HABANG ine-explain sa amin ni Miss Silvia ang tungkol sa kontrata ay naiilang ako. Ramdam ko kasing nakatitig sa akin si Rico. Ramdam kong ang mga mata niya ay nakatingin lang sa akin habang nakatuon ang pansin ko kay Miss. Silvia. Kahit tuloy nakikinig ako, wala pa rin akong maintindihan. Nako-concious kasi ako. Ayokong tinitingnan ako ng isang tao dahil pakiramdam ko ay may ginawa akong masama.
Pasimple akong tumingin kay Rico. Magkahawak sila ng kamay ni Belle. Si Belle naman, nakangiti habang nakikinig sa mga explanation tungkol sa kontrata. Nanuyo ang lalamunan ko sa nakita ko. Dumako naman ang mga mata ko sa mukha ni Rico. Shit! Nakatingin pa.
Kitang-kita ko ang kulay ng mga mata ni Rico. Magsisinungaling ako kapag sinabi kong hindi siya guwapo. Nasabi ko na rin dati na pang-fictional character ang mukha niya, `di ba? Lalo siyang naging guwapo ngayon. Mukhang hiyang siya sa pagmamahal ni Belle. Napangiti na naman ako nang mapakla. Mukhang masaya silang dalawa, ah.
“Joselle…” Bigla kong narinig si Miss Silvia na tinawag ang pangalan ko kaya agad akong napatingin sa kanya.
“Bakit po?” mabilis kong sagot kay Miss Silvia.
“Okay ba sa `yo `yon? Na dalawang taon ang kontrata mo sa company namin. Lahat ng story mo, ipa-publish namin pero depende pa rin kung magugustuhan iyon after naming i-review.” Tumango-tango ako. “Mukhang ang lalim ng iniisip mo, ah. Ayos lang `yan, Joselle. Mahal ka n’on. `Wag mo nang isipin `yon,” sabi ni Miss Silvia sa akin.
Halos manlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. OH, MY GOD! Was she a mind reader? What the heck? Bigla kong narinig na biglang may inubo. Kaya napatingin ako kina Belle at Rico. Si Rico ang inuubo.
“Ayos ka lang, babe?” tanong ni Belle kay Rico habang hinahagod ang likod ng boyfriend niya. Tumango naman si Rico at napatingin na naman sa akin. Umiwas tuloy ako ng tingin.
Nakakainis siya. Bakit ba tingin siya nang tingin? Nako-conscious talaga ako. Parang may gusto siyang iparating gamit ang mga mata niya, eh. Hay, naku! Ayoko na ngang tumingin. Baka sabihin ni Belle sinusulot ko pa ang kanyang boyfriend.
Nagpatuloy lang si Miss Silvia sa pag-e-explain about sa contract. After daw naming mapirmahan ang kontrata para sa ipa-publish na story namin, magkakaroon daw ng book signing. Kaya as soon as possible daw na matapos namin ang pag-e-edit ng story namin ay agad na itong ipa-publish. Kapag daw nag-number one best-selling ang story, may chance rin daw na maging movie ito.
“Naku, siguradong magiging hit ang mga stories ninyo once na maibenta na iyon sa mga bookstores. Lalo na `yong sa `yo, Joselle. I’ve read that story of yours, too. Nakakainis sina Rico and Belle, as in!” Biglang napatigil si Miss Silvia sa sinasabi niya “Ooops, I meant the Rico and Belle in Joselle’s work, ah? Not you guys. Pero, wait! Name ninyong tatlo ang nasa story ni Joselle na A Writer’s Own Love Story ah.”
“Yes po,” sagot naman ni Belle. “Joselle named her characters after us”
“So, does that mean na you three have been very close since then?” Napatingin sa akin si Miss Silvia at hinihintay ang sagot ko.
Hinahagilap ko pa sa utak ko kung sasagutin ko ba ang tanong ni Miss Silvia. Close? Hindi lang kami close. May namamagitan pa sa amin simula dati pa.
Tumango ako. “Opo. Me and Belle have been friends since I started writing online. Parang best friend na nga po ang turing ko sa kanya, eh.” Nakita kong napalunok si Belle dahil sa sinabi ko. “And for Rico po.” Tumingin ako kay Rico. “He’s one of my readers since I started writing. Loyal po `yan, as in.”
