noveltoon logo noveltoon
Reigan Baltazar (Stallion Series 5)

Chapter 9

Ch. 9 / 10 Nov 28, 2025

M asama na naman ang pakiramdam ni Sierra. Kaninang umaga pa niya nararamdaman ang pananamlay. Ah, well, ang totoo ay ilang araw na niyang nararamdaman iyon. Hindi nga lang tulad ngayon na talagang halos ay maubusan na siya ng lakas sa kahit kaunting pagkilos lang.

“Sierra, okay ka lang ba? Parang hindi maganda ang lagay mo, ah.”

Naupo siya sa swivel chair at hinilot ang sentido. “I’m fine. Hindi lang siguro maganda ang naging bangon ko.”

“Mauna ka na kayang mag-break? Take a nap. Baka makatulong iyon na maibalik ang sigla mo.”

“Okay.”

Sa locker room ng mga empleyado siya nagtungo. Naroon na ang mga kasamahan niyang nagko-coffee break. Dalawang batch kasi ang mga empleyado sa pagbe-break para may mga tao pa ring maiiwan na mag-aasikaso sa mga kliyente. Pero hindi pa man siya nagtatagal sa pagkakaupo ay may bumulabog na sa kanya. Si Donald.

“Paano ka nakapasok dito?” tanong ng mga kasamahan niya. “Bawal dito ang hindi empleyado ng bangko.”

“Nagpaalam na ako sa manager ninyo na kakausapin si Sierra. Hindi naman kayo ang ipinunta ko rito kaya huwag na lang kayong maingay.”

Umikot ang paningin niya nang maamoy ang mga bulaklak na iniharap sa kanya ni Donald. Kaya inilayo niya iyon at muling pumikit.

“Look, Sierra. I know hindi na kita gaanong nadadalaw dito nitong mga nakaraang araw. Medyo naging busy lang kasi ako masyado sa mga negosyo ko. Hindi ko naman kasi puwedeng pabayaan na lang iyon. I hope you’ll forgive me.”

“Busy sa negosyo,” narinig niyang bulung-bulungan ng mga kasamahan niya. “Baka busy sa ibang babae kamo.”

“Siguro kaya sinusuyo na naman niyan si Sierra kasi nabasted ng ibang nililigawan.”

Nagpatuloy ang mga bulung-bulungan tungkol kay Donald. Habang ang lalaki ay tila hindi naman apektado sa mga nangyayari. Diretso lang ito sa pagmo-monologue.

“Huwag ka nang magtampo, Sierra. I promise I’ll make it up to you. How about a lunch date? My treat, as always. O mas mabuti na mag-half day ka na lang para naman magkasama tayo nang mas mahabang oras. Na-miss na kasi talaga kita nang husto. So, how about it, Sierra?”

“Hindi mo ba nakikitang nagpapahinga si Sierra? Napaka-insensitive mo talagang unggoy ka.”

Boses iyon ni Reigan…

“Hey, you. Am I talking to you?”

“No. But I’m talking to you. Asshole.”

Narinig pa ni Sierra ang tawanan at palakpakan ng mga kasamahan niya bago naramdaman ang matinding kirot sa kanyang tiyan. Napadukwang siya at sumuka.

“Sierra!”

“Naku, ano’ng nangyayari sa iyo?”

“Tumawag kayo ng ambulansiya. Bilis!”

Natigil ang pagsusuka niya pero hindi ang pananakit ng tiyan. So she continued to lean forward, pressing her stomach.

“Dalhin na natin siya sa ospital!”

“Sierra, come here—”

“Umalis ka diyan.” Malinaw na rumehistro sa nanlalabo niyang utak ang baritonong boses. Si Reigan nga…

“Donald, umalis ka na raw diyan!”

“What—”

“Tabi!”

And then Sierra felt herself being lifted from the ground. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Pati na rin ang matatag na mga brasong bumuhat sa kanya.

“Rei…”

“Just hold on, Sierra. Malapit na tayo sa ospital.”

And so she held on to him. Kahit nararamdaman pa rin niya ang pananakit ng tiyan at panghihina ng katawan, hindi na niya iyon gaanong iniinda dahil heto lang sa tabi niya ang tanging taong nakakapagpabuti sa kanyang pakiramdam.

“Rei… gan.”

“TITA Tabaaa!!”

