noveltoon logo noveltoon
Reigan Baltazar (Stallion Series 5)

Chapter 5

Ch. 5 / 10 Nov 28, 2025

S umilip si Sierra sa pinto ng kanilang bahay. Madilim pa sa labas dahil mag-aalas-singko pa lang ng madaling-araw.

“Okay, the coast is clear.” Nagbilang siya nang hanggang sampu at malalim na huminga.

Pero pagbukas na pagbukas ng pinto ay saka naman niya nakita ang grupo ng apat na kababaihan na nagdya-jogging sa kalye. Di-kalayuan sa mga ito ay ang mukhang mag-asawang matanda na naglalakad bilang morning exercise siguro.

“O, Sierra, ano’ng ginagawa mo riyan?” tanong ng kanyang ina. “Sino’ng sinisilip mo?”

“Wala, `Nay.”

Nakangiti nitong tiningnan ang outfit niyang puting t- shirt at jogging pants. “Magdya-jogging ka?”

“Hindi na.”

“Ha? Bakit? `Ayan nga at handang-handa ka nang tumakbo.”

“Ang daming tao sa labas, eh. Nakakahiya.”

“Nakakahiya? Ano naman ang nakakahiya do’n?”

“Eh…” Ang totoo, sa sarili siya nahihiya. Ito ang unang pagkakataon na magdya-jogging siya at parang hindi siya sanay na makita ng iba ang ginagawa niya.

“Hay naku, lumabas ka na at tumakbo. Hindi lang naman ikaw ang tumatakbo para magpapayat kaya bakit ka mahihiya? O, kung gusto mo, ihatid mo ako hanggang sa sakayan papuntang palengke para makabuwelo ka.”

“Hindi na. Ayoko na. Ihahatid ko na lang kayo hanggang do’n sa kanto. Magbe-belly dancing na lang ako mamaya pagbalik ko.”

“Hay, ikaw na nga ang bahala.”

Araw-araw na gumigising nang maaga ang kanyang ina para mamili ng mga kakanin sa palengke. Hilig kasi ng mga tao sa kanila ang mga ganoong pagkain sa umaga, lalo na ang mga bata dahil sa mga kakaibang kulay niyon na madalas pang ibinabaon sa pagpasok sa paaralan.

Napalingon si Sierra sa bahay at saradong klinika ni Reigan nang madaanan nila.

“O, nanunulis na naman iyang nguso mo, Sierralaine. Ikaw talaga, hindi ko maintindihan kung bakit ang init ng dugo mo kay Reigan samantalang napakabait na tao naman ng isang iyon. Ano ba ang ginawa niya sa iyo at ganyan na lang ang galit mo sa kanya?”

Inismiran niya ang bahay, as if it was really Reigan. “Sabi niya kahapon sa akin, susunduin daw niya ako paglabas ko sa trabaho. Hindi siya dumating.”

“Kaya nagdadrama ka ngayon diyan?”

“`Nay, sino ba naman ang hindi magre-react nang ganito sa ginawa niya? Inasahan ko siya kagabi. Ang tagal kong nagmukhang tanga sa paghihintay sa kanya sa tapat ng branch namin. Nagka-varicose veins na ako sa kakahintay.”

“Eksaherado ka naman masyado. Wala ka namang varicose veins, ah.”

“Eh, paano nga kung magka-varicose veins ako? Puro na nga ako bilbil, magkakaroon pa ako ng ugat-ugat sa binti. Magmumukha na akong tigang na puno, `Nay. At dahil iyon sa kagagawan ng ipinagmamalaki ninyong doktor na iyon.”

Tumawa lang ang kanyang ina. “Sa tono ng pananalita mo, parang gusto mo nang sakalin si Reigan.”

“Hindi lang iyon ang gusto kong gawin sa kanya, `Nay.”

“Bago ka magwala riyan, naitanong mo na ba sa kanya kung ano ang dahilan at hindi siya nakarating sa usapan ninyo kagabi?”

Natigilan si Sierra. “Eh… basta. Kung hindi siya makakarating, sana tinawagan man lang niya ako para hindi namuti ang mga mata ko sa kakahintay sa wala.”

“Alam ba niya ang numero ng cellphone mo?”

Hindi. Malay ba niyang magkakaroon ng lakas ng loob si Reigan na sunduin siya sa trabaho? Hindi rin naman nito hiningi nang personal ang numero niya. O, kasalanan ba niya iyon?

