique, don’t say that,” saway ng isa sa tatlong babae. “You’ll hurt Rumina’s feelings.”
“Since when did I ever care about anyone else’s feelings other than my own feelings and my Zell’s?” Hinarap ni Dominique ang tatlong babae. “At kayo, inaalala pa ninyo ang mararamdaman ng babaeng bato na iyon, eh, wala naman iyong nararamdaman. Kasi nga bato siya. Tapos itong isang nanahimik na ito rito…” Binalingan siya nito. “Ano na nga ang pangalan mo?”
“Temarrie—“
“Temarrie. Even your name has spunk.” Binalingan uli nito ang tatlong babae. “Bakit kung ano-ano ang pinagsasasabi ninyo kay Temarrie, wala naman siyang ginagawa sa inyo?”
“Pinakialaman niya ang relasyon nina Jubei at Rumina.”
“Eh, kayo, ano’ng pakialam ninyo roon? You’re not even Rumina’s friends.” Nagpamaywang si Dominique. “Kayo lang yata ang naiinggit kay Temarrie dahil matagal na rin kayong nagpapa-cute kay Jubei pero hindi niya kayo pinapansin. Kaya nanggagalaiti kayo ngayon dahil siya ang pinakasalan.”
Mukhang natumbok ng madaldal na babae ang kahinaan ng tatlo dahil hindi na nakahirit pa.
“Let’s just go, girls. Baka mahawa pa tayo sa ka-cheap-an ng dalawang ito na habol nang habol sa mga lalaki.”
“Alam n’yo,” wika uli ni Dominique. “Malawak ang lupain ng Stallion Riding Club. Bacteria na lang kayo bago kayo mahanap ng mga maghahanap sa inyo oras na maisipan kong burahin kayo sa ibabaw ng earth. By the way, mas malawak ang lupa namin sa lupain ng SRC. Pero masyadong malayo iyon at hassle pa kung doon ko pa kayo dadalhin para lang ilibing kayo nang buhay.”
“Yeah, right. As if.”
“Gusto mong subukan? Mayaman ako. Kahit batas kaya kong bilhin. Ikaw, magkano ka, ha? Kayong tatlo, magkano ang kaluluwa ninyo?”
Nag-alisan na lang ang mga babae imbes na sagutin pa ang tanong ni Dominique.
“Hah, akala mo naman kung sino ang mga bruhang iyon. Mga dakilang social climbers lang naman ang papel nila sa buhay.” Doon lang nito muling binalingan si Temarrie. “Huwag kang makikipag-usap sa mga hampaslupang iyon at baka magaya ka sa kanila. That’s why I really don’t like the atmosphere here. Atmosphere ng mga dukha. Nakakasura.”
Hindi alam ni Temarrie kung matatawa o mapapakunot-noo kay Dominique. Damang-dama kasi niya ang lakas ng ‘hangin’ nito. Pero gusto rin niya ang attitude nito at the same time. Walang kiyeme. At ipinagtanggol pa siya.
“Salamat, ha?”
“Walang ano man.”
“Pero kung ayaw mo rito, bakit nandito ka?”
“Dahil nandito ang kapalaran ko.” Nagningning ang mga mata ni Dominique nang may kung sinong pagmasdan sa di-kalayuan. Kilala ni Temarrie ang lalaking tinitingnan nito. Si Zell. “If it wasn’t for my beloved Renzell, hindi ako magtitiyaga rito. The guys here are alright. Ang mga babaeng karay lang nila ang hindi ko ma-take. Mga atrimitida, peste. Nagkapera lang nang apat na milyon sa bangko, akala mo kung sino nang magsiasta. Karamihan walang modo. Ah, oo nga pala. Hindi pa ako nagpapakilala.” Inilahad nito ang kamay. “I’m Paz Dominique Moreno. Ako ang pinakamayaman dito.”
Doon na natawa si Temarrie nang tanggapin ang kamay ng babae. “I’m Temarrie. Hindi ako kasingyaman mo.”
“That’s okay. At least, you’re nice enough. b y the way, I watched your wedding on television. Ang sweet. Lalo na no’ng isuot ni Jubei sa iyo ang naiwan mong sapatos. It’s really cute. Bagay na bagay kayo.”
Ngumiti lang siya. Oo, iyon ang araw na inagaw niya si Jubei kay Rumina, ang babaeng totoong mahal nito.
“Kaya nga nagtataka ako kung bakit hinahayaan mong mag-isa roon ang asawa mo,” patuloy ni Dominique. “Ikaw rin, baka maagaw pa siya ng Rumina na iyon.”
“Karapatan niya iyon. Dahil kanya naman talaga si Jubei.”
“What are you talking about? Wala na siyang karapatan kay Jubei dahil ikaw na ang pinakasalan niya.”
“Hindi gano’n kasimple iyon, Dominique.” Nilingon niya ang direksyon ng dalawa. Magkausap pa rin ang mga ito. She felt something squeeze her heart once again. “Nakialam lang ako sa relasyon nila kaya hindi sila ang nagkatuluyan.”
“I see. Well, not really but I get your point. Kumplikado talaga ang pag-ibig, ano?” Kinalabit siya nito. “You’re in love with Jubei, aren’t you?”
Madali lang iyon sagutin. “Oo.”
Kung sana’y gano’n lang din kadali na ipaliwanag ang mga nangyari sa kanya with regard to that man she had subconsciously fallen in love with.