noveltoon logo noveltoon
Bitter

Chapter 16

Ch. 17 / 20 May 08, 2025

T orn

HINDI alam ni Savannah ang eksaktong mararamdaman sa ibinalita sa kanya ng ina. Umalis daw ng Miami si Scarlett at sinabing hihiwalayan na nito si Ramius.

“G-gagawin talaga niya `yan?” hindi makapaniwalang tanong niya.

“Yes. Siya mismo ang nagsabi sa akin.”

Gusto niyang magduda. Paano iyon magagawa ni Scarlett? Imposibleng nag-give way ito para sa kanya.

“Savannah, this is your chance,” pambubuyo pa ng kanyang ina. “Ramius is still here in Miami.”

Naguguluhan si Savannah sa gusto niyang gawin. Alam niyang masyado pang maaga para magdesisyon, magulo pa ang isip niya. Pero kung hindi siya susugal ngayon, maaaring mawala ang hinahawakan niyang baraha. Marami siyang iniisip, pero iisa na lang ang isinasaalang-alang niya—gusto na niyang bumangon mula sa kadilimang kinasasadlakan at magpatuloy sa buhay nang masaya.

Parang nagkaroon si Savannah ng bagong enerhiya nang umagang iyon. Nagawa niyang bumangon nang maaga at maligo. Nagsuot siya ng isang multi-colored maxi skirt at puting top. Sinuklay lang niya ang buhok at nag-apply ng manipis na makeup.

Nagpumilit siyang lumabas nang mag-isa ng bahay sa kabila ng pagdadalawang-isip ng kanyang mga magulang.

“I’ll be fine. Tatawagan ko kayo kung kailangan ko ng tulong. I promise. For now, I just need you to trust me, please,” pakiusap niya.

Nasa garahe na si Savannah nang humabol sa kanya ang ama. “Whatever happens, lagi mo lang isipin na nandito kami para sa `yo, anak. Tandaan mo sana iyan.”

Ngumiti siya at tumango. “I know, `Pa. Thank you.”

Humawak ito sa kanyang balikat. “At sana, sa kahit na anong gagawin mo ay isipin mo muna ang sarili mo. Ito ba talaga ang gusto mong mangyari? At kung sa tingin mo ay sasaya ka dito ay pipilitin kitang unawain. Ayaw ko nang nakikitang nasasaktan ka, anak.”

Pinigilan ni Savannah na mapaiyak. Hindi alam ng papa niya ang tungkol sa paghihiwalay nina Ramius at Scarlett. Hindi iyon sinabi ng kanyang ina dito dahil baka raw makialam ang papa niya. Ginagawa ng mama niya ang lahat para tulungan siya. Hindi na nagulat doon si Savannah dahil siya naman palagi ang pinapaboran ng ina kahit noon pa. Her mother hated Scarlett because her sister always defied orders; while she chose to be the good daughter. Natural lang siguro na siya ang kampihan ng ina at dapat niyang ikatuwa iyon. Pero iba ang kanyang nararamdaman. Ganoon na lang ba kung ituring siya ng lahat: may kondisyon ang lahat bago siya makatanggap ng tunay na pagmamahal? Kailangan niya munang magpakabait, maging masunurin, at maglakad sa tamang daan?

“I love you, Papa,” sabi ni Savannah sa ama na nasundan ng isang hikbi. Yumakap siya rito.

Noon lang niya na-realize na iba ang kanyang papa sa kanyang ina. Sinikap nitong maging patas sa kanilang magkapatid. Kung noon ay nakakaramdam siya ng lihim na inis dito dahil sa patuloy nitong pag-unawa kay Scarlett, ngayon ay naiintindihan na niya. Mahal sila ng kanilang ama kahit ano pa sila, kahit ano pang daan ang tahakin nila sa buhay. Kung sana maaga lang na-realize iyon ni Savannah para hindi na siya nagpumilit na maging perpekto sa tingin ng lahat.

KINSE minutos lang ang layo ng Hampton Inn mula sa beach house pero mahigit trenta minutos nang nagmamaneho si Savannah, paikot-ikot siya sa kalsada. Dumating siya sa puntong naisip niyang bumalik na lang sa beach house, pero matindi ang hatak sa kanya ng malaking bahagi ng kanyang pagkatao. She needed to see Ramius, she needed to talk to him. May nararamdaman pa siya para sa lalaki at hindi siya matatahimik kung hindi niya isusugal iyon.

Pero pagkalipas ng ilang minuto ay hindi ang daan papunta sa hotel ang tinatahak ng sasakyan niya kundi ang papunta sa bahay ni Caleb.