“Kung ako sa iyo, Sierra, kung talagang hindi ka mapakali sa ginawang iyan ni Reigan, puntahan mo siya at tanungin nang diretso.”

“Ayoko nga. Baka isipin ng kumag na iyon, eh, big deal sa akin ang nangyari.”

“Bakit, hindi ba? Alam mo, Sierra, hindi naman masama kung magugustuhan mo si Reigan. Mabait ang batang iyon. At matagal na rin naman siyang nanliligaw sa iyo.”

“Para namang hindi ninyo kilala si Reigan, `Nay. Ang lakas kaya n’on mang-asar. At `yong panliligaw niya? Biro-biro lang niya iyon. Hindi iyon magseseryoso sa akin kahit kailan.”

“Kung totoo iyang sinabi mo, sana noon pa siya nagsawa. Pero nakita mo naman, mula noong high school kayo hanggang ngayon, sabi mo nga, pinagti-trip-an ka pa rin niya. Aba’y kung nabuhay lang noong kabataan ko iyang si Reigan at pinag-trip-an din niya ako, papatulan ko na ang mga sinasabi niya.”

“`Nay!”

Tumawa lang ito, saka pinara ang paparating na dyip. “Si Reigan ang tipo ng lalaking sineseryoso at hindi dapat pinapakawalan.”

“Wala akong balak mag-asawa.”

“Magbabago rin iyan. Tanungin mo na si Reigan.”

“I’m not going to ask him to marry me!”

“Anak, huwag ka naman masyadong obvious. Sagutin mo na muna si Reigan bago mo siya yayaing magpakasal.”

Bago pa makahirit si Sierra ay nakasakay na ng dyip ang ina. Kung hindi lang ito ang nagluwal sa kanya sa mundo, baka pati ito ay nasakal na rin niya. Bakit ba lahat na lang ng tao sa paligid ay ginagawa nang pastime ang pang-aasar sa kanya? Pang-asaran ba talaga ang mukha niya? Ang saklap naman ng kapalaran niya. Tabaching-ching na nga siya, peborit pang asarin ng mga walang magawang doktor sa mundo.

Pabalik na si Sierra sa bahay nang mapansin ang ilan pang mga nagdya-jogging. Nahihiya talaga siyang makisabay. Hindi na nga bale kung hindi siya makapag-jogging. Meron pa namang ibang puwedeng gawin na makakatulong sa pagpapapayat niya. Like belly dancing and stretching.

“Sierralaine.”

Bahagya pa siyang napahiyaw nang marinig ang boses sa kanyang tabi. Hindi niya tinigilan sa paghampas sa balikat si Reigan.

“Aray— aray— aw!— uy, tama na. Masakit na.”

“Nakakainis ka talaga! Bakit mo ba ako tinatakot nang gano’n, ha?” Isa pang hampas sa braso nito ang pinakawalan niya. “Lagi mo na lang akong niloloko! Akala mo ba nakakatuwa ka pa? Ang sarap mong katayin talaga!”

“T-teka, kailan naman kita niloko— Aray ko!”

“Kagabi! May pasundo-sundo ka pang nalalaman, eh, hindi ka rin naman pala sisipot! Ang tagal kitang hinintay do’n sa labas ng branch namin pero ni anino mo hindi nagpakita!”

Natigilan si Reigan sa kabila ng patuloy na ni Sierra paghampas. “Hinintay mo ako?”

Napangiwi pa ang binata nang hawakan niya sa magkabilang pisngi. His eyes were still closed, as if he was waiting for her to hit him. Hindi nga lang niya nagawang sampalin ito sa kabila ng pagkabuwisit niya. Ito ang unang pagkakataon na nahawakan niya nang ganito ang mukha ni Reigan. His skin felt so smooth and warm. His face was still as handsome as the first time she saw him years back. The face her young heart had fallen in love with. Hayun na naman ang papalakas na tibok ng kanyang puso. Gaya ng nararamdaman niya kay Reigan nang mga nakaraang araw.

Gaya ng nararamdaman niya noong high school pa lang sila.

He slowly opened his eyes when he probably noticed she wasn’t going to scratch his face. At daig pa niya ang pinompiyang sa magkabilang tenga nang salubungin niya ang mga matang iyon. Umarangkada kasi nang husto ang tibok ng puso niya. Mas matindi pa iyon kaysa doon sa mga nauna niyang naranasan nang maging aware siya sa kakaibang tibok ng kanyang puso pagdating kay Reigan.

