T INITITIGAN ni Faye ang isang blown-up picture sa magazine na nasa kanyang harap habang tinatapik-tapik ang baso ng in-order na kape. It was Rath’s picture from Philippine Stats , the magazine that featured the new batch of The Billionaire Boys Club.
“Rath Lagdameo is one of Sillicon Valley’s most sought-after tech giants. This media-shy billionaire heartthrob is staying plenty busy pressing his family’s US-based software company, Microsphere, beyond PCs into television set-top boxes, game, and cell phones. He keeps his privacy sacred that one will definitely have a hard time finding him strolling around malls and gimmick places. He shares the spot as the country’s billionaires with his identical twin brother, Rextor Lagdameo, who handles the family’s locally-based company, Sephiro Corporation .”
Hinaplos-haplos ni Faye ang larawan ni Rath. Kahapon lang nangyari nang ipangalandakan nito sa isang babae na siya ang girlfriend nito. Although alam niyang drama lang iyon, katuparan naman iyon ng kanyang mga pangarap kahit paano.
Naalala niya si Ran Fontanilla, ang isa sa mga naunang miyembro ng Billionaire Boys Club. Major crush din ang tumama sa kanya noon nang minsang makita niya ito nang personal dahil hinabol nito sa highway ang writer ng BBC na si Dunkey Villanueva na asawa na nito ngayon. Faye thought she would never see a creature as handsome as he was. In fact, nilapitan na sana niya si Ran kung hindi lang niya nakitang hinalikan nito si Dunkey. For the first time in her life, naranasan din niya ang isang major heartache. That was the reason she never paid attention to the newly breed of the country’s billionaires. Until Rath came along and saved her. Twice.
Kaya sa ikalawang pagkakataon na naramdaman ni Faye ang kakaibang tibok na iyon sa kanyang puso, hinding-hindi na niya hahayaang mawala agad ang lalaking iyon nang hindi man lang nito nalalaman ang kanyang damdamin. It was pathetic to dream that a guy like Rath would actually take notice of a woman like her. But she had her chance. Hindi nga ba’t dalawang beses na silang nagkatagpo ni Rath at dalawang beses na rin nitong sinagip ang buhay niya? Kahit na nga sa ikalawang pagkakataon ay tila hindi siya nito nakilala. Pero maliit na detalye lang iyon. Kahit siya ay puwedeng nakalimutan na rin ito kung hindi nga lang masyadong significant ang mga pangyayari nang gabing iyon.
Kaya ngayon ay maghahanda na talaga si Faye nang husto para sa kanilang ikatlong pagkikita. Hindi na muna niya iyon sasabihin sa kanyang pamilya dahil baka sumobra ang excitement ng mga ito at makialam pa sa mga diskarte niya. Gusto niyang siya na lang muna ang gagawa ng lahat. And when everything was in order, she would tell them.
“I can’t believe they suspended you, Avon. I mean, ikaw ang pinakamasipag at pinakamatinong pulis na kilala ko.”
Napalingon si Faye sa nagsalita. It was Miles, ang isa sa tatlong crew ng café bar na iyon na nag-aasikaso sa kanya kanina at sa iba pang customers doon. Pero sa tingin niya, hindi lang basta customer ang kausap nitong isa pang babae na gaya niya ay nakapuwesto ngayon sa counter. She continued drinking her coffee and planning her next move while the two talked.
She wanted to see Rath again. Pero saan, kailan, at paano? Milyon ang tao sa buong bansa. Saang sulok naman niya hahagilapin ang nag-iisang taong iyon? Depende pa iyon kung nasa bansa nga si Rath ngayon dahil ayon sa artikulong iyon ay sa Amerika ito nakabase.
“Ikaw naman kasi, Avon. Bakit mo nga naman sinagot-sagot ang superior mo? Natural nga na isuspinde ka nila. Ano ba ang tawag ninyo sa ganoong attitude sa trabaho ninyo?”
“Insubordination.”
“`Yon. Gano’n na nga.”
“I need a temporary job that will keep me on the go, Miles. Ayoko ng walang ginagawa. Puwede bang hinaan iyang TV ninyo? Wala namang kuwenta ang palabas.”
Noon lang din napatutok sa telebisyon ang atensiyon ni Faye. At muntik na niyang mabitiwan ang hawak na baso nang makita ang naka-feature sa balitang showbiz nang mga sandaling iyon.
“Oh, my gosh! That’s him!” impit na tili ni Miles na may itinuturo sa telebisyon. “Ang aking lovey dubby !”
Kilala niya ang tinitilian nito. Isang stolen shot ng guwapong lalaki ang naka-feature ngayon sa telebisyon habang ka-holding hands ang isang magandang babaeng ayon sa commentator ay papasikat na starlet. Ang lalaki ay si Kenshin Arboleda, ang half Japanese award-winning actor ng bansa. Pero hindi iyon ang talagang nakakuha ng atensiyon niya kundi ang isa pang nakangiting lalaking halatang napasama lang sa larawan. Mukhang masayang nag-uusap ang dalawang lalaki. Si Rath iyon! Hindi siya puwedeng magkamali. Nakakita siya ng magandang pag-asang muling makita ang lalaking gumugulo sa isipan niya noong mga nakaraang araw.