Hindi naipasok ni Savannah ang kotse sa driveway dahil may isang pulang Chevrolet Sonic na nakaparada doon. Humimpil siya sa shoulder ng kalsada, saka naglakad papasok sa bakuran. Nasa gitna siya ng driveway nang bumukas ang front door ng bahay. Iniluwa niyon si Caleb, may kasama itong babae na mukhang Filipina. Payat iyon at morena, mahaba ang buhok; classic Pinay ang dating ng ganda.

Pare-pareho pa silang nagulat nang magkatinginan. Masama ang tingin sa kanya ng babae na ginantihan niya ng mas matalim na tingin. Sasapakin niya ito kapag nagtangkang pagsalitaan siya nang hindi maganda.

Kinausap sandali ng babae si Caleb, saka humalik sa bibig ng lalaki. Taas-noo itong naglakad patungo sa nakaparadang Chevy, saka mabilis na lumabas ng driveway; sinadya yatang paharurutin ang sasakyan sa kanyang tabi.

Noon sinalubong si Savannah ni Caleb. Nakangiti nitong inilahad ang kanang kamay na inabot naman niya. Halos sabay pa silang nagkumustahan. Tumanggi siya nang yayain siya ng lalaki sa loob ng bahay.

“I’m getting better, I think,” pagbabalita niya. “Pero h-hindi yata maganda ang epekto ng biglaang withdrawal ko sa lahat ng bisyo. Nakakabaliw,” nahihiyang pag-amin pa niya.

“Yeah. They say sometimes you have to slowly wean yourself off,” sang-ayon ni Caleb.

“They made me quit cold turkey. Tita Mel has been making me this really gross tea that’s supposed to detoxify my body. Pinapainom niya rin ako ng kung ano-anong natural vitamins daw.”

“Kagagaling ko lang sa isang detox center last week. Sasamahan kita kung gusto mo.”

Mabigat ang loob na umiling si Savannah, saka hinila ang kamay na hawak-hawak ng lalaki. “N-no, thank you, Caleb. I will seek treatment by myself. Hindi mo na ako kailangan pang alalayan, napakarami ko nang abala sa iyo.”

“Kahit kailan hindi ka naging abala sa akin.”

Matipid lang siyang ngumiti sa sinabi nito.

Bumuntong-hininga si Caleb. “I tried calling you pero hindi kita ma-contact. Nagpunta rin ako sa beach house, kaso inaway ako ng kapatid mo.” Tumawa ito nang mahina. “She’s so feisty like you, itinumba pa ang motor ko. The second time I went there, parents mo na ang humarap sa akin. Binantaan akong babarilin ng dad mo.”

Si Savannah naman ang natawa nang mahina. “Overprotective lang sila sa akin. Akala kasi nila ikaw ang nag-bad influence sa akin kaya ako nagkaganito.”

Nagseryoso si Caleb. “I missed you.”

Nang tumingin siya sa mga mata nito ay nakita niya ang sinseridad doon. Gusto niyang sabihing ganoon din ang nararamdaman niya pero iba ang lumabas sa kanyang bibig.

“H-hindi mo ba sasabihin sa akin kung sino `yong babaeng kaaalis lang? I mean, I know it’s none of my business, but—”

“That was Mayla, my ex-wife,” mabilis na sagot ng lalaki.

“O-oh.” Hindi alam ni Savannah ang iisipin, hindi rin niya napaghandaan ang kirot na basta na lang gumuhit sa kanyang dibdib.

Kirot? What the hell was that all about?

“She’s in town, dumaan lang siya dito.”

“Okay.” Tumango siya pero hindi kumbinsido sa sinabi nito.

“All right.” Nagbuga ng hangin si Caleb bago umamin. “Gusto niyang makipagbalikan sa akin.”

“G-gusto mo ba siyang balikan?”

Umiling ito. “What for?”

“Caleb, don’t make the same mistake that I did. Tinalikuran ko ang fiancé ko noon dahil nagtaksil siya sa akin. But what I did was this—almost ruining my life over it. Napag-isip-isip ko, na siguro, kung hindi ako nagmatigas noon, kung hindi ko na inisip ang sasabihin ng ibang tao… Hindi ko siya hihiwalayan at pakakasalan pa rin.”

Halatang nagulat si Caleb sa kanyang mga sinabi. “Mistake? Inaamin mo nang mali na hindi mo ipinaglaban noon ang fiancé mo?”

Tumango si Savannah. “At gusto kong itama iyon ngayon. At least I should try.”

“Kasal na siya sa kapatid mo, Savannah.”

“Iniwan na siya ni Scarlett. Ramius is still here in Miami.”

