noveltoon logo noveltoon
Rex Lagdameo (The Billionaire Boys Club 10)

Chapter 2

Ch. 2 / 10 Nov 28, 2025

“Y ES, DAD. Papunta na ako diyan.” Inilipat ni Faye ang bigat sa kabilang paa dahil namimintig na ang mga binti niya sa suot na high-heeled shoes. Kausap niya sa cell phone ang ama habang nakapila sa counter ng paborito niyang fast-food chain. “I swear, Dad. Wala kaming practice sa soccer nang buong linggo dahil katatapos lang ng competition na sinalihan namin sa Japan.”

“Ganyan din ang sinabi mo sa akin noong nakaraan. Pero pagkatapos lang ng tatlong araw, balik ka na agad sa pagpa-practice for you next competition.”

“Natural lang naman kasi iyon, Dad.”

“Hindi iyon natural.” Napabuntong-hininga ito sa kabilang linya. “Alam mo, hija, madali lang naman akong kausap. Kung may maipapakita ka lang sa akin na lalaking nagugustuhan mo, kahit sumo wrestling pa ang sinalihan mong sport ay hindi ako iimik.”

“Dad, hindi ito ang tamang oras para ibuyo ninyo ako sa kabaliwan ninyong iyan.”

“What’s wrong with having someone love you? I had your mom.”

“At nasaan na siya ngayon?”

“That’s not fair. Alam mong kung may pagkakataon nga lang siyang mamili, she wouldn’t have died.”

Agad namang nginatngat si Faye ng konsiyensiya. Unfair nga naman ang sinabi niya. Tatlong taon nang patay ang kanyang ina due to her lifelong battle against diabetes. At ni minsan sa buhay nito, hindi sila nito pinabayaan. Her mom was taking care of them while taking care of herself. At alam niyang hanggang ngayon ay nakikipaglaban pa rin sa kalungkutang hatid ng pagkawala nito ang kanyang ama. Minsan na rin nitong sinabi sa kanila na hindi nito kayang palitan o pantayan man lang ang pag-aalagang ibinibigay sa kanila ng kanilang ina. Kaya siguro pinipilit na ng kanyang ama na mag-asawa siya para may mag-aalalaga na sa kanya. Which she revised because she could take care of herself already. She could even take care of their family, kung hindi lang siya masyadong bine-baby ng mga ito.

“I’m sorry, Dad. Hindi ko dapat sinabi iyon.”

“That’s okay. Just as long as you consider my last wish.”

“You’re healthy as a cow, Dad. Matagal pa bago ka mamatay.”

“Malay mo. Life is full of uncertainties.”

“And let me guess, si Kuya Luke na naman ang nagturo sa inyo ng words of wisdom na iyan.”

“Marami pa akong reserba rito.”

Natawa na lang siya. “I really can’t believe this. Tatay nga kita.”

“Well, like father like daughter. Sa iyo lang naman ako magmamana.”

“Yeah, right.”

Faye shifted her weight once more. Kanina pa siya iritado hindi lang sa suot na sapatos kundi pati na rin sa suot ngayon. She wasn’t used to wearing pencil-cut skirts and blouses. Mas type pa rin niya ang maluluwag na T-shirt na uniform nila sa kanilang team at rubber shoes. No wonder lagi siyang tumatakas sa kanilang opisina dahil mas loose ang atmosphere sa soccer field. Hindi na niya kailangan pang intindihin kung color coordinated ba ang kanyang suot.

Kaya nga naiinis na rin siya sa matangkad na lalaking nasa unahan sa pila. Sa dami kasi ng in-order nito, namimintig na ang mga paa niya sa paghihintay na matapos ito. Gaya niya ay may kausap din ang lalaki sa telepono habang panaka-nakang sinasabi sa service crew ang mga order nito. Gusto na sana niyang lumipat ng pila pero mas mahaba ang mga nakapila sa dalawa pang counter. Doon lang din niya napuna na halos lahat ng mga tao ay panaka-nakang tumitingin sa lalaking nasa harap niya. Pati ang mga crew na siyang naghahanda ng mga order ay nakikita rin niyang pasilip-silip mula sa kitchen.

“Kaya siguro hindi ka makakita ng lalaking karapat-dapat sa iyo ay dahil masyado ka nang nahuhumaling diyan sa paglalaro mo ng soccer,” patuloy ng kanyang ama sa kabilang linya.

“I love that sport, Dad.”

“Then I want you to get out of that team.”

Faye didn’t want to have this kind of argument with her father. Magpapaulit-ulit na lang kasi sila.

“Next time na lang siguro, Dad. Don’t worry, isa sa mga araw na ito ay siguradong magsasawa rin ako at ako na mismo ang kusang aalis sa team.”