“Miss, personal mo bang kilala si Kenshin Arboleda?” tanong ni Faye sa crew. Napalingon din sa kanya ang kausap nitong babae.
“Not really. Madalas lang siyang magpunta dito pati na rin ang iba pang miyembro ng Billionaire Boys Club. My gosh! Ang guguwapo talaga nilang lahat. Wala kang itatapon.”
May kung anong pumitik na ideya sa kanyang isip. “Kailan kaya uli magpupunta dito si Kenshin?” tanong uli niya sa kaswal na tono.
“Hindi ko alam, eh. Pasulpot-sulpot lang naman din kasi sila dito. Bakit, gusto mo ring makakuha ng autograph nila?”
“Ano ba ang meron sa mga lalaking iyan at pinagkakaguluhan ninyo?” tanong ni Avon.
“Hay naku, hija, iyan ang nangyayari sa mga nabuburo sa trabaho,” wika ni Miles. “Nahuhuli sa balita. The Billionaire Boys Club is the hottest issue today!”
“Bakit?”
“Because they’re rich, they’re famous, and they’re totally hot!”
“`Yon lang?”
“Avon, mabuti na lang at naging pulis ka. Kung hindi, magmumukha ka na talagang tanga.” Muli siyang binalingan ni Miles. “Crush mo rin si Ken?”
“Not really,” pakikisakay na lang ni Faye para mas madaling makakuha ng impormasyon.
“Kung gusto mo siyang makita nang personal, puwede mong puntahan si Ken sa office niya. Accommodating naman iyon pagdating sa mga fans niya. Pero tiyempuhan nga lang iyon.”
And since Rath looked like he was close friends with him, there was a big possibility that she would also chance upon him there.
“Alam mo ba kung saan ang office niya?”
“Nakasulat sa article tungkol kay Ken ang fan mailing address niya.”
Mabilis na hinagilap ni Faye ang tinutukoy nito sa magazine na hawak niya.
“You don’t look dumb,” wika ng babaeng kausap ni Miles. “Huwag kang makigaya sa kanila.”
“Avon,” saway ni Miles. “Huwag mo siyang igaya sa `yong walang pakialam sa mga guwapong likha ng Diyos.” Pagkatapos ay nakangiti siya nitong hinarap uli. “Hey, good luck kung balak mo ngang tiyempuhan si Ken sa office niya. Kung may oras lang din ako, baka sumabay na ako sa `yo. Gusto ko rin kasing makita si Rex. Eh, lagi naman silang magkasama ni Ken. By the way, ano nga pala ang pangalan mo?”
“Faye Valentine Salcedo.” Iniabot niya ang kamay na agad din naman nitong tinanggap.
“My name’s Miles.” Itinuro pa nito ang nameplate. “At ito ang high school friend kong bato, si First Lt. Avon Ramirez. Puwede mo siyang loko-lokohin ngayon kasi suspended `yan sa serbisyo. Ang tigas kasi ng ulo. Anyway, balitaan mo kami kung ano ang nangyari para naman makakuha kami ng tips sa kung paano mako-corner ang isang billionaire boy.”
“I’m not interested,” walang ganang sabi ni Avon. Tiningnan nito ang magazine sa ibabaw ng counter. “Kidnap-in ko na lang kaya ang isa sa ipinagmamalaki ninyong billionaire boys?”
“Hoy! Huwag mong isama sa kabaliwan mo ang billonaire boys namin.” Hinila ni Miles pabalik ang magazine. “Ipapapulis kita.”
“Pulis ako.”
“Suspended ka po. At kapag ginawa mo ang kalokohan mong iyan, siguradong hindi ka na makakabalik sa serbisyo kahit kailan. Mabuburo ka na nang tuluyan sa boring na buhay sibilyan.”
“Walang makakaalam dahil ako ang pinakamagaling na pulis sa bansang ito.”
“Ewan ko sa `yo. Anyway, kahit naman ituloy mo ang plano mo, hindi mo pa rin makakayang dukutin ang kahit isa sa mga `yan. Billionaire boys kaya sila.”
“Pustahan tayo?”
“`Yabang mo.” May kung sino itong itinuro sa magazine. “Pero, sige nga. Subukan natin ang kayabangan mo. Kidnap-in mo itong si Rex my love ko sa loob ng isang araw. Kapag hindi mo nagawa iyon, mag-sorry ka sa superior mo para bumaba na ang araw ng suspension mo.”
“Hindi ako magso-sorry sa isang bagay na alam kong tama. But our deal is on. Kapag nagtagumpay akong kidnap-in sa loob ng isang araw ang Rey mo—”
“Rex.”
“Whatever. Kapag nagtagumpay nga ako, ie-endorse mo ako sa uncle mo na pabalikin sa serbisyo nang walang ano mang kondisyon.”
Hinayaan na lang ni Faye ang dalawa sa sariling agenda. Basta siya, buo na ang plano nang magpaalam sa mga ito.