Napangiwi si Sierra nang marinig ang pagtawag ng pamangkin sa kanya.

“Tinay, huwag kang sumigaw. Nagpapahinga pa si Tita.”

Umakyat sa gilid ng kama ang pamangkin. “Tita, sakit ka?”

Sa wakas ay nagawa na rin ni Sierra na imulat ang mga mata. At noon lang niya napansin na hindi pamilyar ang silid.

“Nasaan ba ako?”

“Nasa ospital,” sagot ng kanyang ama. “Tumawag si Reigan sa bahay at sinabi nga niyang isinugod ka raw niya rito.”

“Si… Reigan?”

“Galit Dok Pogi, Tita. Hindi siya smile. Monster siya.”

“Personal niyang inasikaso ang kalagayan mo,” wika ni Lucy. “Kulang na lang, kaladkarin niya rito ang lahat ng doktor na kilala niya para siguruhing ligtas ka.”

“Mamaya na lang daw siya dadalaw sa iyo at may importante lang siyang aasikasuhin sa labas,” dugtong ng kanyang ina. “Hindi namin maintindihan ang sinabi ng doktor na pangalan ng sakit na dumapo sa iyo. Pero ayon sa paliwanag nila, nagkaroon ng pamamaga sa bituka mo dahil sa mga pagkaing may matataas na content ng acid. Sa palagay mo, saan mo kaya nakuha iyon?”

Sa tono ng kanyang ina, medyo galit din ito. Marahil dahil pareho nilang alam kung saan nanggaling ang mataas na acid sa kanyang intestines. Galing iyon sa mga diet pills at fat-burning capsules na iniinom niya para pumayat. She could not read the labels of the products because they were written in Chinese. Ito na nga ba ang matagal nang sinasabi sa kanya ng nanay niya.

“Mabuti na lang at naagapan ka,” patuloy nito. “Kung hindi, baka raw na nauwi na sa colon cancer ang sakit mo.”

“O, Sierra, sana naman ay natuto ka na. Makikinig ka sa nanay mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon, eh, tama ka.”

“Oho, `Tay.”

“At bakit kasi may pagpapapayat ka pang nalalaman? Hangga’t wala kang sakit sa katawan, pabayaan mo iyan. At iyon ang importante. Hindi katulad niyan na payat ka nga, sakitin ka naman. Aba’y kung hindi dahil kay Reigan, baka naunahan mo pa kami ng nanay mo sa hukay.”

“Arnulfo, ano ba naman iyang pinagsasasabi mo riyan?”

“Dapat naman talaga prangkahan ang pakikipag-usap dito kay Sierra, eh. Para nakikinig siya. Matigas kasi ang ulo. Manang-mana kay Tinay—”

“Ambaho mo!” tili ni Martina. “Tatay, ambaho mo! Ayoko sayo!”

“O, nakita mo na?”

“Tay, `Nay, sorry na. Hindi na uli ako bibili pa ng mga pampayat na iyon.”

“Dapat lang,” wika pa rin ng kanyang ama. “Mabuti pa si Reigan, nakikita ang ganda mo. Naa-appreciate ka sa kabila ng sinasabi mong katabaan mo. Samantalang ikaw, mas pipiliin pang mamatay para lang magkaroon ng ‘magandang katawan.’ Anak, kapag namatay ka, walang seksi o mataba. Pare-pareho lang tayong magiging kalansay.”

“Arnulfo!”

“Hindi, eh. Gusto ko lang namang maliwanagan itong dalaga natin.”

“`Tay, enlightened na ako sa mga pinagsasasabi ninyo. Tatandaan ko na iyan, pramis.”

Natatawa na lang ang kanyang kapatid sa naging pag-uusap ng kanilang pamilya. Medyo magulo at maingay. Pero tanggap niya ang lahat ng iyon, pati na rin ang naging pagkakamali niya.

“`Tay.”

“O?”

“Talagang… sinabi ni Reigan na maganda ako? Kahit na… mataba ako?”

“Oo nga sabi. Ang kulit mo rin, ano? Kung hindi ka naniniwala, eh, di tanungin mo siya. `Di ba, Eliza?”

“Ewan ko sa iyo. Ibinebenta mo na naman ang anak mo.”

“Willing namang bilhin ni Reigan— a ray naku!” Palihim itong siniko ng kanyang ina sa tagiliran.

