noveltoon logo noveltoon
Bitter

Chapter 15

Ch. 16 / 20 May 08, 2025

T rashed

“I FEEL funny. Did you put something on my drink?” tanong ni Caleb nang paalis na sila ng dance floor.

Tumawa si Savannah. Yes, she slipped an ecstasy pill on his beer. Paano kasi, ang aga pa ay nagyayaya na itong umuwi. Ngayon pa lang siya nag-e-enjoy sa club na iyon. Kung gaano kakulit ang lalaking ito ay ganoon din katigas ang ulo. Ilang beses na siyang napigilan sa mga paglabas-labas sa gabi, mahigpit din siya nitong pinipigilan sa paggamit ng ecstasy. Lagi tuloy mainit ang ulo ni Savannah dahil patago at limitado ang kanyang paggamit na tinatakpan niya ng pagka-high sa marijuana para hindi mahalata ni Caleb. Ngayong gabi, hindi siya nagpapigil sa pagpunta sa club dahil may usapan na sila ng supplier niya ng rave drug.

“Savannah,” untag ni Caleb habang paupo siya sa mesa nila. “You know, I’m not stupid. I’ve been here before. Alam ko ang pakiramdam na ganito.”

“Alam mo na pala, bakit ka pa nagtatanong?”

“Damn it! Why did you do that?”

“So you could pull the stick out of your ass and have fun! Kita mo nga, halos matalo mo na si Channing Tatum sa pagsasayaw.”

“Sinabi mo sa aking hindi ka na gagamit.”

Tumungga siya nang dalawang beses mula sa bote ng Corrs beer, saka siya nagsalita. “Well, I lied. Sorry not sorry.”

“Tigilan mo na ito. I mean it.”

Savannah hissed at him. “Are we gonna argue about this again, Caleb?”

“Yes! And I’m not gonna stop arguing with you until—”

Naputol ang sasabihin pa sana ng lalaki nang may dalawang taong magkasunod na lumapit sa mesa nila.

Hindi namamalikmata si Savannah. Si Scarlett nga ang nakita niyang lumapit sa mesa nila. What the fuck was she doing here?!

Nagtalak agad ito sa kanya. What a surprise!

“Jesus Christ, Vanni. Are you on fucking drugs? Look at you! Muntik na kitang hindi makilala.”

Napahawak si Savannah nang mahigpit sa bote ng beer. Galit siya. Gusto niyang abutin ang buhok ng kakambal; gusto niya itong suntukin at kalmutin. But she was too drunk and too high to do that.

“What are you doing here, bitch?” tanong niya.

“I’m here to take you home.”

Humalakhak siya nang malakas. “I’d like to see you try,” hamon niya, saka inubos ang beer.

“Huwag mong hintaying kaladkarin kita palabas ng club na ito, Vanni.”

“Whoa, whoa! Calm down, ladies,” awat naman ni Caleb sa kanila.

Dinuro ito ni Scarlett. “Fuck off,” matapang nitong sabi. “I mean it.”

Tumabi ang kasamang lalaking Caucasian ng kapatid kay Caleb, halatang alerto sa mga posibleng mangyari. Hindi na siya magtataka kung private detective-slash-bodyguard ito.

Tumaas ang boses ni Savannah nang mangulit uli si Scarlett na lumabas na sila ng club. “I’m not going anywhere with you. Leave me the fuck alone, cunt!”

“Vanni, ano ka ba? Wala ka sa sarili mo—”

Tumayo siya at idinuro ito. “Layuan mo ako, traidor ka!” Suwerte ang babaeng ito at natiyempuhan siyang nahihilo at masakit ang ulo.

Tumayo si Caleb na mukhang aalalayan sana siya pero hinarang ito ng kasama ni Scarlett. Nagkainitan ang dalawang lalaki; nagtulakan at muntik pang magsuntukan. Lumapit ang tatlong bouncer ng club sa kanila at pilit silang pinalabas.

“What the hell are you doing? Aren’t you too old to rebel like this? What are you, sixteen years old? My God! Ano’ng gusto mong gawin, sirain ang buhay mo?” sermon pa ni Scarlett nang nasa parking lot na sila.

Pasuray-suray na naglakad si Savannah pasunod kay Caleb na palapit sa nakaparadang Ducati.

“Hindi kita papayagang sumakay diyan! Wala sa kondisyon si Caleb na magmaneho!” pigil ni Scarlett sa kanya.

“Wala kang pakialam!”

“I will call nine-one-one!” banta nito.

