“ W hat do you mean, pag-iisipan mo pa? Akala ko ba nagkasundo na tayo noong huling beses tayong nagkausap na sa akin mo ibibigay ang lugar na ito? Bakit ngayon pag-iisipan mo na naman?”
Gustong-gusto nang sigawan ni Temarrie ang ahente ng abandonadong establishment na nais niyang bilhin. Pinigilan lang niya ang sarili dahil mabait naman ito at sa isang banda, naiintindihan din niya ito.
“Ang usapan natin, within the week ay maibibigay mo na kahit kalahati ng presyong napagkasunduan natin, Temarrie. You even called me to confirm that the other night. And now, nagbago na naman ang ihip ng hangin.”
“Nagkaroon lang ng kaunting aberya. Pero sinabi ko naman sa iyo na maibibigay ko rin ang perang iyon. Just give me enough time.”
“I’m willing to give you that, kung sa akin lang ang establishment na ito. Ang kaso, hindi. Nagmamadali na ang may-ari na maibenta ang lugar na ito dahil aalis na sila patungong America next week. They want the money as soon as possible. And someone else is willing to give that money anytime.”
“Pero, Manny…”
Napabuntunghininga na lang ito. “Hindi talaga kita maintindihan, Temarrie. Mayaman naman ang pamilya mo pero bakit kailangan mo pang magtiyaga na mag-put up ng negosyo mo?”
Napasimangot na lang siya. “My family has nothing to do with this.”
“Alright, alright. Hindi na ako makikialam sa personal mong buhay.” Binasa nito ang text message sa cellphone. “My client doesn’t want to wait any longer, Temarrie.”
“Hindi mo ba puwedeng pakiusapan sila, Manny? I have the money. It’s just that…”
“You don’t really have it.”
Humalukipkip lang siya at pinagmasdan ang kabuuan ng lugar. Iyon na ang pinakamainam na lugar para sa negosyo sanang naiisip niyang itayo. Very accessible sa lahat at mura pa ang offer na presyo dahil nga nagmamadali na ang may-ari niyon.
Kung sana ay hindi nakialam ang lalaking iyon, masaya na sana ako ngayon sa piling ng abandonadong establishment na ito.
“Hay… sige na nga,” mayamaya’y wika ni Manny. “You’re my wife’s best friend so I’ll reconsider, Temarrie.”
“Talaga?”
“Pero kaunting panahon na lang ang maibibigay ko sa iyong palugit. My hands are tied, you know.”
“Oo, oo! Give me until next week.”
“Earlier, please. Para hindi mahalata ng kliyente ko na may pinapaboran akong buyer. If not, then I have no choice but to take Mr. Bernardo’s offer.”
“Mr. Bernardo?” Hindi niya gusto ang timbre ng pangalang iyon. “Sinong Mr. Bernardo?”
“`Yong may-ari ng Windurst Productions at ng Shinra Corporation. Magkakaroon yata sila ng business expansion kaya interesado sila sa establishment na ito. And they’re willing to double the price just to get this as soon as possible, Temarrie. Kaya kung ako sa iyo, kung talagang gusto mo na makuha ito, kumilos ka na.”
Pero nakuha na ng pangalang binanggit ang kanyang atensyon. “Itong Mr. Bernardo na tinutukoy mo, ano pa ang alam mo sa kanya?”
Napatingin sa kanya sandali si Manny bago sumilay ang isang ngiti. “Interesado ka rin pala sa kanya. Kunsabagay, lahat naman yata ng babae ay interesado sa nag-iisang tagapagmana na iyon ng kayamanan ng mga Bernardo. Well, for one, he’s still single. At least, that’s what he wants to let everyone know.”
“Meaning?” Wala siyang interes sa lalaki. Ang gusto lang niyang malaman ay kung sino ito talaga. Pero hindi na rin masamang malaman niya ang ilang impormasyon sa taong itinuturing niyang naging tinik sa kanyang lalamunan, kung tama nga siya ng taong tinutukoy.
“With all that money, not to mention those looks…In fact, even without money, imposibleng wala pang girlfriend ang isang iyon. Unless he’s gay, of course.”