But her father wouldn’t take it. Mukhang wala na naman itong magawa nang mga oras na iyon kaya siya ngayon ang kinukulit. Patuloy ito sa pagsermon sa kabilang linya kaya inabot niya ang plastic nang makarating sa counter at kinusot iyon malapit sa telepono.

“Hello, Dad? I can’t hear you. Pasensiya na. Tatawagan ko na lang uli kayo mamaya…”

Sinundan ng lalaking nasa unahan ang ginawa niya. At halos mapatunganga na lang din siya nang makita ang napakaguwapong mukhang iyon. She knew this guy! Ito ang lalaking sumagip sa kanya noong nakaraang gabi! Lalo lang tila umurong ang dila niya nang ngumiti ito, saka muling bumaling sa crew.

“Yes, Yvette, I know you’ll be lovely in a red dress,” wika nito sa kausap sa kabilang linya. “In fact, sa tingin ko kahit ano’ng suotin mong damit ay maganda ka pa rin. Okay, I’ll see you tonight.”

Muling ngumiti sa kanya ang lalaki nang kunin na nito ang mga naka-plastic na pagkain for takeout. And then he went out, answering his phone once again when it rang. Napaka-macho pa rin nitong tingnan sa kabila ng apat na plastic ng pagkain na bitbit nito. Mukhang iyon din ang reaksiyon ng mga tao dahil narinig niya ang impit na buntong-hininga ng mga iyon habang nakasunod ang tingin sa kalalabas lang na lalaki.

“Sir, sandali,” sigaw ng crew na kumuha ng mga order nito. “May nakalimutan pa ho kayo.”

Napansin ni Faye na tila pareho rin ng iniisip niya ang iniisip ng ibang babaeng customers doon habang masama ang tingin sa plastic bag na hawak na ngayon ng crew. Pero bago pa man makakilos ang mga ito ay hinablot na niya sa nagulantang na crew ang plastic bag.

“Ako na.”

Pero kung kailan naman nagmamadali ay saka pa siya inabot ng malas. Paglabas kasi niya ng pinto ng fast-food na iyon ay napahiyaw na lang siya nang dumulas ang kanyang sapatos. Dere-deretso sana siyang babagsak sa semento kung hindi lang may mabilis na sumalo sa kanya.

“Are you all right?”

Napatingala si Faye sa nagsalita. Pakiramdam niya ay namatay na siya dahil nakakakita na ngayon ng napakaguwapong anghel. Napatunganga na lang siya sa lalaki. Beautiful, sambit niya sa isip. Just beautiful. Kung meron ngang lalaki na puwedeng tawaging maganda.

“Miss?”

“Ha… Ah… yes…” Hindi na alam ni Faye kung ano pa ang ibig sabihin ng mga sinabi. O kung para saan ang mga iyon. She just continued watching this beautiful handsome face in front of her. Napangiti lang ito at lalo pang tila lumipad ang kanyang katinuan. Sino ba ang nagkalat ng balitang isang nuknukan ng suplado si Rath Lagdameo? Naalala niya ang kanyang kuya. Gigilitan talaga niya ng leeg ang isang iyon pagdating niya sa bahay nila.

“Do you want me to take you to the hospital?”

Pati ang boses ni Rath ay parang musika sa kanyang pandinig. She had never experienced this kind of overwhelming feelings before. Daig pa nga siguro niya ang nakadroga sa nararamdamang pagka-high ngayon. Pero sandali lang ang luwalhating iyon dahil may biglang dumating na kontrabida sa kanyang self-made telenovela.

“Rex? Oh, my gosh, honey!”

Teka… Doon lang tila natauhan si Faye at mabilis na umayos ng tayo. Tiningnan niya ang lalaking amused pa ring nakamasid sa kanya bago siya tuluyang pinakawalan. Teka… tama nga ba ang narinig ko? Tinawag ng babaeng iyon na Rex si Rath?

Heto na ang babae. Tuwang-tuwang agad na ipinulupot ang mga braso sa leeg ng walang imik na lalaki.

“I miss you so much, honey!”

Napaurong na lang si Faye nang tangkaing halikan ng babae ang lalaki sa mga labi. Pero bumaling ang lalaki sa kanya kaya sa pisngi lang nito nag-landing ang halik na iyon.

“Rex? What’s wrong honey? Don’t tell me you didn’t miss me.” Pilit pang ngumiti ang babae pero nang bumaling sa kanya ay halos bugahan na siya ng apoy sa ngitngit.

At alam niya kung kailan siya dapat lumayo. “I’m sorry—”

“You don’t have to say sorry to her.” Nagtataka niyang tiningnan si Rath, lalo na nang hawakan siya nitong muli sa braso. “Siya pa nga dapat ang mag-sorry dahil inistorbo niya tayo. Stay here, sweetheart.”

