“ B akit kinuha mo pa rin ang Baltimore’s Place? Akala ko ba nagkasundo na tayo sa bagay na iyon?”
“Misis, ang aga-aga pa para mag-away tayo.”
“Huwag mo akong matawag-tawag na misis kapag ganitong mainit ang ulo ko.” Ibinagsak ni Temarrie sa ibabaw ng table ni Jubei ang dala niyang bag.
Talagang sinugod niya sa opisina si Jubei matapos makausap kanina ang real state agent na si Manny. Nabili na raw ng Shinra Corporation ang lugar na pinakaiingatan niya.
“Bakit pinakialaman mo iyon, Jubei? Nakakaasar ka na talaga!”
“My company needs it, Temarrie.”
“I need it, too!”
“What for?”
“That’s none of your damn business.”
“I’ve made it my business since you’ll have to convince me to give you that building. Tamang-tama ang lugar na iyon para sa itatayo kong annex building ng Windurst. So, unless mabibigyan mo ako ng magandang dahilan para ibigay ko sa iyo ang Baltimore’s, mananatili sa mga kamay ko ang lugar na iyon.”
Damn him! Naisahan na siya nang walang kahirap-hirap. Bakit ba kasi naniwala pa siya sa mga salita nito?
“Kapag sinabi ko sa iyo ang dahilan ko, ibibigay mo na sa akin ang Baltimore’s?”
“I’ll think about it. Like I said, kailangan mo muna akong makumbinsi.”
Ayaw niyang magsalita. Nasanay na kasi siya sa kanyang pamilya na hindi naman pinakikinggan ang mga opinyon at sinasabi niya. Ngayon ay mapipilitan siyang magsalita, kahit na nga alam niyang hindi rin naman pakikinggan ni Jubei ang sasabihin niya.
Men were so heartless. Bakit ba hindi na lang sila magkaroon ng sariling planeta at nang hindi na nagugulo pa ang mundo ng mga kababaihan?
“Kailangan ko ang Baltimore’s dahil iyon ng pinakamagandang puwesto para sa iniisip kong itayong negosyo.”
“Which is?”
“A restaurant. Matagal ko nang plano iyon. Hindi ko lang agad naisakatuparan dahil ipinahamak mo ang perang puhunan ko sana para doon.”
He leaned back against his seat. Halatang pinag-iisipan nito nang husto ang kanyang mga sinabi, which was new to her. Usually kasi, pakikinggan lang ng mga tao sa paligid ang mga sinasabi niya pero hindi naman talaga iyon sineseryoso. Jubei, on the other hand, looked like he was interested enough to contemplate her words.
For the first time, someone did listen to her.
“You don’t have to work, you know,” wika ni Jubei. “Kapag naghiwalay na tayo, makakakuha ka ng malaking halaga since wala tayong pinirmahang pre-nuptial agreement.”
“Gusto ko lang ng isang bagay na alam kong pinaghirapan kong ipundar.”
“O gusto mo lang may mapatunayan sa iba?”
“Paano kung gano’n nga? Masama ba iyon?”
“Hindi naman.” May kinuhang papeles si Jubei sa drawer at ibinigay iyon sa kanya. “Just sign it and Baltimore’s place is yours.”
Napatanga na lang si Temarrie kay Jubei. Ibinibigay na nito sa kanya ang lugar nang walang ibinibigay na ano mang kundisyon?
“Huwag mong isipin na ginawa ko ito dahil naaawa ako sa iyo,” anito. “Gusto ko lang subukan mo ang nauna mo nang plano. Pero kapag nabigo iyon, babawiin ko uli sa iyo ang Baltimore’s, Temarrie. You only have one chance so make sure you do everything right.”
Wala palang kundisyon, ha? Pero hindi niya magawang maasar. He had given her a chance to prove herself. Sapat na iyon para mapalagpas niya ang kasalanan ni Jubei sa kanya nang mga sandaling iyon. Kinuha na niya ang mga papeles at binalikan na rin nito ang trabahong ginagawa kanina bago siya sumugod doon. Subalit nanatili lang siya sa harap ni Jubei habang pinagmamasdan ito. Kaya rin pala nitong magpakabait kahit sandali. Ang maganda pa roon, nagustuhan niya ang ugali nitong iyon.
Hindi naman pala ito ganoon kasama.
“I really don’t like it when someone’s watching me while I’m working.” Muli siyang binalingan ni Jubei . “Do you need anything else, Misis?”
“Wala na, Mister.”
Dala ang mga papeles ay naupo si Temarrie sa visitor’s couch upang doon na pirmahan ang mga papeles. Misis. Mister. Kakatwang tawagan iyon para sa tulad nilang mag-asawa na. Pero come to think of it, nakakatuwa sa pandinig. Para silang mga tanga.
Siya lang, `no?
“Huwag mong kalilimutan, Misis. Bernardo ka na ngayon at hindi na Icasiano.”
Nagulat pa siya nang marinig ang boses ni Jubei. Lalo na nang maupo ito sa tabi niya at ibigay sa kanya ang isa pang kopya ng mga papeles.