No. Way.

“You know,” anito. “You could hit me if you want…Or not. Pero kung gusto mo pa rin akong upakan, okay lang. May kasalanan naman talaga—”

Tumalikod na lang si Sierra. Naloloka na ba siya? Bakit ganoon ang nararamdaman niya para sa lalaking iyon? She had hated him since high school. She had hated him all these years. Kaya paano nangyaring kilala pa rin niya ang damdaming iyon na ngayon ay mas malinaw na niyang naipapaliwanag sa sarili?

“Sierra!” Humarang na sa daraanan niya si Reigan. “Ahm, may dahilan naman ako kung bakit hindi ako nakasipot sa usapan natin.”

Gusto na niyang lamukusin ang mukha ng binata. Bakit ba ayaw pa siya nitong tigilan samantalang puro kasamaan lang naman ang ipinapakita niya rito? Lalo lang tuloy nagugulo ang isip niya dahil hindi na niya alam kung paano ito papalayuin pa sa kanya. At kung paano rin niya pipigilan ang damdaming unti-unting bumabangon sa kanyang puso para dito.

“Nagkaroon kasi ako ng emergency situation kagabi. Tatlong bata ang dinala sa clinic. May dengue `yong dalawa at `yong isa, may gastrointestinal problem. And that’s a very dangerous illness for someone so young. Isinugod ko sila sa ospital para mas masuri at maasikaso ko sila dahil mas kumpleto ang gamit doon. Magdamag ang monitoring at ako mismo ang nag-asikaso sa kanila. I can’t leave them. After all, I’m their doctor. Medyo late na nang maalala ko ang usapan natin. Hindi rin naman kita ma-contact dahil nakalimutan kong hingin sa iyo ang cellphone number mo. Tinawagan kita sa bahay ninyo, kaya lang tulog na yata kayo dahil wala nang sumasagot.”

Nanatili lang walang imik si Sierra. Look at him. Such a thoughtful doctor.

“Alam kong galit ka, Sierra. Kaya lang talagang may mga ganoong pagkakataon talaga sa buhay naming mga doktor na hindi maiiwasan. Ahm, susunduin na lang kita uli—”

“Huwag na.” Napansin niya ang pagbagsak ng mga balikat ni Reigan. “How are your patients?”

“Huh?”

“Sabi ko kumusta na ang mga pasyente mo? Ayos na ba ang lagay nila?”

Saglit na tila naguluhan ang binata sa tanong. s iguro ay hindi nito inaasahan ang reaksyon niya. Nasanay na nga naman kasi si Reigan sa mga pisikal niyang pang-aabuso rito. Pero ilang sandali lang naman ang lumipas ay nagliwanag na ang ekspresyon ng guwapo nitong mukha at kasabay ng pagkislap ng mga mata ay ang pagsilay ng ngiti sa mga labi. The creep was a total hottie! Darn!

“Stable na ang kundisyon nila. They’re safe now. Kaya lang kailangan pa nilang mag-stay sa hospital for observation. Mabuti na ang nakakasiguro. Alam mo naman ang panahon ngayon, usong-uso talaga ang dengue.”

“Mabuti naman. Sana nga magtuloy-tuloy na ang paggaling nila.”

“So… pinapatawad mo na ba ako ng lagay na iyan?”

“Ginagawa mo lang naman ang trabaho mo.”

“So… pinapatawad mo nga ba ako ng lagay na iyan?”

“Ano sa palagay mo?”

“Bati na tayo?”

Napakunot na lang ang noo ni Sierra sa pagpipigil na mangiti. “Para kang bata.”

“Gano’n ba? Sabi nga rin ng mga kaibigan ko sa Stallion Riding Club kapag nadadalaw ako do’n. Pero hindi na siguro talaga maiiwasan na mahawa ako sa makukulit kong pasyente. Hindi bale, cute naman kami, `di ba?”

“`Yong mga pasyente mo, oo. Pero ikaw, hindi.” Handsome was the right word to describe this hottie. Ngumisi lang ito. Yeah, he’s a hottie all right.

“Magdya-jogging ka ba? Sabay na tayo.”

“Jogging? Hindi ko na kailangang mag-jogging, `no?”

“Maganda sa katawan ang jogging, Sierra...”

Sinimangutan niya si Reigan. “Akala ko ba okay lang sa iyo na mataba ako?”