Hinawakan siya ni Caleb sa braso para pigilang umangkas sa motorsiklo. “Your sister is right. Makisakay ka na lang sa kanila.”

Alam ni Caleb na hindi siya papayag kaya hindi na nito hinintay na sumagot siya at pinaharurot na agad palayo ang Ducati.

And, oh, great! Now, her parents were there, too. It was a fucking family reunion!

Nag-hysteria agad ang mama ni Savannah nang makita siya, eksaktong-eksakto sa naisip niyang eksena noon. Nagpilit siyang lumayo nang pilitin siyang pauwiin ng mga ito sa beach house.

“Listen to your mother,” matigas na utos ng papa niya. “Why are you doing this to yourself? Wala na ba kaming importansiya sa `yo?”

“Listen? Listen?” Tumawa nang malakas si Savannah. “All my fucking life, I have done nothing but listen to you both! Lahat ng gusto n’yo, sinunod ko. I wanted to become a lawyer, not a fucking accountant! Alam n’yo `yan! Pero sinunod ko kayo ni Mama. Dahil alam ko na ipagmamalaki n’yo ako kapag natupad ko ang pangarap n’yo para sa akin. But do you know what I realized? I shouldn’t have listened to you. To you or anybody else!” umiiyak na litanya niya. “Dahil hindi pala ako masaya! Do you understand how it’s like living a life full of lies? Walang totoo sa buhay ko, puro pagpapanggap lang just to please all of you! I don’t even know what I want anymore. I don’t even know who I am!”

Natulala ang tatlo sa kanyang mga sinabi. Nakita ni Savannah na nangilid ang mga luha ni Scarlett. Para siyang isang dormant na bulkan na sumabog na. Inilabas na niya ang lahat ng sama ng loob—lahat-lahat. Wala siyang itinira.

“So fuck you! Kayong lahat, mga putang-ina kayo! Fuck you all to hell!” bulyaw niya.

Pilit siyang niyakap ng ama, panay ang sabi ng “I’m sorry.” Wala namang tigil sa paghagulhol ang mama niyang si Faith habang hawak ito ni Scarlett sa braso.

Pakiramdam ni Savannah ay namamanhid ang utak at katawan niya. It could be the drug, booze, or the overwhelming emotions. Or maybe it was a combination of everything.

“You can start again, anak,” narinig niyang sabi ng kanyang papa. “Gawin mo ang lahat ng gusto mong makapagpapasaya sa `yo. You have my full support this time.”

“Bakit? Para saan pa? It’s too late… it’s too late,” nanghihinang sabi niya. “Ayoko na. Pagod na ako. Pagod na pagod na ako…” bulong niya bago nanlupaypay sa mga bisig ng ama at tahimik na umiyak.

WITHDRAWAL.

Totoo ang mga nabasa ni Savannah noon tungkol sa pakiramdam nang nagwi-withdrawal mula sa droga. Pinagpapawisan siya nang todo, laging mainit ang kanyang ulo, iritado rin siya at hindi makapag-isip nang deretso. Nahihirapan siyang matulog at halos walang ganang kumain. She felt like a total shit. Kahit paninigarilyo ay ipinagbawal sa kanya ng pamilyang todo-bantay sa kanya sa beach house, pati cell phone niya ay kinumpiska. Nasa kuwarto lang siya, parang presong dinadalhan ng mga pagkain.

Puwede siyang magmatigas, puwede siyang tumakas kung gugustuhin ni Savannah. Pero may natitira pa rin siguro siyang konsiyensiya at pagpapahalaga sa pamilya dahil ayaw niyang mapahamak ang kanyang ina kapag nagkataon. Naninikip daw ang dibdib nito nang ilang araw na at palaging nahihilo dahil sa pagtaas ng presyon.

Siguro iyon na ang masasabi ni Savannah na pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay. Hindi niya naisip na magiging ganoon siya kalala. Para siyang basang sisiw. Pathetic. Miserable.

“I fucking hate you!” sigaw niya kay Scarlett nang pumasok ito sa kuwarto niya nang alas-tres nang madaling-araw.

Katatapos lang niyang magwala, magbasag ng mga gamit. She was desparate to do anything, just anything to help alleviate the withdrawal symptoms. Pero ayaw naman niyang magpunta sa doktor. Ayaw niyang amining kailangan na niya ng tulong.

“Yeah, I know,” kalmadong sabi nito, saka umupo sa gilid ng kama. “What do you want to do? Do you want to hurt me, huh? Gusto mo ba akong gulpihin para makabawi ka sa ginawa ko sa `yo?”