“Alam ko namang magkakamali ka kaya nagpadagdag ako ng isa pang kopya.” Kinuha nito ang mga papeles na nauna na niyang napirmahan. Marahan itong napailing nang basahin iyon. “Masanay ka nang maging Mrs. Juan Bernardo IV. Matagal-tagal din tayong magsasama.”
Ewan niya kung ano ang pumasok sa kanyang utak niya at pinagmasdan na lang si Jubei imbes na pagtuunan ng pansin ang mga bagong kopya ng papeles na dapat niyang pirmahan. Bakit parang nag-iba ito sa kanyang paningin? At bakit hindi na niya magawang maasar agad ngayon? Ano’ng nangyari sa kanya? Nang balingan siya nito ay doon lang siya nahimasmasan.
“Saan ko nga uli ito pipirmahan?” Itinuro nito sa kanya ang espasyo sa pinakailalim ng mga papeles.
Ang ganda pala ng mga daliri ni Jubei. Parang kandila. At ang mga kuko, malilinis. Temarrie, imbes na ang mga daliri at kuko niya ang pag-interesan mo, bakit hindi mo na lang pirmahan iyang mga papeles at nang makalayas ka na, `no?
“Mag-iiba na naman ba ako ng pirma, Jubei? Kasi iba na ang pangalan ko, eh.”
“Hindi ko rin alam.” Ibinigay nito sa kanya ang isang piraso ng papel na hawak nito. “Mag-practice ka muna ng ibang pirma habang hindi ko pa naitatanong sa mga abogado.”
Gusto niya ang magaang atmosphere sa pagitan nila ng kanyang asawa. Asawa. Well, will you look at that? Parang tanggap na niya ang sitwasyon nilang iyon, ah. Parang hindi nangyari na kagabi lang ay halos magpatayan na sila nang dahil lang sa isang kama.
“Okay na ba `to?” Ipinakita ni Temarrie ang kanyang bagong pirma. Dumikit naman sa kanya si Jubei upang tingnan iyon. Bahagya lang siyang nailang, pero ilang segundo lang ay nakapag-adjust na rin ang sistema niya sa presensiya nito. And it felt good, just like that one time when she leaned against his back.
“Hindi maganda,” anito. “Palitan mo. Subukan mo pa ang ibang style at strokes.”
She never thought signing papers would feel this nice. “ h ow about this?”
“Parang pinag-trip-an lang ng addicts. Gandahan mo naman.”
“Iyon na ang pinakamaganda kong pirma, `no?” Sinubukan niyang muli. “Kapag nilait mo pa iyan, sasaksakin na kita ng ball pen.”
“Hindi, okay na iyan,” sagot nito nang hindi man lang tinitingnan ang kanyang bagong pirma.
Natawa na lang si Temarrie. Ngingiti-ngiti na lang din si Jubei nang kunin sa kanya ang mga papeles. Pagkatapos ay tahimik na lang sila habang nananatiling nakaupo sa couch. Wala na siyang masabi pa. Ito man ay mukhang wala namang ibang gustong sabihin. Pero damang-dama niya na pareho silang wala pang balak na umalis sa tabi ng isa’t isa. Nice.
“Aalis na ako,” aniya.
“Sige.”
Magkasabay silang tumayo. Nakapagtataka na talaga ang ikinikilos nilang dalawa. Pero mas nagulat si Temarrie nang sabayan siya ni Jubei sa paglalakad patungo sa elevator.
“Ihahatid lang kita hanggang elevator,” anito. “Baka maligaw ka.”
“Opisina mo ang buong palapag na ito, paano akong maliligaw?”
Si Jubei pa mismo ang pumindot sa elevator. “Huwag ka nang umangal diyan. Mabuti nga at inihahatid pa kita.”
“So, dapat pa akong magpasalamat sa iyo, gano’n?”
“Hindi ko na inaasahan iyan. Alam ko namang hindi ka talaga magpapasalamat.”
“Marunong din naman akong magpasalamat kahit paano.” Pumasok na siya sa elevator nang bumukas iyon. “Thank you. O, `ayan. See?”
Ngumiti lang ito at itinaas ang isang kamay bilang pamamaalam. “Ingat, Misis.”
Ang ngiting iyon ni Jubei ang baon niya nang sumara na ang elevator. Napasandal siya sa malamig na steel wall ng elevator nang may ngiti rin sa mga labi.
“Mukha ka na ring tanga ngayon, Temarrie,” aniya sa sarili. “Ngumingiti ka nang walang dahilan.”
Anong wala? Meron, `no? Ah, oo nga pala. And her reason was that guy she thought she would never get along with. Her husband.
BUONG araw na nagpapaikot-ikot si Temarrie sa pagsu-supervise sa renovations ng Baltimore’s Place at ang pamimili ng mga kailangang kasangkapan para sa kanyang restaurant. May kaunting ipon naman siya sa bangko at iyon ang nagagamit niya sa pagbili ng mga gamit. Nakatulong din na hindi na niya binayaran kay Jubei ang lugar na iyon dahil mas nakapag-focus na siya nang husto sa restaurant mismo.