“Huwag mo na lang intindihin ang tatay mo. Magpahinga ka na para mas mapadali ang paggaling mo.”

“Iiwan ninyo ako rito?” Naghikab na rin si Sierra.

“Ako na muna ang magbabantay sa iyo,” wika ng kanyang ina. “Mamaya magpapalit kami ni Lucy. Hindi naman puwedeng magtagal dito si Martina at baka gumuho itong ospital sa kalikutan niyan kapag nagtagal iyan dito.”

“Tita Taba, kiss.” Hinayaan na lang niyang pupugin siya nito ng halik sa mukha.

“Tama na. Malulunod na ako sa halik mo.”

Nang iwan sila ng kanyang ama para magbantay sa kanilang tindahan kasama nina Lucy at Martina, nagkaroon na rin sa wakas ng katahimikan ang silid.

“Kaya siguro hindi tumataba si Lucy ay dahil sa kakahabol kay Tinay,” aniya.

“Kung gusto mo pa ring pumayat, pero in a natural way na, mag-asawa ka na at mag-anak. Siguradong mawawala iyang mga kinaiinisan mong taba.”

“Talaga, `Nay?”

“Aba, at sineryoso nga. Matulog ka na nga lang diyan at nang mabawi mo agad ang lakas mo.”

“`Nay.”

“O.”

“Guwapo si Reigan, `no?”

“Matagal na. Ikaw lang ang sira diyan na hindi pinapansin iyon.”

“Nakakaasar kasi siya, eh.”

“Nagpapapansin lang `yong tao, hindi mo pa pinagbigyan.” Binalingan ni Sierra ang ina. Pero papalabas na ito ng silid. “Maghahanap lang ako ng makakain mo. Binigyan naman ako ng nutritionist dito ng kopya ng mga pagkaing puwede mong kainin. Maselan pa kasi ang tiyan mo kaya hindi ka puwedeng basta na lang kumain ng kung ano-ano.”

Hindi na mapuknat ang ngiti sa kanyang mga labi mula nang iwan siya ng kanyang ina. Nagpapapansin lang daw si Reigan kaya madalas siya nitong pikunin noon. And it was his handsome image that was stuck in her mind as she gave in to sleep once more.

NAGISING si Sierra na ang kapatid na lang na si Lucy ang naroon. Mukhang nagpalit na ng shift ang mga ito habang natutulog siya.

“Ilang oras na ba akong tulog?”

“Mahaba-haba na rin. Pero mabuti iyan sa iyo. Advice ng doktor.”

Maingat siyang bumangon upang hindi magalaw ang dextrose na nakakabit sa kanyang kamay. Naupo siya at sumandal sa headboard ng kama.

“Wala yata si Tinay.”

“Ayaw pasamahin ni Tatay. Wala daw siyang kakulitan sa bahay.”

Ibang klase talaga ang charm ng bulinggit na impaktita niyang pamangkin. Kaya nga nami-miss na niya ito. “Pakibuksan naman `yong tv , Lucy. Nababagot na ako rito.”

“Huwag kang mag-alala. Bukas kapag naging stable pa rin ang kundisyon mo, ire-release ka na raw ng doktor mo.” Binuksan na nito ang telebisyon. “Anong channel? Animax?”

“Ano naman ang gagawin ko sa Animax? Doon na lang sa balita. `Pag pangit, mag-Cartoon Network na lang tayo.”

“Manang-mana ka talaga kay Tinay sa kapraningan mo.” Ibinigay nito kay Sierra ang remote control ng tv . “Ikaw na ang bahalang maghanap ng panonoorin. Iidlip lang ako. Ngayon lang ako nakawala sa galamay ni Martina, eh. `Ayan na nga pala sa nightstand sa tabi mo ang mga pagkaing puwede mo lang kainin. Kumain ka na lang kung kailan mo gusto.”

Pumuwesto na si Lucy sa visitor’s couch na nakalagay sa kabilang panig ng silid. Sierra was surfing through the television channels when she chanced upon an exclusive news report about Bureau of Food And Drugs’ raids on a certain building in Ortigas. Ayon sa report, nagbebenta raw ng mga pekeng gamot na pampapayat ang naturang kumpanya. Sa nakalap na impormasyon ng BFAD, umabot na sa tatlong kaso ng pagkamatay ng mga gumagamit ng naturang gamot ang naitala ng mga ito. Bukod pa sa mga naoospital dahil sa iba’t ibang kumplikasyong dala ng mga gamot.