“Kahit mamatay ka, kulang pa ring kabayaran sa katraiduran mo sa akin, puta ka! You ruined my life!”

“No. You are ruining your life, Savannah. Ikaw ang may desisyon sa lahat ng nangyayari sa buhay mo.”

“You did this to me!” paninisi pa rin ni Savannah sa kapatid. Hindi niya matanggap na siya ang naglublob ng sarili sa kumunoy. Scarlett was the catalyst of this all. So, yeah, she would blame this bitch. “You stole my fiancé from me. You fucked him and forced him to marry you!”

“Yes, I did! You know what, paulit-ulit na lang tayo. Can’t you just get over it and move on? Hindi lang si Ramius ang lalaki sa mundo. Masaya na kami pareho, please, maging masaya ka na rin. Choose to be happy.”

Move on? Choose to be happy? Napakadaling sabihin! Kung multiple choice lang ang buhay, baka makapa-perfect score pa siya.

“Kahit kailan, insensitive at selfish ka. Ramius was the only one that was real in my life. For the first time, I knew what I really wanted, I was genuinely happy. Pero ano ang ginawa mo? Inagaw mo ang kaligayahan ko!”

Lumakas ang pag-iyak ni Savannah. Kulang pa pala ang pananakit niya noon kay Scarlett; kulang pa ang paglayo at pagwawala niya para mailabas ang lahat ng kanyang galit at sama ng loob. Hindi niya alam na ganoon pala siya nasaktan, ka-bitter, kawasak. Ngayon lang niya nalaman.

“Iyon na lang sana ang nag-iisang chance ko na maging masaya at makawala sa lahat ng kasinungalingan sa buhay ko! Ang damot-damot mo kasi! Makasarili kang walanghiya ka! Wala kang pakialam kahit masaktan ang ibang tao basta masunod lang ang gusto mo. `Tapos pupunta-punta ka dito at nagkukunwaring concerned sa akin? Cunt, please! I know you. You don’t have any morsel of sympathy for other people. If I know, natutuwa ka pa sa nangyayari sa akin ngayon.”

“That’s not true. Nandito ako para tulungan ka, Vanni.”

“Natutuwa kang nakikita ako sa ganitong ayos, na mukhang basahan, isang talunan! Nakuha mo na ang gusto mo, Scarlett. Nasira mo na ang buong buhay kong putang-ina ka! Ikaw na ngayon ang bida sa pamilya natin!”

Tumayo ang kapatid. “Stop it! Alam mong hindi `yan totoo!”

Tumayo rin si Savannah. “Masaya ka na ba? Masaya ka na ba, ha? O baka kulang pa ang gusto mong mangyari sa akin? You want me to die, too? Gusto mo `yon para solo mo na lahat ng atensiyon ng mga tao, `di ba?”

“Jesus Christ! You’re not making any sense anymore. You need help—”

Halos hindi namalayan ni Savannah ang kanyang ginawa: ibinato niya kay Scarlett ang maliit na paso ng succulent plant mula sa bintana. Naiwasan naman nito iyon. Nagpasalamat siya nang lumabas na ang kapatid ng kuwarto, kung hindi ay baka kung ano pa ang sunod niyang naibato rito.

Napapagod na napaupo si Savannah sa sahig, hawak ang nananakit na ulo. Nanginginig din ang buong katawan niya. Hindi na lang niya ginagawa iyon para mabawasan ang epekto ng withdrawal niya, naglalabas na rin siya ng galit na matagal niyang kinimkim, at hindi niya makontrol ang sarili. God, talaga bang nababaliw na siya?

PAGKATAPOS ng sampung araw ay malaya nang nakakalabas ng kuwarto si Savannah. Pero hindi pa rin siya pinapayagang lumabas ng bahay ng kanyang pamilya, hanggang sa patio lang siya. Nabawasan nang kaunti ang mga nararamdaman niyang epekto ng withdrawal pero parang hindi pa rin bumabalik sa normal ang kanyang pag-iisip. She was being restless as fuck.

She didn’t know where to go from here. Parang gusto na niyang tanggapin ang pagkatalo, magpunta sa drug treatment center at magpa-therapy sa psychologist. Pero iyon ba ang solusyon? Pagkatapos ay ano?

“I’m so sorry, baby,” lumuluhang sabi ng mama niya nang minsang puntahan siya nito sa kuwarto. Nakahiga siya noon at nakatitig sa kisame, sari-sari ang mga iniisip.