“Hindi lang naman para sa mga nagpapapayat ang pagdya-jogging. Para iyon sa lahat dahil maganda iyon sa katawan. Makakatulong iyon sa magandang blood circulation natin.”

Kung gano’n, mataba nga talaga siya dahil hindi ikinaila ni Reigan ang sinabi niya. Puwes, magdya-jogging na siya. Sumabay na ito sa kanya sa pagtakbo. They jogged around their subdivision without talking. Pero paminsan-minsan, lihim na sinusulyapan ni Sierra ang binata. At lalo lang niyang napapatunayan sa sarili na hindi na nga biro talaga ang nararamdaman niya para kay Reigan.

Peste! Dapat pala ay hindi na lang siya nagpauto tungkol sa pagganda ng katawan dahil sa pagdya-jogging. Luminaw pa tuloy sa isip niya ang dahilan ng kaguluhang iyon sa kanyang puso. Kaya imbes na mas pagtuunan iyon ng pansin, ibinaling na lamang niya sa ibang bagay ang atensyon. Wala pa siyang balak na kumprontahin sa ngayon ang katotohanang iyon sa likod ng kakaibang damdamin niya kay Reigan.

Isang eskuwelahan ang madadaanan nila. Iyon ang nag-iisa at pinakamalapit na paaralan sa kanilang subdibisyon. Ang Mary Seat Of Wisdom Academy.

“Ang ating sintang paaralan,” sambit ni Sierra. “Ngayon ko na lang uli nakita ito.”

“Ikaw kasi, hindi ka lumalabas ng lungga mo.”

“Busy lang ako sa trabaho, `no. Bakit ikaw?”

“Madalas akong mag-jogging dito. Marami kasi akong naaalala sa lugar na `to.”

“Gaya no’ng unang beses kang lumabas ng CAT Headquarters na nakapuruntong lang at mahabang medyas?”

“Hey, that wasn’t funny.”

“It was funny for us.” Napag-trip-an noon si Reigan ng mga co-officers nito sa CAT nang may isang sumigaw sa loob ng headquarters ng sunog habang nagbibihis ito ng uniporme. Ilang linggo ring pinagpiyestahan ang eksena kung saan nagkukumahog itong lumabas ng HQ na shorts lang at mahabang medyas ang suot. Kahit hanggang ngayon, natatawa pa rin si Sierra kapag naaalala iyon.

“`Kita mo ang babaeng ito. Sadista talaga. Pinagtatawanan ang kamiserablehan ng iba. Wala kang awa.”

“Alangan namang kamiserablehan ko ang pagtawanan ko.”

“Hmm, you have a point.” Isang puno ng narra na malapit sa gilid ng paaralan ang madadaanan na rin nila. It was his turn to grin. “Alam mo bang napaka-memorable ng punong iyan para sa akin?”

Parang tinadyakan ng kabayo si Sierra sa dibdib nang makita ang matandang puno. Parang gusto niyang bumalik sa bahay at kumuha ng palakol para putulin ang puno. Kung meron man kasi siyang iniiwasang maalala ay ang araw na iyon, sa lilim ng puno ng narra na ito.

“Nadaanan kasi kita rito na umiiyak mag-isa—”

“Hindi ako umiyak dito, `no,” kaila niya. “Excuse me lang.”

“Umiiyak ka. Nakita ko iyon. Binato mo pa nga ako ng nadampot mong buto ng mangga nang tanungin kita kung ano’ng problema. Hindi ba’t sinabi mo pa nga na layuan kita dahil baka makita tayo ng girlfriend ko?” Tumingala si Reigan sa mataas na puno. “Then I realized you were jealous of Lena. Alam mo, kung nalaman ko lang agad noon na may gusto ka sa akin, hindi ko na sana sinagot si Lena.”

“Ang kapal mo! Wala akong gusto sa iyo!”

Nakangisi siya nitong nilingon. “Akala mo lang wala. Pero meron, meron, meron—”

Bumagsak sa mabatong ilalim ng puno ng narra si Reigan nang sa panggigigil ay itulak niya ito. Napasinghap ang binata nang mapasubsob doon. Agad namang nginatngat ng konsensiya ang kalooban niya. Mukhang nasaktan kasi ito. Nakumpirma lang ang hinala niya nang maupo si Reigan sa lupang kinabagsakan at tumambad sa kanilang mga mata ang mga palad nitong may mga nakadikit na maliliit na bato at ilang bubog.

“I’m hurt, Sierralaine.”