NAPANGITI si Faye nang makita ang lobby ng opisina ng Materia Limited, ang building kung saan naroon ang opisina ng aktor na si Kenshin Arboleda.
“Hi, Miss,” bati niya sa receptionist sa front desk. “Is Mr. Arboleda there?” Kapag nakausap niya si Kenshin, siguradong madali na rin niyang makikita si Rath.
“Do you have an appointment with him?”
“Ahm, no, but—”
“I’m sorry, Miss. Masyadong busy ngayon si Mr. Arboleda. I don’t think may panahon siyang makipag-usap sa fan.”
“Fan? No, no. Hindi ako fan. Kailangan ko lang talaga siyang makausap. Please naman, Miss. Importante lang. Baka naman puwede mo akong maisingit sa kung anong schedule na meron siya ngayon.”
Kakaibang tingin ang ibinigay sa kanya ng babae. Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng tingin na iyon pero hindi maganda ang pakiramdam niya sa ipinahihiwatig nito. Itinikom na lang niya ang bibig nang bigyan siya nito ng papel at ball pen.
“Pakisulat na lang ang pangalan mo dito, Miss. I-indicate mo na rin kung saan at kailan kayo nagkita ni Sir Ken para maalala ka niya. And then pakihintay na lang ang tawag niya sa iyo.”
“Tawag? Bakit?”
Bagot na sumagot ang babae. “SOP. Sa dami kasi ng babaeng nakikilala ni Sir Ken gabi-gabi, hindi na niya maalala kung sino-sino ang mga iyon. Kaya hinihingi ko ang pangalan mo at kung saan kayo nagkita.”
Hindi makapaniwala si Faye sa naririnig. May mga lalaki ba talagang ganoon na nilikha ng Diyos na ang turing sa mga babae ay parausan lang? Nakakapanggigil!
“Ahm, no. I’m not here for that reason. Gusto ko lang talagang makausap si Kenshin.”
“Did I just hear my name?”
Napalingon si Faye sa nagsalita. Nasa tabi na niya ngayon ang nakangiting si Kenshin Arboleda. And she had to admit. He really was a handsome creature. Too bad she also happened to hate his kind. Nuknukan ng babaero ang kumag! sabi niya sa isip habang kunot-noo itong tinitingnan. Nangangati na nga ang paa niya na sipain ito sa maselang bahagi ng katawan. Tingnan lang niya ngayon kung may maipagmalaki pa ito. Pero kailangan din niyang maging mabait sa lalaki kahit ngayon lang. Ito lang ang tanging koneksiyon niya para makita si Rath.
“Hmm,” sabi nito na inalis ang suot na sunglasses. “So, ano ang maipaglilingkod ko sa iyo, magandang binibini?”
“I was just wondering if you could help me with Rath…”
“Rath? You’re not looking for me?” Kumunot ang noo ni Kenshin pero naroon pa rin ang ngiti sa mga labi.
“No.”
“That’s weird. Anyway, I think I could help you with that. Pero sabihin mo muna sa akin kung ano ang kailangan mo kay Rath.”
It’s really none of your business. “May importante lang akong sasabihin sa kanya.”
“Are you his girlfriend?”
“What?”
“Are you pregnant with his child?”
“What?!” Sipain na kaya niya ito nang tuluyan? “Huwag mong itulad sa `yo si Rath. He’s not a jerk.”
“Ooohh, feisty.” Pagkatapos ay tumawa lang si Kenshin imbes na mainsulto sa sinabi niya. “Si Rath nga siguro talaga ang hinahanap mo. Rex prefer submissive women.”
“Ahm, I don’t want to be rude, pero matutulungan mo ba ako o hindi? Ayoko lang kasing inaaksaya ang panahon ng ibang tao. At alam kong busy ka ring tao so…”
“Hmm.” Saglit siya nitong tiningnan mula ulo hanggang paa. Binalingan nito ang receptionist pagkatapos. “Dina, pakibigyan mo nga ng imbitasyon si Miss… What’s your name again?”
“Faye,” sagot na lang niya. “Faye Valentine Salcedo. Anong imbitasyon?”
“I’m throwing a birthday bash for myself tomorrow night at Elite Hotel. You know the place?”
“I think—”
“Good. So, I’ll see you then.”
“Teka, hindi naman tungkol sa birthday mo ang ipinunta ko dito. Si Rath ang—”
“You’ll see Rath Lagdameo tomorrow night. I also invited him and you’re fortunate enough that no one refuses my requests.” Tinitigan siya nitong muli, saka marahang umiling. “Rex will throw a fit when he sees you hanging out with Rath.”
Kenshin put back his sunglasses on and walked out of the building without looking back.
“What a jerk,” sambit na lang niya.
“Miss?” Isang puting envelope ang iniabot ng receptionist.
Mabilis naman iyong kinuha ni Faye at nagpasalamat, saka nagmamadali na ring umalis. She needed a dress for tomorrow night’s gala. Kailangang magandang-maganda siya sa muli nilang pagkikita ni Rath.