“Kung hindi ninyo mabasa o maintindihan ang mga nakasulat sa labels ng mga gamot na binibili ninyo, common sense na lang. Huwag ninyong gamitin, unless masuri iyon ng mga taga-BFAD. Nevertheless, mas mainam pa rin ang bumili ng mga gamot na rekomendado ng mga certified medical professionals para maiwasan natin ang mga ganitong pangyayari.”

Iyon ang salitang binitawan ng director ng naturang ahensya. Nabitiwan ni Sierra ang remote control. Hindi man direktang sinabi sa kanya ang mga salitang iyon, tinamaan pa rin siya. Common sense. Marami siya n’on. Ang kaso, hindi niya pinakinggan. Kaya heto tuloy siya ngayon sa ospital. At kung hindi siya naagapan, malamang ay siya na ang pang-apat sa mga naging casualties ng gamot na iyon dahil lang sa kanyang katangahan.

Lalo pa siyang napatanga sa telebisyon nang makita kung sino ang sumunod na in-interview ng reporter.

“Mr. Baltazar, kayo ang nag-imbestiga at nagsiwalat ng operation ng kumpanyang ito. Ano po ang masasabi ninyo ngayong nasugpo na ang isa sa mga sakit ng ulo ng mga nasa medical field?”

“I would say na hindi dito natatapos ang kampanyang ito ng gobyerno laban sa mga taong walang pakialam kung magbuwis man ng buhay ang marami para lang kumita sila nang malaki.” Tumitig ang lalaki sa harap ng camera. “Hindi ako papayag na ang isa sa mga pinakamamahal kong tao sa mundo ay mawawala nang dahil lang sa hindi niya alam kung ano ang kanyang nabiling gamot. Wala siyang mabibiling pekeng gamot kung walang nagbebenta niyon.”

Ngayon naman ay ang hawak na piraso ng orange ang nabitawan ni Sierra. Siya ba ang tinutukoy ni Reigan na ‘isa sa pinakamamahal nitong tao sa mundo’? Siya ba? At tila naman kasagutan sa kanyang katanungan ay bumukas ang pinto ng silid at pumasok ang guwapong-guwapong si Reigan. Napatingin ito sa telebisyon bago bumaling sa kanya. Seryoso.

“Napanood mo na pala ang balita,” anito pagpasok, saka lumapit sa kanya. “Kumusta na ang pakiramdam mo?”

“M-maayos na.”

Dinampot nito ang piraso ng prutas na nabitiwan niya at ibinato sa trashcan sa kabilang panig ng silid. Pagkatapos ay hinila nito ang isang silya at naupo sa tabi ng kama.

“Nakausap ko na ang doktor mo bago ako tumuloy dito. Makakalabas ka na raw bukas.”

“Oo, sabi nga rin ni Lucy.” Pinatay ni Sierra ang telebisyon. “Ikaw pala ang naka-solve ng kaso sa mga pekeng gamot.”

“I had to. Kung hindi, baka maulit sa iba ang nangyari sa iyo. What’s worse, baka hindi maging kasinsuwerte mo ang mga taong iyon.” Bumuntunghininga si Reigan, saka sumandal sa kinauupuan.

“Mukhang pagod na pagod ka, ah.”

“Medyo kinukulang nga ako ng tulog nitong mga nakaraang araw.”

“Dahil sa ginagawa mong imbestigasyon?”

Tumango ito. “Matagal na naming sinu-surveillance ang kalakaran ng mga fake drugs. No’ng una, akala namin mga generic drugs lang ang ginagawa nila. Pero nang ibigay sa akin ng nanay mo ang mga gamot na binili mo, doon lang namin nalaman na kasama na rin pala pati ang mga ini-import na gamot sa ibang bansa. Lumawak ang sakop ng kaso kaya medyo natagalan kami sa pagresolba.”

“At least nagtagumpay kayo.” Tinitigan niya ang binata. “You saved me, Reigan.”

“Yeah, well, I don’t want anything to happen to the woman I love. I don’t even want her to shed a single ounce of fat in her body. That, I’ve grown to love as well.”