noveltoon logo noveltoon
A Writer's Own Love Story

Chapter 5

Ch. 6 / 12 Apr 09, 2022

NAKAYAKAP lang si Rico sa akin nang mahigpit.

Bigla lang akong naestatwa sa kinatatayuan ko. Biglang naging blangko ang paningin ko. Wala akong mabigkas na salita para sa kanya. Para ring biglang naglaho ang mga tao sa paligid. Para bang unti-unting naging slow motion ang lahat ng bagay na gumagalaw.

Si Rico na naging parte ng buhay ko.

Si Rico na minahal ko kahit sa online ko lang nakilala.

Si Rico na iniyakan ko dahil naging sila ng kaibigan ko.

Si Rico na yakap-yakap ako sa mga oras na ito habang umuulan nang malakas.

Gusto ko siyang itulak mula sa pagkakayakap niya sa akin. Pero parang may pumipigil sa akin para gawin iyon. Gusto kong yakapin niya lang ako nang mahigpit at ikulong sa kanyang mga bisig. Gusto kong tumigil ang oras. Sana ganito na lang kami habang-buhay. Sana bumalik ang panahon kung saan ako lang ang kinakausap ni Rico at walang Belle na umepal at nang-agaw. Sana kaya kong ibalik ang mga panahon na ang saya-saya naming dalawa ni Rico.

Pero agad kong naisip na mali itong ginagawa ko at mali itong pagyakap sa akin ni Rico. Iba na ang takbo ng mundo naming dalawa. Nag-move on na ako at kinalimutan siya. Habang siya naman ay may bago nang mundo at kaibigan ko pa.

I gathered all my strength para itulak si Rico palayo sa akin.

“Bitawan mo ako,” malamig na pagkakasabi ko sa kanya. Nakita ko ang gulat sa mukha niya at ang mga luhang nag-aambang lumabas sa kanyang mga mata.

“Bakit?” Nakatitig siya sa akin.

“Naririnig mo ba `yang tanong mo, Rico? Nakakagago `yang tanong mo.” Kinuha ko ang bag kong nalaglag kanina dahil sa biglaang pagyakap niya sa akin. “Anong karapatan mong yakapin ako? Wala, `di ba? At puwede ba, hindi por que wala si Belle ay lalandi ka na lang sa iba. Respeto naman sa girlfriend mo. Respeto naman sa kaibigan ko.”

Sana naramdaman niya ang pagkakadiin ko sa salitang girlfriend at kaibigan.

Sa totoo lang, gusto kong pagmumurahin si Rico ngayon sa harap ko. Gusto ko siyang sumbatan at sabihin lahat sa kanya ang masasakit na pinagdaanan ko. Kung gaano ako nasaktan noong mga panahong iniwan niya ako at ipinagpalit kay Belle. Iyong mga panahon kung saan akala ko, ako ang mahal niya dahil sa mga effort na kanyang ipinapakita. Pero dalawang linggo lang akong nawala, nawala rin agad ang pagmamahal niya.

Para bang mas masakit pa iyong ginawa niya sa akin kumpara sa mga karayom na tinusok sa akin noong panahong may dengue ako.

Pero kahit gaano pala kasakit ang ginawa sa `yo ng taong mahal mo, hindi mo pa rin siya kayang sumbatan. Kasi alipin ka ng pagmamahal mo sa kanya.

“Galit ka ba sa akin, Joselle?” Nakakagago na naman niyang tanong sa akin. Kitang-kita ko kung paano niya pigilan ang pagtulo ng mga luha.

“Another stupid question na naman ba, Rico?” Natawa ako. “Hindi ako galit. Tulad nga ng sabi ko, okay na ako. Wala na `yon.”

“`Wag mo ngang sasabihing okay ka kung hindi naman talaga,” seryosong sabi niya sa akin. “Ipakita mong galit ka sa akin. Sabihin mo lahat ng hinanakit mo. Alam kong galit ka sa akin, Joselle. Hanggang ngayon nasasaktan ka pa rin. Sabihin mo, Joselle. Ipakita mo sa akin lahat ng galit mo.”

“GUSTO MO TALAGANG MALAMAN?” sigaw ko sa kanya. “Tang ina, Rico. Galit na galit ako sa `yo. Galit na galit ako sa ginawa mo. Akala ko mahal mo ako? Akala ko ba special ako sa `yo? Pero bakit ipinagpalit mo agad ako? Bakit sa dinami-rami ng babae sa Wattpad na puwede mong ipalit sa akin, bakit si Belle pa? Bakit kaibigan ko pa?” Nagsisimula nang magtubig ang mga mata ko.