Sandaling natigilan ang lalaki bago nagsalita. “M-makikipagbalikan ka sa kanya?”

Hindi makasagot si Savannah. Pero iyon naman ang balak niya, hindi ba? Iyon na ang pagkakataon niya. It’s now or never.

“Do you even love him?” tanong pa ni Caleb. “Savannah,” untag nito nang hindi pa rin siya sumagot.

“Ano naman sa iyo kung mahal ko nga siya?”

“You don’t love him,” matigas na sabi nito sa pagitan ng pagtatagis ng mga bagang.

Bumigat ang dibdib niya. “Sino ka para sabihin kung ano ang nararamdaman ko?”

“Akala mo lang mahal mo siya dahil `yon ang iniisip mong dapat mong maramdaman mula pa sa umpisa,” giit pa ng lalaki. “You know what I really think? Hindi mo talaga siya minahal kahit noon. `Yang ego mo ang nasaktan ng lalaking iyon, Savannah. Napahiya ka sa lahat ng mga taong inaakala mong nagbibigay ng importansiya sa iyo dahil sa pagtataksil niya. Kaya ka nagalit, kaya ka lumayo. Hindi si Ramius ang totoong dahilan kung bakit ka nandito sa Miami, kundi ang katotohanang natuklasan mo sa sarili mo—the truth that you have been living in lies and pretensions.”

“At hindi ko gusto ang natuklasan kong iyon, Caleb!” sigaw niya. “Hindi mo pa rin ba naiintindihan? Pareho tayo ng pinagdaanan, nagwala ka rin kagaya ko, namuhay sa dilim. Kaya ko nga itatama ang lahat ngayon. I don’t want this bitterness anymore. Hindi ako masaya.”

“No, we’re not the same. Bumangon akong mag-isa noon, hindi ko hinanap ang solusyon sa alam kong mali na sa umpisa pa lang. Mali ako sa pagmamahal noon kay Mayla at hindi ko na uulitin pa ang kamaliang iyon. I moved on. At mas napatunayan ko `yon ngayong nagpunta siya rito. I don’t love her anymore, and I’m not even giving my heart the slightest chance to love her again.”

“Then I want to move on, too,” deklara ni Savannah.

Naningkit ang mga mata ni Caleb. “With Ramius?”

“Wala ka nang pakialam kung kanino!”

“So, this is it? You’re gonna fix your mistake ? You think babalik din sa dati ang mundo mo kapag kayo na uli ni Ramius?”

“I just want to be happy, Goddamn it!” naiiyak na sagot niya. “Mahirap ba `yon, ha, Caleb? S-siguro naman may karapatan akong hanapin kung ano talaga ang magpapasaya sa akin. Pagod na akong mag-isip sa sasabihin ng ibang tao, kaya wala na akong pakialam kung husgahan man nila ako sa pagbawi ko sa ex ko. I was happy with him before, and I want that happiness back.”

Tinalikuran na niya si Caleb. Yumakap naman ito mula sa kanyang likuran kaya natigil siya sa balak na paghakbang palayo.

“Hindi ba puwedeng sa akin ka na lang sumaya?” pakiusap nito sa mababa at bahagyang basag na boses. “We can be happy together, Savannah.”

God! Hanggang saan ang handang gawin ng lalaki para hindi siya hayaang mapariwara?

“C-Caleb…” Napahikbi si Savannah. “I appreciate your sympathy, p-pero sa palagay ko, panahon na para hayaan mo ako. You can’t always protect me, you know? I have to face my own demons alone.”

Hindi ito bumitaw sa kanya, idinikit pa ang pisngi sa kanyang leeg. “You don’t have to be alone. I am here for you. Always.”

Kinalas ni Savannah ang mga kamay ni Caleb sa kanyang baywang. Nakatatlong hakbang na siya palayo nang magsalita uli ito.

“I love you.”

Napapikit siya nang mariin sa narinig. A big part of her wanted to turn around and throw her arms around this wonderful, selfless man and be with him forever. Somehow, it felt like it would be the perfect, rightest thing to do. Somehow, she wanted to just not think anymore and just do it. After all, ganoon naman ang ginagawa niya lately. Hindi na siya nag-iisip pa, inilublob na lang niya ang sarili sa lawa ng mga kasalanan. Pero iyon nga ang problema, hindi ba?

Kasalanan.

Pakiramdam ni Savannah ay isa lang si Caleb sa mga tinikman niyang kasalanan. Pero sa lahat ng bawal, sa lahat ng kasalanang nagawa niya ay ito ang pinakamasarap at parang mahihirapan siyang isuko.

“I’m sorry,” mahina pa sa bulong na sabi niya, saka luhaang iniwan ang lalaki.