noveltoon logo noveltoon
Eneru Villasis (Stallion Series 2)

Chapter 2

Ch. 2 / 10 Nov 28, 2025

Chapter 2

2

N

akaligtas si Jhunnica sa mga kuko ng may-kahanginang ‘prinsesa’ ng Davao. Pero hindi sa kanyang supervisor sa Rider’s Veranda, ang restaurant bar na pinapasukan niya sa Stallion Riding Club.

“Kabago-bago mo pa lang, ang lakas na ng loob mong magpa-late sa trabaho. Nakita mo ba kung anong oras na? Ang dami-daming trabaho rito sa restaurant at hindi ko kailangan ng mga walang pagpapahalaga sa oras.”

Hindi na siya sumagot. May kasalanan naman talaga siya kung bakit siya nahuli sa trabaho. Buwisit naman kasi iyong five-minute habit niya, eh. Iyon ang pahamak sa kanya kahit kailan. Ilang beses na rin siyang nalagay sa alanganin dahil sa kaka-five minutes niyang iyon sa umaga. Kaya nangako na siya sa sarili na magbabago na.

a

yaw rin naman niyang masesante sa trabaho. Sayang, eh. Doble kasi ang sahod niya rito kaysa sa normal na trabahong makukuha niya kahit saan.

Pero masakit na talaga ang mga paa niya sa kakatayo roon. Kahit kasi pinasakay siya ni Dominique patungo sa club, masyado nang mahaba ang nilakad niya kanina bago ito dumating at ngayon ay namamaga na ang kanyang mga paa.

“Doon ka sa kusina.”

Napaangat ang tingin ni Jhunnica sa supervisor. “Ha?”

“Doon ka sa kusina. Parusa iyon sa mga gaya mong tatamad-tamad.”

“Sandali. Bakit ako sa kusina magtatrabaho? Waitress ang papel ko rito at hindi tagahugas ng mga pinggan.”

Sa itsura ng supervisor, mukhang hindi nito nagustuhan ang pagsagot niya. Pero wala siyang balak na magpasindak.

“Sinusuway mo ako, gano’n?”

“Ipinapaliwanag ko lang ho na kung parurusahan ninyo ako dahil sa kasalanan ko ngayon, bigyan ninyo ako ng memo. Hindi iyong basta na lang ninyo ako itatambak sa kusina.”

“At nagmamarunong ka na rin ngayon. Hoy, babae, baka nakakalimutan mo kung sino ako at kung ano ka lang dito. Kaya wala kang karapatang sagut-sagutin ako ng ganyan.”

“Ipinaglalaban ko lang naman ang karapatan ko, Ma’am. Wala sa kontratang pinirmahan ko ang ipadala sa kusina kapag nagkamali ako. At first offense ko pa lang naman ito. Kung isusumbong mo ako sa management, okay lang. Tatanggapin ko ang ano mang parusa just as long as naaayon iyon sa civil code ng Pilipinas.”

Napansin ni Jhunnica na napapahinto sa mga gawain ang ibang empleyado ng restaurant bar. At iyon siguro ang dahilan kung bakit mukhang lalong nag-init ang ulo ng supervisor. Kapag pinatalsik siya nito sa trabaho, magsasampa siya ng kaso. Hindi siya papayag na basta na lang mapaalis doon dahil lang sa isang beses na pagka-late sa trabaho.

Peste! Ginigising ng bruhang ito ang dugo ng lolo kong gerilya na nananalaytay sa aking katawan!

“Mahusay!”

Sabay silang napalingon sa nagsalita. Gino, their head chef and owner of Rider’s Veranda, was grinning widely and clapping as he watched them from the other end of the bar. Hindi tulad ng madalas makitang suot ni Gino na chef uniform, isang eleganteng equestrian uniform ng riding club ang suot nito. Pero hindi iyon ang ikinagulat ni Jhunnica kundi ang makita ang pamilyar na mukha ng lalaking kasama ni Gino. Si Eneru. At kung guwapo na ito kanina sa simpleng kasuotan, lalo na ngayong suot na nito ang equestrian uniform na black jacket, cream breeches at black riding boots. Napakakisig. Parang kalaro lang ito ni Prince William sa pangangabayo. Kunsabagay, lahat naman ng miyembro ng club ay ganoon ang dating. Pero may ibang pang-akit sa kanya si Eneru. Basta.