Sana maging convincing ang sinabi ko. Bigla silang nanahimik dahil sa pag-e-explain ko. Parang may dumaang anghel. Hinawakan naman ni Miss Silvia ang kamay ko, saka ngumiti.
“You’re a very effective writer, Joselle. Napaiyak mo ako nang dahil sa story mo. Parang may pinaghuhugutan ka while you were writing that. Ang sakit sa dibdib. And I’m glad na fiction lang `yon at hindi totoo kasi gusto kong pag-umpugin ang dalawang character mo.”
Biglang tumawa si Belle. “Hahahaha! Yeah, seriously, Miss Silvia. `Yan din ang naramdaman ko. Kahit name ko ang isa sa mga characters doon, gusto ko rin siyang sabunutan. Naturingang kaibigan pero inagaw ang lalaking may gusto kay Joselle.”
Napatahimik ako sa sinabi ni Belle. Paano niya nasasabi ang mga ganoong bagay? Hindi ba siya nagi-guilty dahil sa mga ginawa niya? Sure, I said na wala na iyon sa akin pero what the heck lang? Wasn’t she aware na masasaktan pa rin ako? Na babae rin akong tulad niya at sensitive ang feelings?
“`Di ba, babe?” Binaling naman ni Belle ang atensiyon niya kay Rico. Hinawakan pa ni Belle ang pisngi ng boyfriend. “Ang sakit noong story ni Joselle, `no?”
Napatingin sa akin si Rico bago nagsalita. “Yep. Sobrang sakit. Pero isang POV lang naman ang nabasa natin, right? How about Rico’s POV? Alam din ba ng mga readers kung gaano nasaktan si Rico? Hindi, `di ba? So, I ain’t against Rico. Siguro may reason din siya.” Ngumiti si Rico sa akin, pero ngiting malungkot. “If Joselle only knew what Rico felt that time.”
“Kaso `yon ang gusto ng author, eh. Na mapasama ang tingin sa dalawang tao sa story niya. Sometimes, an author seems to be unfair to his or her characters. `Yong feelings lang kasi ng bida ang naipapakita at nababasa ng readers. Of course, by that, siya ang kakampihan ng mga bumabasa. Pero, how about the other side? How about the other characters’ feelings? Wala. Wala kasi silang point of view. And being a reader, dahil nadala sila sa scene, huhusgahan agad nila ang mga nananakit sa paborito nilang bida,” sagot ni Belle.
“Pero ang point ko, hindi lang naman babae ang nasasaktan. Pati rin kaya ang mga lalaki. We’re acting tough and strong to everyone. Pero hindi nila alam na kapag mag-isa na kami, umiiyak na rin kami. Wala naman kaming super powers to protect ourselves from pain.” Nakatingin lang si Rico sa akin.
“Wow! Guys, hugot na hugot ang mga lines ninyo! Mga writers talaga kayo. Writer ka rin ba, Rico?” tanong ni Miss Silvia kay Rico. Umiling siya. “Hindi ka pa writer pero ang ganda ng mga lines mo. You should write, too.”
“Story lang `yon, guys. `Wag tayong masyadong affected. And Joselle is okay now. Haha! Shet! Ang awkward pala kapag sinasabi ko ang sarili kong name. Ano ba kasing pumasok sa utak ko at names natin ang ginamit ko? `Kainis! Hahaha!” I faked my laugh.
Nagpatuloy lang sa pag-e-explain si Miss Silvia tungkol sa ibang part ng contract. Pero to be honest, nawalan na ako ng gana dahil sa mga sinabi ni Belle and Rico. They’re acting like I’m being unfair. Sabihin na natin na alam ng mga readers na fiction lang ang ginawa kong story, pero kaming tatlo, alam naming totoo iyon. Rico shit on my head and Belle betrayed me. `Wag silang mag-act na sila ang kawawa dahil alam naman naming ako ang mas nasaktan.
Nagpaalam si Belle na magsi-CR muna. Isinasama niya si Rico pero ayaw ni Rico. Nakasimangot tuloy na umalis si Belle. Sinasama niya pa si Rico, as if namang lalandiin ko ang boyfriend niya. Saksak niya sa baga niya. Wala sa ugali ko ang manulot ng pag-aari ng iba. Oppps, I sounded like a bitter one.