He didn’t look gay to me when I saw him. Pero baka naman hindi sila pareho ng taong iniisip. Marami nga naman kasing may apelyidong Bernardo sa Pilipinas.
“Baka nga bading. Looks can be deceiving, you know.”
“Nah. Wala sa itsura niya o sa kilos. Sigurado rin akong may girlfriend na iyon, itinatago lang niya para hindi pagbantaan ng ibang babaeng nagkakagusto sa kanya.”
“Alam mo, Manny, may potensyal kang maging showbiz reporter. Kapag nagsawa ka na sa trabaho mo bilang real state agent, mag-apply ka sa tv .”
Tumawa lang ito. “Hindi pa ako nagsasawa kaya ngayon ay kailangan ko nang umalis. Kailangan pa ako ng iba ko pang kliyente. Let me know kung ano na pasya mo before the coming week. I’m really sorry, Temarrie. Pero hanggang doon na lang ang maibibigay kong extension sa iyo.”
“Don’t worry, okay na iyon. Teka, may isa pa akong tanong.”
“Ano iyon?”
“What’s the name of that Mr. Bernardo?”
“Juan Bernardo IV,” sagot nito.
“Si Jubei?”
“Yes.”
“MISS, saan ka pupunta?”
Nilingon ni Temarrie ang babae sa reception. “I’m here to see Mr. Bernardo.”
“Do you have an appointment with him, Ma’am? Ayaw ho kasing magpaistorbo ni Sir ngayon.”
Ayaw magpaistorbo? Kiss my ass! Ginulo nito ang nananahimik niyang buhay, kaya nasa kanya ang lahat ng karapatan para bulabugin din ang buhay nito. Nawalan siya ng malaking halaga na maaari sana niyang magamit para magkaroon ng sariling buhay. Hindi siya papayag na basta na lang kalimutan iyon. Kaya ngayon ay maniningil siya. At ang gusto niyang kabayaran ay ang establishment na iyon na pinag-iinteresan na rin ng walanghiyang lalaki.
“I don’t need an appointment with him.”
“Pero, Ma’am—”
“I’m his fiancée. Kung ayaw mong maniwala, tawagan mo siya.”
Hindi na niya hinintay pang matapos ang babae sa gagawin nito. With that surprised look on her face, sigurado siyang aabutin pa ito nang forty thousand years bago ma-absorb ang kanyang sinabi.
Napaismid na lang si Temarrie habang naglalakad patungong elevator. Madali lang niyang natagpuan ang lalaki. Nang tumawag siya kanina sa opisina ng Shinra Corporation, sinabi ng sekretarya nitong nasa Windurst Productions nga ito nag-opisina nang araw na iyon.
“I wouldn’t marry that creep!” sambit niya habang hinihintay bumukas ang pinto ng elevator.
“Miss?” Nilingon niya ang tumawag ng kanyang pansin. “Hi. I’m Antonio Corpuz. But you can call me Tonet.”
Inabot niya ang nakalahad na kamay ng binabaeng lalaki. Ah, ewan. Basta, iyon na iyon.
“You’re so pretty. Model ka ba?”
“Hindi.”
“Ay, baket? Bagay na bagay ka pa namang maging model. Tamang-tama, we’re looking for a fresh face para sa bago naming shampoo product. Ang ganda-ganda ng hair mo. Ang haba pa. Baka gusto mong i-try mag-model? Madali lang naman iyon.” Ibinigay nito sa kanya ang isang calling card. “Kapag naisipan mong maging modelo, tawagan mo lang ako, ha?”
Binasa niya ang nakasulat doon. “You’re scouting for models for this company?”
“Oo. Kaya wala kang dapat na ipag-alala. Maaalagaan ka rito. If you want to venture into showbiz, puwede rin kitang ipa-handle sa pinakamagagaling na talent managers—”
“Ah, no thanks. Pero pag-iisipan ko ang tungkol dito sa alok mong pagmomodelo. By the way, anong floor ang opisina ni Mr. Bernardo?”
“Sa pinakamataas na floor siya. Are you his girlfriend?”
“No.” Bumukas na ang elevator at pumasok na si Temarrie. “I’m his fiancée.”
Kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata ng binabae bago tuluyang nagsara ang elevator door. Sa mga nakita niyang reaksyon ng mga tao roon kapag sinasabi niya ang papel niya sa buhay ng amo ng mga ito, lalo niyang nasiguro na wala ngang girlfriend si Jubei. Hindi kaya tama siya sa assessment niya tungkol dito? na maaaring berde ang dugo nito? Kung ganoon, sayang ito. Pero wala na siyang pakialam doon. Mas importante sa kanya ang makuha ang lahat ng gusto niya sa ngayon mula rito.
Pagbukas ng elevator sa pinakamataas na palapag, hindi na niya kailangan pang maghanap sa opisina ni Jubei. Dahil naroon na siya mismo. The whole floor was his alone. Isang tingin lang, mahahalata na agad na sagana sa lahat ng kayamanan ang lalaki. Manliliit ang sino mang hindi sanay sa karangyaan kapag napunta ito sa ganitong lugar.
Wala akong pakialam sa kayamanan niya. I have my own wealth. And I want to have that wealth of mine.
May narinig si Temarrie na mahinang pag-uusap na nagmumula sa nakabukas na pinto sa kaliwa. Nagmamadali siyang sumugod doon subalit agad ding napahinto nang makitang may babaeng kasama si Jubei. Nakaharap ang dalawa sa glass window kung saan makikita ang kabuuan ng Maynila. Tila masinsinan ang pag-uusap kaya hindi na muna siya sumingit. Maghahanap siya ng magandang timing para lalong maging dramatic ang pang-iistorbo niya.
“What are you saying, Jubei?”
“You know what I mean, Rumina. I’m asking you to marry me.”
Marry? Was he proposing to her? Akala ko ba walang girlfriend ang kumag na ito? And the woman was none other than the silent, sophisticated and most sought-after actress in the country at the moment. Lahat na yata ng society pages ng mga magazine at diyaryo sa bansa ay naroon ang pangalan at larawan nito. At ni minsan ay hindi nabanggit doon ang tungkol sa love life nito. Kung gano’n, may lihim na relasyon ang dalawa. Kunsabagay, sa itinatakbo ng career ngayon ng babae, natural lang na itago nito ang relasyon dahil makakaapekto iyon sa image nito.
Pinagmasdan uli ni Temarrie ang mga ito. This time, napako na lang ang mga mata niya sa mukha ng binata. a lthough hindi ko rin alam kung bakit kailangan pang itago ni Rumina ang boyfriend niya. Guwapo naman ang Jubei na ito, mahirap nga lang pakisamahan.
“Jubei, napag-usapan na natin ang tungkol diyan, hindi ba? I can’t accept your offer, at least not now.”
“Why not?”
“Marami pa akong plano sa buhay. Gusto ko pang matupad na muna ang mga iyon.”
Hindi agad sumagot ang lalaki. Nanatili lang itong nakamasid sa magandang tanawin sa labas ng bintana. Temarrie could not help but smile. Magkano kaya ang ibibigay sa kanya ng mga taga-media para sa showbiz scoop na ito? Ah, bakit kailangang hintayin niya kung magkano ang makukuha niya kung puwede naman siyang mag-demand?
The elusive bachelor and the mysterious young actress , the caption would say. Engaged?
Naisip niyang bigla ang kanyang pamilya. Paano ba naisip ng mga ito na papayag siyang magpakasal sa isang lalaking may girlfriend na? Desperado na bang masyado ang mga ito na maidispatsa siya at pati ang lalaking may mahal nang iba ay itatambak pa sa kanya?
“Jubei, just give me a little more time, okay?” Hinawakan nito sa braso ang binata. “I have a movie offer from Miramax International. At ayokong palagpasin iyon. Hindi lahat ng Filipino actors ay nagkakaroon ng ganitong pagkakataon. And I really want this. Please, ito na lang talaga, and then we can talk about our wedding.”
“I might not be there for you anymore when you get back, Rumina.”