Wala itong imik pero mahahalata pa rin ang amusement sa mga mata habang nakamasid sa kanya. Damn! What a handsome creature! Really. Handsome. Kahit na ang katabi nitong si Gino na hindi rin naman pahuhuli sa itsura, hindi niya pinansin. Basta nakatutok lang ang mga mata niya sa lalaking minsan nang naging bahagi ng kanyang kabataan.

Bakit nga ba kita hindi sinagot noon, Eneru? Ang tanga-tanga ko naman pala noon. Hay…

“What do you think, Eneru?” tanong ni Gino. “Hindi ba’t napakaganda ng sinabi niya? Parang si Zell mangatwiran. Iilang tao lang ang kilala kong nakakaalam ng mga karapatan nila, much more ang ipagtanggol iyon. And she’s one of them. Magaling, magaling.”

Nagkibit lang ito ng balikat. “Late pa rin siya sa trabaho. And that’s still an offense in my book.”

“First offense,” pagdidiin ni Gino, saka sila muling binalingan. “Michelle, babaan mo na lang ng memo si Miss…

a

no na nga ang pangalan mo? Pasensiya na. Hindi ako matandain sa pangalan.”

“Jhunnica Serrano,” sagot ni Eneru para sa kanya.

“Do you know her?”

“Yeah. We went to the same school back in high school. Hindi ba, Jhun?”

Bakit kaya ganoon siya kung tingnan ni Eneru? Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng mga titig nito. Ang alam lang niya, naiilang siya sa paraan ng pagkakatitig nito sa kanya. It was like he was trying to take a peek into her mind.

“Really,” nakangiting sambit ni Gino habang pinapaikot sa kamay ang helmet. “Hmm, so Jhunnica pala ang name mo. That’s a nice name. Bagay sa iyo.” Binalingan ito ni Eneru. “What? Masama bang pumuri? Talaga namang bagay sa kanya ang pangalan niya. Parehong maganda.”

Bolero talaga ang kumag.

But she had to admit, guwapo rin si Gino. Charming. Kaya hindi nakakainis ang pagpapa-cute nito dahil bagay naman dito. Kaya lang, nasa katabi lang nito ang kanyang atensyon. Medyo nagtaka kasi siya na sa tono ng sinabi ni Gino ay parang lihim itong pinagbawalan ni Eneru.

Pinagbawalan? Na purihin ako? Bakit? Hindi ba siya naniniwala na pareho kaming maganda ng pangalan ko? Eh, hello! Hindi pa ba obvious iyon sa mukha ko? Kanina mo pa kaya ako tinititigan.

“Lahat naman ng babae sa iyo, maganda,” wika ni Eneru.

“Siyempre naman, `tol. Dahil iyon ang totoo. Walan

g babaeng panget. Katulad na lamang nitong si Jhun.”

Nagulat pa si Jhunnica nang dalawang lalaking naka-riding uniform din ang bigla na lang sumulpot at walang kaabog-abog na hinila sa magkabilang braso si Gino. Na kung hindi lang niya nakita ay aakalain niyang namamalikmata lang siya. Jigger and Trigger Samaniego, the most handsome twins she had ever seen, looked flawless as they pushed Gino towards the veranda.

“Ang aga-aga pa, Gino. Hayaan mo munang sumikat ang araw bago ka dumiskarte.”

“At may gatas pa sa labi iyan. Mahiya ka naman.”

“Pakialam n’yo bang dalawa? Inggit lang kayo.” Muling nakangiting binalingan ni Gino si Jhunnica. “Brewed coffee, Miss Pretty. Hihintayin ko iyan.”

“Yes, Sir.”

Tuluyan nang kinaladkad si Gino ng magkakambal sa veranda. Naiwan si Eneru sa tabi ni Jhunnica. Siguro ay hindi pa ito tapos na kastiguhin siya dahil sa mga nangyari kanina sa kanila. Kaya minabuti niyang mauna nang magpaumanhin. But he turned to Michelle even before she could open her mouth.