“This is not your fault, tandaan mo `yan,” alo pa nito sa kanya. Umupo ang ina sa gilid ng kama. “Kasalanan itong lahat ni Scarlett. Kung hindi niya sana— Dios mio … But you know what? Puwede pa naman nating itama ang lahat. Nandito si Ramius.”

“R-Ramius is here?” tanong ni Savannah sa paos na boses at ibinangon ang namimigat na katawan. Parang may nabuhay at nagkaroon ng munting init sa matigas at namamanhid niyang pagkatao. Pumunta ba si Ramius doon dahil sa kanya?

“Yes, he’s staying with Scarlett in a hotel.” Nagpahid ng basang mga pisngi ang mama niya at hinaplos siya sa buhok. “Alam ko namang hindi mahal ni Ramius si Scarlett. Nawalan lang siya ng choice dahil ipinagpilitan namin silang ipakasal. Hinding-hindi niya mamahalin si Scarlett kahit kailan dahil ikaw talaga ang gusto niya.”

Hinawakan siya nito sa magkabilang pisngi at tiningnan nang deretso. “We can fix this, Savannah. We can get Ramius back and make him yours. Do you hear me?”

Walang kurap na tiningnan ni Savannah ang ina. Iyon nga ba ang solusyon para makaalis siya sa kadilimang kinaroroonan ngayon?

Mabilis ngang kumilos ang mama niya dahil pagkatapos ng dalawang araw ay kasama na nito sina Scarlett at Ramius papunta sa beach house. Nasa patio si Savannah nang matanaw niya ang Mini Cooper na rental car ng kakambal.

Hindi pa nakakahinto ang sasakyan ay bumaba na siya ng patio at sumalubong. Lumapit agad siya sa driver’s side. Lumabas naman si Ramius mula roon.

Hindi alam ni Savannah kung ano ang eksaktong naramdaman, pero umapaw ang halo-halong mabibigat na emosyon at natagpuan na lang niya ang sariling nakayakap sa lalaki.

God, that familiar scent, that warmth… Gusto niya palang maramdaman uli ang mga iyon. Siguro si Ramius talaga ang kailangan niya.

“Dito ka na lang sa beach house, Ram,” pakiusap ni Savannah sa ex-fiancé.

“I can’t, Savannah. You know that I can’t,” maingat namang tanggi ni Ramius at dahan-dahang kumalas sa yakap niya.

He was there. She was holding him. And she never wanted to let him go. Ngayon lang niya naisip… bakit ba hindi iyon ang ginawa niya noon? Maayos sana ang lahat kung hindi niya pinakawalan ang lalaki, kung hindi siya tumigil sa pagmamahal dito.

“I’m sorry that I let you go,” deklara niya at pinaghahalikan ito sa mukha.

“Savannah, please,” awat naman ni Ramius sa kanya.

“Ako ang gusto mo, `di ba? Ako ang gusto mong pakasalan dahil tayo naman ang bagay talaga. You can leave Scarlett now and be with me instead. I still love you. Itatama natin ang lahat, may chance pa tayo.” Sinabi na ni Savannah ang lahat ng puwedeng sabihin. Wala na siyang pakialam sa consequences.

“No. I can’t leave my wife. I’m sorry.”

Nagulat siya sa narinig. “W-what? Hindi mo na siya kayang iwan ngayon? Bakit, Ramius? Nauto ka na rin ba ng babaeng `yan?” galit na tanong niya.

Binalot na ng galit at kawalan ng katwiran ang buong pagkatao ni Savannah. Nang makita niyang nag-usap ang mga mata nina Ramius at Scarlett ay dinamba niya ang kakambal at ibinalya sa gilid ng Mini Cooper. Nagdilim na ang pag-iisip niya. Hindi na niya alam kung paanong pananakit ang ginawa niya sa kapatid. She might’ve punched her, clawed her…

“I’m sorry, Vanni,” umiiyak na sabi ni Scarlett na halos hindi na niya marinig sa tindi ng kanyang galit. Hindi ito lumalaban. “I’m so sorry.”

Nanonood lang ang kanilang ina.

Si Ramius ang umaawat sa kanya. “Stop, Savannah! Stay away from my wife!” bulyaw nito at puwersahan na siyang hinablot palayo at halos kaladkarin papasok sa beach house kung saan sinalubong sila ng kanyang ama. Pilit siyang pinapasok ng lalaki sa kanyang silid at ikinulong doon hanggang sa kumalma siya.