“What are you talking about, Jubei?” natatawa pa nitong wika. “Of course we’ll still be together. Sandali lang naman ako do’n. Unless, ipagpapalit mo na ako sa iba. I trust you. So, please, trust me on this. Just this once, Jubei. And then I’ll give up my acting career entirely.” Hindi na nagsalita pa ang lalaki. “Jubei—”
Tumunog ang cellphone ni Rumina. Sinagot nito iyon habang nakamasid lang dito si Jubei. Hindi alam ni Temarrie kung pagtatawanan niya ang lalaki o kaaawaan. Obvious naman na mas priority ng babae ang career nito.
Sige na nga, maaawa na lang ako sa iyo.
“Jubei, that was my agent. Ipinapatawag na niya ako para sa press conference namin. I have to go.”
And she handed him the little box just like that and headed for the door where she had been standing. Huli na para makapagtago si Temarrie dahil nakita na siya ng babae.
“Sino ka at ano’ng ginagawa mo rito?”
Napansin niyang napalingon na rin sa kanya ang lalaki. Wala na talaga siyang lusot. Oh, well.
“Gusto kong makausap si Mr. Bernardo.”
“He’s busy.”
Ang bruha. Totoo talaga ang kasabihan. Looks can really be deceiving. Mabuti na lang at hindi siya naniniwalang may mababait pang tao sa mundo.
“Tapos na kayong mag-usap. At hindi ba’t may pupuntahan ka pa? Umalis ka na bago ka pa ma-late.”
With that, tuluyan nang umalis ang babae. Napailing na lang si Temarrie. Iyan ba ang taong willing i-give up ang career para sa boyfriend?
“Hindi ba’t naipakulong na kita? Bakit nagpapagala-gala ka pa rin hanggang ngayon?”
Nakatayo na si Jubei at naglalakad patungo sa kanya. He still had the face of an angel. Pero parang ma s naging masama ang ugali nito ngayong wala siyang nakikitang ano mang ekspresyon sa guwapo nitong mukha. Tinanggihan ng walang pusong babaeng iyon ang alok na kasal at sigurado siyang malaking dagok iyon sa ego ni Jubei bilang lalaki at bilang isang nagmamahal. Kaya hindi na muna niya ito papatulan ngayon.
“Nagpunta ako rito para makipag-usap at hindi para maghanap ng away, Mr. Bernardo.” Sumandal ang lalaki sa hamba ng pinto at humalukipkip habang nakamasid paharap sa kanya. And for a moment there, his gesture made her feel uneasy. Napasandal na rin tuloy siya sa kabilang panig ng hamba ng pinto upang ipaalam na hindi siya nasisindak.
“At ano ang pag-uusapan natin?” tanong nito. “Ang alam ko, tapos na tayo sa lahat ng usapan natin doon pa lang sa presinto.”
“Ikaw lang ang nakaraos do’n. Ako hindi pa. At dahil do’n, nadagdagan ang atraso mo sa akin.”
“Atraso?”
“Ipinakulong mo ako nang walang kadahi-dahilan. Alam mong wala akong kasalanan—”
“Alam kong may kasalanan ka.”
“Wala akong kasalanan!” She counted to ten. Bigo iyan, Temarrie. Kaya pagbigyan mo na lang. Nang maramdamang kontrolado na uli niya ang emosyon ay saka lang siya muling nagsalita. “Bayaran mo ang perang nawala sa akin.”
Kahit ang ngiti ni Jubei, punung-puno ng pait. Hay naku, ang mga bigo nga naman.
“Nananaginip ka pa rin ba hanggang ngayon? Baka naman kulang pa ang oras na inilagi mo sa presinto para magising ka sa katotohanan.”
Ah, wala nang bigo-bigo! “Alam mo, nakakaasar ka na, ha? Sinabi ko na sa iyong hindi ako kriminal. Kung ayaw mong maniwala, bahala ka sa buhay mo. Basta bayaran mo ang perang nawala sa akin dahil sa pakikialam mo. Pero ayoko ng cash ngayon. Ang gusto ko, lubayan mo ang Baltimore’s Place. Mayaman ka naman. Maraming abandoned establishments ka pang makukurakot kaya hayaan mo sa akin ang Baltimore’s.”
“And why would I do that?”
“Dahil… dahil…” Darn it! Wala siyang maisip na maikakatwiran! Isa lang. “Dahil kung hindi, sasabihin ko sa media ang tungkol sa pagtanggi ni Rumina Alcaraz sa marriage proposal mo.”