Nag-break muna kami sa pag-e-explain ni Miss Silvia at nagpahinga. Si Miss Silvia naman ay nagpaalam na oorder muna uli ng coffee and cake para sa amin kaya pumunta siya ng counter. Shit! Naiwan kaming dalawa ni Rico. Oh, my God. Act cool, Joselle. `Wag kang matataranta. Inilabas ko na lang ang Harry Potter book na dala ko.
“Favorite mo talaga si Harry Potter, `no?” Bigla kong narinig na nagsalita si Rico kaya napatingin ako sa kanya.
“How did you know?” tanong ko.
“Sinabi mo sa akin `yan, eh. `Yong mga panahon na magkausap tayo sa phone.” Ngumiti si Rico. “Kumusta ka na?”
“I’m fine. I am very fine.” Ngumiti rin ako. “Hindi ko alam na sa ganitong situation pa pala tayo magkikita.” Natawa ako. “Kamusta kayo ni Belle? How’s your relationship?”
Napatitig siya sa akin. Nagsalubong ang mga kilay niya as if may nasabi akong mali.
“Why?” tanong ko. “Bakit ka ganyang makatingin?”
“Wala naman.” Umiling-iling siya. “You sound so fine. I guess wala nga talaga sa `yo `yong mga nangyari. Siguro nag-assume lang ako. Siguro tama nga ang desisyon ko.”
Gusto kong magmura dahil sa sinabi niya. How dare he para sabihin na nag-assume lang siya at sabihing tama ang desisyon niya? Ano? Tama ang desisyon niyang lokohin at ipagpalit ako sa kaibigan ko? So, pinapalabas niyang ako ang nanloko sa kanya? I couldn’t believe this!
“Don’t act like you’re the one who hurt is hurting the most, Rico.” Tiningnan ko siya nang seryoso.
“You have changed a lot, Joselle.” sabi na naman niya.
“I changed a lot?” Natawa ako. “Sige, ganito. Ano’ng gagawin mo kung after two weeks na nawala ka at pagbalik mo, boyfriend ko na ang kaibigan mo? Isn’t that enough reason to change?”
Sasagot pa sana siya kaya lang ay dumating na si Miss Silvia na ang daming dalang pagkain. Napatingin siya sa aming dalawa ni Rico. Nakangiti siya for an unknown reason. Para saan ang smile na iyon?
Dumating din naman agad si Belle after makaupo ni Miss Silvia. Wooh! Mabuti na lang at mas naunang dumating si Miss Silvia sa kanya. Baka kasi kapag siya ang nauna at makita niya kaming dalawa ng kanyang boyfriend na naiwang dalawa, eh, ano pa ang isipin niya. Sa totoo lang, nawalan ako ng ganang ibalik ang pagkakaibigan namin ni Belle. She betrayed me once. Paano pa ang pangalawa? I wouldn’t allow myself to trust her again. Mahirap na.
“Nakakainis! Puno ang CR ng coffee shop. Sa labas pa tuloy ako nag-CR. Umuulan pa,” pagrereklamo ni Belle. “May dala ka bang payong, babe? Maliit kasi `tong payong na dala ko,” tanong niya sa kanyang boyfriend. Napansin kong hinawakan na naman ni Belle ang kamay ni Rico. Clingy much?
“Meron ako dito sa bag,” sagot naman ni Rico.
Napatingin ako sa labas. Umuulan nga. Wala pa naman akong dalang payong. Medyo malayo pa naman ang terminal ng bus. Hays! Mukhang susugudin ko ang malakas na ulan na ito.
Binigay na sa amin ni Miss Silvia ang copy ng kontrata namin ni Belle pagkatapos naming mag-sign. May nakita kaming lalaking parating na mukhang kasing-age lang namin nina Belle at Rico. Nagpakilala itong kapatid ni Miss Silvia.
“Naks, kulit mo talaga, bro. Halatang fan na fan ka ni Joselle, ah? Kaya ikaw pa ang sumundo sa akin,” pang-aasar ni Miss Silvia sa kapatid niya.
“Ate naman, eh. Ibinubuko ako!” Biglang namula si Semon dahil sa sinabi ng ate niya “Hi, Joselle. Ang galing mong writer. My ate recommended your story to me. Ang galing mo, as in.” Bigla akong nahiya sa sinabi ni Semon.
Who would have thought na isang kagaya ni Semon na lalaki ang magbabasa ng story kong romance?