Fully-furnished naman ang lugar kaya kaunting renovations lang ang kailangan upang makuha ang gusto niyang ayos doon. Gabi na nang makita niya ang kalahati ng mga pinaghirapan niya. Masaya siya pero hindi pa satisfied.
“Gusto kong maglagay ng space sa labas para sa kaunting greenery,” aniya kay Lou, ang landscape artist na nakuha niya. “A little garden. Tapos pakilagyan na rin ng maliit lang na waterfalls. Nakaka-enhance kasi ang tunog ng running water sa mood ng mga taong kumakain. Mas okay din siguro ang mga ornamental plants kaysa mga ordinaryong halaman lang, ano? Yeah, I want ornamental plants. And then—”
“Ma’am, excuse me po,” singit ni Lou. “May bisita ka yata.”
“Ha?” Si Jubei ang nakita niyang nakatayo sa may pinto ng restaurant at pinagmamasdan ang kabuuan ng lugar. “Ah, ang asawa ko.”
“Asawa mo? Ang guwapo, ha?”
Napakagat-labi na lang ang babae nang kunot-noo niyang balingan. Ewan niya pero mukhang na-gets naman nito ang gusto niyang iparating na hindi na puwedeng pagpantasyahan ang kanyang asawa. Iniwan niya ito at nilapitan si Jubei.
“Hi. Ano’ng ginagawa mo rito?”
“I’m just checking out the place. Isang araw pa lang ang nakakalipas, malaki na agad ang naging progress nitong lugar, ah.”
“Oo, talagang hindi ko tinigilan hangga’t wala akong nakikitang magandang resulta.” Isa-isa niyang itinuro ang mga natapos nang bahagi ng restaurant. “Ito ang magiging bar counter. Dito naman ang smoking area. Meron din sa second floor pero hindi mo pa makikita ang kagandahan niyon dahil hindi pa namin nauumpisahan sa renovations—”
“Gabi na, Temarrie. Hindi ka pa ba uuwi?”
“Mamaya na siguro. Kailangan ko pang bigyan ng mga instruction ang mga trabahador dito para sa—”
Kinuha sa kanya ni Jubei ang hawak niyang listahan ng mga kailangan niyang gawin at basta na lang inihagis sa bakanteng silya. Pagkatapos ay hinawakan siya nito sa kamay at hinila na palabas.
“Jubei, what the heck are you doing? Hindi pa tapos ang trabaho ko.”
“Kaya nga naimbento ng Diyos ang gabi para ma kapagpahinga ang mga tao. At kaya rin may bukas pa.”
Hindi na nakapalag pa si Temarrie nang ideposito siya ni Jubei sa passenger seat ng kotse nito. “Paano ang kotse ko?”
“Mababantayan naman iyan ng mga tauhan mo rito.” Sumakay na rin ito sa driver’s seat. “Ngayon ka lang ba nakahawak ng negosyo kaya sinagad-sagad mo na?”
“Oo.” Inilabas niya ang mga baong papeles at kung ano-anong resibo sa kanyang bag. “Sayang kasi ang oras kapag nagpabandying-bandying pa ako. Marami na akong naaksayang pagkakataon noon kaya ngayon, hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Masyado nang atrasado ang mga plano kong ito.”
Isa-isa niyang tiningnan ang mga resibo nang hindi umimik si Jubei. Nagpatuloy din siya sa pagmo-monologue.
“Hindi ko akalaing mahal na pala ngayon ang mga furniture na gusto ko. Mabuti na lang at marami akong alam na stores kaya nakakuha ako ng mga mas murang kagamitan. Alam mo bang halos doble ang nakuha kong discount doon sa tatlong furniture stores na napuntahan ko? Nakakatuwa. Bukas, maaayos na namin ang mga gamit sa restaurant at siguro sa susunod na linggo, magiging fully-operational na iyon. I can’t wait for that day.”
Nanatiling tahimik lang si Jubei habang nagmamaneho. Well, kung hindi ito magsasalita, okay lang sa kanya. Mas mabuti nga iyon dahil makakapag-concentrate siya sa ginagawang pagse-self inventory. Kaya lang, inatake naman siya ng antok ngayong wala na siyang makausap.
“Magsalita ka naman diyan, Jubei. Nakakaantok na ang katahimikan dito sa kotse mo.”
“Ano naman ang sasabihin ko?”
“Kahit ano…” Naghikab na si Temarrie. “Basta magkuwento ka at nang hindi ako makatulog. Iso-sort out ko pa ang mga resibong ito…” Muli siyang naghikab. “Hay naku.”
Kinusot niya ang mga nanlalabo at namumungay niyang mga mata. Masyado yata talaga siyang napagod kanina kaya ngayong nakakuha ng pagkakataong makapagpahinga ang kanyang katawan ay sinamantala na nito iyon. Hindi na niya nalabanan pa ang hila ng antok. Kapipikit lang niya ng mga mata nang maramdaman niya ang masuyong paghila sa kanya ni Jubei at paghilig nito sa kanya sa dibdib nito.
“Matulog ka lang diyan, Misis.”
“Hmmm…”