Muntik nang kumaripas ng takbo palayo si Temarrie nang makita ang pagdidilim ng mukha ni Jubei. Mali ang kanyang sinabi, sigurado iyon. Pero wala siyang balak na magpakita ng pagkasindak.
“Wala kang ano mang sasabihin sa kahit na sino, lalo na sa mga taga-media.” n agbabanta na ang boses nito. “Oras na malaman ng iba ang tungkol dito, mananagot ka sa akin. And believe me, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa iyo oras na suwayin mo ako.”
“H-huwag mo akong pagbantaan. Akala mo ba matatakot mo ako—”
Natigilan siya nang umayos ng tayo si Jubei at tumayo mismo sa harap niya. Batid niyang matangkad siya kaysa karaniwan ngunit pakiramdam niya ay isa siyang duwende sa paningin ni Goliath nang nga sandaling iyon.
“Hindi ka natatakot?” tanong nito sa halos pabulong na boses. “Gusto mong malaman kung paano ako manakot ng tao?” Inilapat nito sa ulunan niya ang isang kamay. “I can show you.”
Buwisit! Bakit ganito na lang ang pagkailang niya kay Jubei? Ibig bang sabihin n’on ay guilty siya? Pero wala naman siyang ginagawang masama, ah.
“Leave Baltimore’s Place and I’ll leave you alone.”
“Shut your mouth and I’ll let you live.”
“Aba’t—”
“Don’t push your luck, lady. I’m telling you, you wouldn’t like the consequences.”
“So, you’ve finally met each other. This is nice. Now we can prepare for your wedding.”
Sabay silang napalingon sa nagsalita. Hindi kilala ni Temarrie ang may-edad na lalaki na nakangiti sa kanila. Pero ang babaeng katabi nito na matiim na nakamasid sa kanila, kilalang-kilala niya. Si Rumina. Hindi pa pala ito nakakaalis.
Lumapit na sa kanila ang matandang lalaki. Ngayon lang naging malinaw sa kanya na malaki ang pagkakahawig nito kay Jubei. Malamang na mag-ama ang dalawa.
“Don’t you think its too soon for the wedding, Papa?”
“Jubei, hijo, matagal na nating napag-usapan ang tungkol dito. Sinabi ko na sa iyo na kung wala ka namang maipapakitang babaeng pakakasalan mo within five years, ipu-push through ko na ang napagkasunduan namin ng kaibigan ko no’ng college. And anyway, sobra na nang tatlong taon ang ibinigay kong taning sa iyo so—”
“Teka, ikaw si Juan Bernardo?” singit ni Temarrie. “Ang kaibigan ng papa ko no’ng college at…”
“Yes, hija. We’ve been talking about this for years. Pareho naman kayong single nitong anak ko at naghahanap na rin kami ng apo kaya why not marry each other instead? My son is a good man. And I know, according to your father, you’re the best daughter any father could ever ask for.”
Natigilan si Temarrie sa narinig. Sinabi iyon ng kanyang ama?
“If you don’t to get married at the moment, it’s okay. mas mabuti nga na magkakilala na kayo—”
“We’ve known each other for quite sometime, `Pa. Hindi lang namin sinasabi sa inyo. Gusto kasi namin kayong sorpresahin.” Nawalan na siya ng imik para kumontra nang akbayan siya ni Jubei. “We’re getting married as soon as possible, now that you already know about our relationship.”
“Oh, great! I’ll call Miguel.”
He was going to call her father! Oh, no! Pipigilan sana niya ang matanda nang mahagip ng kanyang tingin si Rumina. Narinig nito ang lahat. At kung hindi siya nagkakamali, talagang sinadya ni Jubei iyon. Gumaganti ito sa babae dahil sa ginawa nitong pagtanggi sa alok na kasal. Gago talaga ang mga lalaki kahit kailan.
Oh, well. Kung ginamit siya ni Jubei, puwes, gagamitin na rin niya ang sitwasyon para sa kanyang kapakanan.
“I want Baltimore’s Place, or mapapahiya ka sa babaeng iyon at ang iyong pamilya.”