“Joselle, dalawang linggo kang nawala. Pumunta ako sa meeting place natin. I waited for six fucking hours. Hindi ako nag-lunch at dinner just to wait for you, but you fuckin’ didn’t show up. Nagmukha akong tanga sa kakahintay sa `yo. Nasayang ang effort ko. Ang pera ko. Ang oras ko. Sana sinabi mo na lang na hindi ka sisipot para hindi ako naghintay ng ganoong katagal!” sigaw niya sa akin. Nakita ko na rin ang mga luhang tumulo sa kanyang mga mata. “Joselle, tang ina! `Wag kang manunumbat na ikaw lang ang nasaktan. Parehas lang tayo. Nasaktan din ako. Gusto kitang gantihan kaya...”

“Kaya ano? Kaya syota mo ang kaibigan ko?” pagpuputol ko sa sinasabi niya. “Bilang ganti, syinota mo si Belle dahil alam mong masasaktan ako kapag ginawa mo `yon?” sabi ko sa kanya. “Congrats, nagtagumpay ka. Hindi lang ako nasaktan, kundi sobrang nasaktan. Pero sana inalam mo muna kung ano’ng reason ko kaya nawala ako ng dalawang linggo, `di ba? `Eto…” Itinaas ko ang manggas ng blouse ko.

“`yan, nakita mo ba kung ilang tusok ng karayom `yan? Saka `eto pa.” Ipinakita ko rin iyong tusok ng karayom sa may braso ko. “Nakikita mo ba kung ilan `yan? Na-dengue ako nang dalawang linggo. Hindi pa ba sapat na reason `yon?”

Mabuti na lang talaga at walang masyadong dumadaan at malakas ang ulan kaya walang nakakakita sa eksena namin ni Rico. Shit! Akala ko sa stories lang sa Wattpad nangyayari ang ganito, pati rin pala sa buhay ko.

“Shit!” Nanlaki ang mga mata ni Rico. “Joselle… I didn’t know.”

“Of course, you didn’t know!” sigaw ko sa kanya. “Mas mahalaga kasi ang pride and ego sa inyong mga lalaki. Akala ninyo, niloloko agad kayo ng mga babae. Pero pasensiyahan tayo, Rico. Kahit mag-sorry ka pa sa mga oras na `to, wala nang magbabago. Nasaktan mo na ako. Girfriend mo na si Belle. Wala nang magbabago.”

Tumalikod ako at magsisimula na sanang maglakad. Pero nagsalita uli si Rico.

“Kung hihiwalayan ko ba si Belle, maaayos ba natin ang gulo sa pagitan natin, Joselle?” Humarap ako sa kanya. Nakita kong seryoso siya.

“Kaya mo ba?”

Hindi naman sa sinusubukan ko si Rico na hiwalayan si Belle para bumalik sa akin. Hindi ko gagawin kay Belle iyong ginawa niya sa akin. Wala sa attitude ko ang manulot ng mahal ng iba.

Biglang natahimik si Rico. Para bang nahihirapan siya sa sasabihin.

“Ano, kaya mo ba?” pag-uulit ko sa tanong ko sa kanya.

Umiling si Rico. “No, sorry.”

Parang sinaksak ang puso ko dahil sa sinabi ni Rico. Hindi niya kayang hiwalayan si Belle dahil mahal na mahal na niya ito?

“Hindi mo kaya dahil mahal na mahal mo na?” hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya.

“Buntis si Belle, Joselle,” deretsong sagot sa akin ni Rico kasabay ng pagtulo ng mga luha sa mga mata niya.

Hanggang sa pagsakay ko ng bus at pag-uwi sa bahay namin ay umiyak lang ako nang umiyak. Mabuti na lang wala pa sina Papa pag-uwi ko. Walang magtatanong sa akin kung bakit ako umiiyak.

Hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Rico. Buntis daw si Belle. Buntis… Ibig sabihin, may nangyari na sa kanilang dalawa.

Wala na talagang pag-asa na magkakabalikan pa kaming dalawa.

Ibaon na lang talaga sa limot ang lahat.

Ang Ricong nakilala ko na naging parte ng buhay ko ay mananatili na lang sa memorya ko. Dahil kahit kailan, wala na kaming pag-asa.