“Na-late si Jhun dahil may nangyaring aksidente sa kanya kanina. Involved ako roon kaya hindi niya kasalanan na nahuli siya sa trabaho. I hope you could consider that before giving her a memo.” Saka lang siya nito binalingan. “Ikaw naman, mag-iingat ka na sa susunod at nang pareho tayong hindi napeperwisyo.”

“Eneru!” Tatlong sopistikadang mga babae ang kumuha sa atensyon nito bago pa man siya makapag-react sa sinabi nito. Lumapit ang mga babae sa lalaki at agad umangkla sa mga braso nito. “Dumating ka na pala from Las Vegas. Ikaw, ha? You’re hiding from us, ano?”

“Oo nga. Kung hindi pa sinabi sa amin ng ibang guests dito na nandito ka na nga, hindi pa namin malalaman.”

“Well, gaya nga ng sinabi ninyo, kararating ko lang kaya wala pa akong time na i-announce sa buong club na narito na ako,” nakangiti nitong sagot. Tumingin ito sa kanya na tila ba ipinagmamalaki ang sarili sa pagkakaroon ng tatlong babaeng nakalingkis dito.

Umurong palayo si Jhunnica upang hayaan ang mga itong maglampungan. Kapag nakakita siya ng pagkakataon, lihim siyang pupuslit. Nasusuka siya sa eksenang nakikita. Parang gusto niyang ingudngod sa mesa ang mga babae na kung hindi lang sa eleganteng mga kasuotan ay aakalain niyang mga sosyal na manyak.

“How are you, darling? We’ve missed you terribly.”

“Hmmm, doon na lang tayo sa veranda,” yaya ni Eneru. “Mas presko roon.”

“I agree.” Pinasadahan pa siya ng makahulugang tingin ng babae. “And the view there is much more…appealing.”

“O, girls, huwag ninyong dikdikin si Jhun. Hindi iyan lalaban.”

Talaga. Hinding-hindi ako papatol sa mga cheap-ips na iyan, `no? Excuse me lang!

“I want a Bloody Mary,” taas-kilay na utos sa kanya ng isa sa mga babae. “Tatlong cube ice lang ang ilagay mo. Ayoko ng masyadong malamig. Masama iyon sa voice ko.”

“I want a glass of chardonnay. No ice.”

“And make it quick.”

“Huwag ninyo masyadong pahirapan si Jhun,” nakangising singit ni Eneru. “Medyo nag-a-adjust pa iyan dahil na-late siya sa trabaho ngayon.”

“Pathetic,” wika ni Jen. “Why is she still here? Dapat ay sinisesante na ninyo ang mga gaya niyang tatamad-tamad.”

“Eneru!” sigaw ng isa sa mga kasamahan nitong lalaki sa veranda. Mukhang nag-umpisa na ang laro sa racetracks. “Come on, man! Neiji’s losing to Zell. Hindi mo dapat ito pinapalagpas, `tol!”

Iniwan na ni Eneru ang mga babae at nagmamadali nang nakisingit sa mga kasamahang nakadungaw din sa veranda. Akala ni Jhunnica ay hindi pa aalis sa harap niya ang mga babae dahil binigyan pa uli siya ng mga ito ng nakapanliliit na tingin bago sumunod sa binata.

“O, ano pa’ng tinatanga-tanga mo riyan?” untag ni Michelle na tila lalo pang naging mainit ang ulo sa kanya. “Kumilos ka na. Pati ako napapagalitan sa kapabayaan mo.”

Sinunod na niya ito para hindi na magsentimyento pa. Tutal, may kasalanan naman talaga siya. Kinuha niya ang mga order na ibinigay sa kanya at dinala ang mga iyon sa veranda. The women were sitting at the table, all dressed in a sophisticated way. Meanwhile, the men looked superbly handsome and elegant, as they bet on who was going to be the winner at the tracks. Bagay nga ang mga ito sa isa’t isa. Kung hindi lang maldita ang mga babae.

“You’re so matagal, ha? Kanina ko pa hinihintay ang drinks ko.”

“Sorry, Ma’am.” Inilapag na ni Jhunnica ang mga inumin sa table. “May kailangan pa ho kayo?”

“Ako, meron pa.” Si Eneru ang nagsalita. Nakasandal ito sa veranda habang nakamasid sa kanya. Na naman. “Scotch on the rocks.”