“Ha?”

“Rex, honey, what’s the meaning of this? Tatlong araw lang tayong hindi ngakita—”

“Please don’t call me honey.” Hinila pa siya lalo ni Rath palapit, saka mahigpit na inakbayan. “Selosa itong girlfriend ko. Baka bigla ka na lang niyang sabunutan.”

“Girlfriend?!” sabay nilang sambit ng babae.

“Oh, you must have mistaken me for my brother. I’m not Rex.”

Ilang segundo rin siguro ang inabot bago sila parehong natauhan ng babae. Nagkamali nga naman pala talaga ang babae.

“Oh! I’m… I’m sorry, Rath. Akala ko kasi ikaw si Rex… P-pasensiya ka na, ha?”

“It’s okay. Sanay na ako.”

Tiningnan siya ng babae. “May girlfriend ka na pala.”

“Matagal na.”

After the woman gave her one last envious look, she returned to her car and left.

Naiwan naman si Faye na hindi pa rin makapagsalita sa katatapos lang na pangyayari. Biruin mo iyon? Siya na ang girlfriend ni Rath Lagdameo nang walang kahirap-hirap—

“Whew! Muntik na ako doon, ah.”

Bago pa man niya maintindihan ang sinabi ni Rath ay tumunog nang muli ang cell phone nito. “Chelsey, hi… Ah, I’m sorry… Something came up. I’ll just call you up later, okay?” He turned off his phone and turned to her. Hayun na naman ang ngiti nitong nakakapagpalimot sa kanya ng mga problema niya sa mundo. “Let’s go?”

“Ha? Saan?”

“Sa ospital. Doon ang punta natin bago dumating si Alleli.”

“Alleli?”

“Napakarami mong tanong. Saka ko na lang `yan sasagutin. For now, kailangan na munang matingnan ang kalagayan mo.”

Oo nga pala, nadulas nga pala siya kanina at nabagok ang ulo. Tama ba? Ipinilig niya ang ulo. Ano na ba ang itinatakbo ng utak niya? Nakita lang niya si Rath at ang mga ngiti nitong iyon ay para na siyang nawawala sa sarili.

“Ahm, okay lang ako.”

“Sigurado ka?”

Hindi. At kung si Faye lang ang masusunod, magpapaospital na nga talaga siya. Kaya lang baka mapahiya naman siya kapag tinanong na ng doktor kung ano ang nangyari sa kanya. Dahil hindi matatanggap ng doktor ang kasagutang “I just fell… hopelessly in love with this guy.” Baka masaksak lang siya ng syringe ng doktor sa kagagahan niya.

“Oo,” sagot na lang niya. “I’m fine.” Well, not really.

“You look kinda flushed.”

Namumula pa rin ba ang mga pisngi niya? “Mainit lang kasi dito kaya gano’n.”

“Well, if you’re sure, ihahatid na lang kita sa inyo.”

That would be terrific! “Huwag na, salamat na lang. May sasakyan naman ako at hindi ba’t may pupuntahan ka pa?”

“Medyo nga.”

“Kung gano’n, sige na.” Dinampot ni Faye ang plastic bag ng pagkain at ibinigay iyon dito. “Here. Naiwan mo ito kanina kaya inihabol ko.”

“Oh, thanks. Nakakahiya naman. Muntik ka pang madisgrasya nang dahil lang dito.”

“Ah, wala iyon. Nasalo mo naman ako.”

Ngumisi si Rath at parang gusto na niyang pagsisihan kung bakit tinanggihan pa ang alok nito na ihatid siya. Puwede pa kaya niyang bawiin iyon?

“Well, if you’re sure, sige, mauuna na ako sa `yo. Salamat nga pala dito,” sabi nito sa pagkain. “Ano na nga uli ang pangalan mo?”

“Yes.” Napakunot ang noo nito pero hindi pa rin naman nawawala ang ngiti sa mga labi. Muli niyang ipinilig ang ulo. “I mean, Faye… Faye Valentine Salcedo.”

“Okay.” Inilahad nito ang kamay. “Nice meeting you, Faye.”

Napabuntong-hininga na lang siya nang sundan si Rath ng tingin hanggang sa makarating ito sa isang bagong-bagong pulang kotse sa gilid ng fast-food house na iyon. It was a sleek red Dodge Viper. Kahit paano ay may alam siya sa mamahaling modelo ng mga sasakyan dahil addict ang kuya niya sa mga iyon. Nang dumaan sa harap niya ang kotse ay kumaway at ngumiti pa ang lalaki.

Goodness! tili ni Faye sa isip. Ang guwapo ng boyfriend ko!