Hello, Joselle to earth? Si Rico nga binasa ang story mo, eh.
Hay, Rico na naman ba? I scolded myself.
Ang daldal ni Semon. Tumabi siya sa akin at nagkuwento about sa story ko. Kung gaano raw ito naging affected dahil sa story. Sinasabi niya pang gusto niyang pagsasapakin si Rico at Belle. Bigla tuloy natawa si Miss Silvia dahil sa sinabi ng kapatid niya. Hindi yata aware si Semon na nasa tabi lang si Belle at Rico. Nagpakilala pa nga sa kanya, eh.
Nang natapos kaming tumambay sa shop, nagpaalam na sina Belle at Rico na aalis na. Humalik pa si Belle sa pisngi ko. Kailangan ko yata mag-alcohol mamaya. Anti-plastic virus. Joke lang! Magkahawak pa sila ng kamay palabas ng coffee shop. Napa-roll eyes tuloy ako.
Miss Silvia offered na isabay daw ako papunta sa terminal ng bus. I declined her offer kasi mapapalayo sila ng route. Nagpilit pa nga si Semon pero tumanggi talaga ako. Nakakahiya sa kanila. Nag-picture na lang kaming dalawa ni Semon, saka yinakap niya ako bago sila umalis. Tawa tuloy nang tawa si Miss Silvia dahil sa inasta ng kapatid niya.
Pero in fairness kay Semon, ah? Hindi man siya kasing guwapo at macho ni Rico, mukhang mabait naman siya at nakakatuwa pang kasama. Kahit ilang minuto lang kaming nagkausap ay ang gaan niyang kasama. Hmm, madami pala akong reader na lalaki.
Inayos ko muna ang bag ko bago lumabas ng coffee shop. Kailangan ko nang umuwi dahil baka abutin pa ako ng dilim sa byahe. Bakit kasi medyo ang layo ko? Hay, nakakaasar minsan. Gusto ko nang magpahinga dahil ang daming nangyari ngayong araw kahit na-stuck lang naman kami sa coffee shop na ito.
At least nakita ko na si Rico.
Si Rico na naging pansamantalang sentro ng mundo ko.
Tama na, Joselle…
Palabas na ako ng shop. Medyo malakas pa rin ang ulan kaya napahinto ako sa mga tindahan ng damit. Tinakbo ko tuloy iyong waiting shed kung saan maghihintay ako ng jeep papunta sa terminal ng bus. Mabuti na lang at medyo malaki ang bag ko at nakapagdala ako ng extra shirt. Magpapalit muna ako bago sumakay ng bus.
Habang naghihintay ng jeep ay biglang may tumabi sa aking lalaki. Nagulat ako dahil hindi na niya kasama ang girlfriend niya. Nasaan na si Belle?
“Pauwi ka na?” tanong niya sa akin.
Shit! Bigla na naman akong kinabahan. Si Rico lang ang may kayang pakabahin ako nang ganito. Bakit ba ang manly ng boses niya? Ang swerte ni Belle sa kanya. Sana ako ang swerte, eh. Hoy, Joselle umayos ka!
“Oo,” sagot ko pero hindi ko siya tinapunan ng tingin.
Natahimik kaming dalawa. Bakit walang dumadaan na mga tao? Bakit kaming dalawa lang ang nasa waiting shed na ito? Mapang-asar ba talaga itong si Tadhana? Ughhh!
Biglang humangin nang malakas kung saan narinig kong binanggit ni Rico ang pangalan ko.
“Joselle...” Masyadong malumanay ang boses niya.
Bigla akong nagulat dahil hinawakan niya ang kamay ko. Kaya napatingin ako sa kanya.
Napansin kong naluluha ang mga mata niya. Para na siyang iiyak.
Shit, Joselle! `Wag kang titingin sa mga mata niya. Baka malunod ka.
Bigla niya akong niyakap nang mahigpit. Bumagsak tuloy ang bag ko sa sahig dahil sa gulat ko.
Para saan itong yakap na ito? Iyan ang tanong ko sa sarili ko. Pero ibang sagot ang nakuha ko.
Sagot sa katanungan ko. Akala ko ay nalimutan ko na si Rico pero hindi pa pala dahil iyong sakit ay nasa puso ko pa rin talaga at hindi nawala.