“Iyon lang, Sir?”

“May problema pa ba kayo ni Michelle?”

“Ho?” Out of tune yata ang tanong nito. “Eh… okay naman ho. Wala nang problema.”

“That’s good.”

Tinapik ito ni Jubei. “Tama na iyang pagpapa-cute mo, Eneru. Tayo na ang susunod na maglalaro sa Double Slalom. Come on, magpapasikat pa ako kay Temarrie.”

“Nasaan na nga pala ang asawa mong iyon?”

“Nag-CR lang sandali.”

Sumunod na kay Jubei si Eneru. Pero bago ito tuluyang umalis ay nilingon muna siya nito at kinindatan. Umarangkada ang tibok ng kanyang puso. What the heck did it mean? Bakit may nalalaman pa itong pakindat-kindat? Uso pa ba iyon? Pero anak ng patis! Kinilig nang husto ang puso niya! Nawala lang siya sa sariling mundo nang maramdaman ang malamig na likidong gumuhit sa kanyang braso. Nang tingnan niya iyon ay isang malaking pulang mantsa ang nakita niya sa manggas ng puting-puti niyang uniporme.

“Oh, I’m sorry,” wala sa loob na wika ni Jen. “Hindi ko napansin na nandiyan ka pa pala.”

Muntik nang ihulog ni Jhunnica sa veranda ang babae. Alam kasi niyang sinadya nito ang pagkakabuhos ng alak sa kanya.

“Okay lang, Ma’am.” Lihim na lang siyang napapalatak. Pipingutin na naman siya ng kanyang ina oras na makita ang mantsang iyon.

“O, Jhun, ano’ng nangyari sa iyo?” tanong ni Gino.

“I accidentally poured my wine on her. Nasagi kasi niya ako kaya `ayan, natapunan ko siya.”

“Gano’n ba? Ang mabuti pa, Jhun, itapat mo na iyan sa tubig para kahit paano ay maalis ang mantsa bago iyan matuyo riyan. May dryer naman sa washroom, hindi ba?”

“Here.” Jigger, or was it Trigger, took his coat jacket off and gave it to her. “Para hindi ka malamigan habang hinihintay mong matuyo iyang uniform mo.”

“S-salamat, Sir.” Ang babait talaga ng mga lalaking ito. Ibang-iba sa ugali ng mga mangkukulam na mga babaeng iyon. Ewan nga ba niya kung paanong nagkakasama ang mga ito.

“Eneru! The game has started! Pay attention, man!”

Napatingin din si Jhunnica sa ibaba kung saan tanaw na tanaw ang malaking racetrack. Naroon si Eneru at nakatingala sa kanila. Sa kanya. Nakalimutan na niya ang init ng ulo na hatid ng mga bruhang babae nang makita ito. He looked like a dashing prince as he rode on his magnificent horse. Ilang saglit din itong nakatingin sa direksyon nila bago pinatakbo ang kabayo at nakipagkarerahan sa katunggaling si Jubei.

“Jhun, asikasuhin mo na iyang uniform mo,” wika ng big boss nila sa Stallion Riding Club na si Reid. “Kung may extra clothes ka, iyon na muna ang isuot mo.”

“Yes, Sir.”

“Sabihin mo na lang sa supervisor mo na may permiso kang hindi na muna mag-uniporme ngayon.”

“Yes, Sir.”

“And, girls,” baling nito sa mga babae. “Please don’t ever do that again to Jhun or any of my employees here. Or I’ll cut you out of my guest list.”

Halatang naalarma ang mga ito. “Reid, nagbibiro lang naman kami—”

“Then huwag kayong magbiro sa mga empleyado, especially when they’re working.” Nilingon uli siya nito. “Go on, Jhun.”

“Y-yes, Sir.”

Magaan na ang pakiramdam ni Jhunnica nang magtungo sa washroom. Suplado man ang amo nilang iyon, pero ito ang pinaka-fair na employer na nakita niya. At iyon ang isa pa sa mga dahilan kung bakit nananatili siya roon sa kabila ng kaliwa’t kanang sakit ng ulo na nararanasan niya sa trabaho sa club. Bukod doon, meron na rin siya ngayong isa pang dahilan ng pananatili roon.

Eneru. And his charming wink.