“O KAY, boys, say sex !”
Natawa na lang si Miles nang kung ano-anong salita ang binanggit ng mga lalaking kinukunan ng picture ni Dunkey, ang official writer ng Billionaire Boys Club.
Maliwanag ang malawak na hardin ng mansiyon ng mga Lagdameo dahil doon ginaganap ang birthday ni Dunkey. Pagdating niya kanina ay muntik na siyang mag-back out dahil halos mga bigating tao ang bisita. Higit sa lahat, ang mga lalaking bisita ay miyembro ng first at second batch ng Billionaire Boys Club. Kasama ng mga ito ang kani-kanilang asawa o di kaya ay fianc ée . She was neither a wife nor a fianc ée kaya nga kanina pa siya naiilang.
Bakit ba kasi siya inimbitahan pa roon ni Rex? Ano ang papel niya, expectator? Mabuti na lang at dumating sina Avon at Faye na tanging kakilala niya.
“Kung gano’n, official nang kayo ni Ken?” tanong ni Miles sa kaibigan.
Bilang sagot ay ipinakita lang ni Avon ang nangingintab nitong engagement ring. “Nag-propose ang timawa nang mahuli kami ng highway patrol,” natatawa nitong wika. “Na plano lang pala niya ang lahat. Muntik pa ngang mawala `yong susi ng posas niya. Ang dami kasing arte.”
“I’m happy for you, Avon.”
“Eh, kayo ni Rath, kailan naman ninyo ia-announce ang engagement ninyo?”
“Paanong mangyayari iyon kung hindi naman kami?”
“What?” singit ng may-kaliitang si Dunkey.
Kanina pa siguro ito nakikinig sa usapan nila dahil kanina pa niya nakikitang aali-aligid doon. Sumasagap siguro ito ng mga kuwentong magagamit sa mga isinusulat sa magazine.
“Pam!” tawag ni Dunkey sa eleganteng babaeng kausap pa ng mga asawa ng mga lalaki roon. “Halika muna kayo dito at may seryoso tayong pag-uusapan.”
Agad namang lumapit ang mga ito at ipinakilala sa kanya.
“Ano na naman ba ito, Dunkey?” tanong ni Pamela.
“This…” Iminuwestra ni Dunkey sa kanya ang hawak na kopita ng alak. “Is… Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Miles,” natatawa niyang sagot.
“Right. This is Miles. I heard na si Rath ang nagdala sa kanya dito.”
“And?”
“Hindi naman daw sila officially together.”
“So?”
“So, how come na nang ibigay ko ang invitation kay Rath, he never told me na wala naman pala siyang girlfriend ngayon kahit tinanong ko siya? And then he brought Miles. Niloloko ba niya tayo?”
“Nino?” tanong ni Sofia. “Ni Miles o ni Rath?”
“Pareho.” Binalingan uli siya ni Dunkey. “Come on, Miles. Wala namang magandang maidudulot ang pagsisinungaling. It’s either you do or you don’t.”
“Ha?”
Tinapik ito sa balikat ni Atasha. “Lalo mo lang ginugulo ang usapan, eh. Samantalang hindi ka naman umiinom.”
“Umiinom ako, ha? Ito, o. Tubig.” Inalog pa ni Dunkey ang laman ng kopita na tubig pala at hindi alak. “Distilled pa iyan.”
Napapangiti na lang si Miles. Inakala kasi niya kanina na mga suplada ang asawa ng mga naunang batch ng BBC. Pero hindi naman pala.
“Si Rex ang nagyaya sa kanya dito,” wika ni Faye. “Si Rath kasi, ayaw kumilos.”
“Bakit si Rex?” tanong ni Presea. “Hindi ba’t boyfriend mo na siya?”
“What’s the big deal kung sino ang nagyaya kanino?” tanong ni Hevn. “Ang importante, nandito si Miles at hindi dapat nagmumukmok sa isang tabi si Rath.”
Sabay-sabay nilang nilingon ang direksiyong itinuro ni Hevn. Naroon nga sa gilid ng fountain area si Rath at mag-isang umiinom. Ang ibang kalalakihan ay abalang-abala sa pagkukuwentuhan ng kung ano-ano mula sports hanggang sa mga hobbies ng anak ng mga may pamilya na.
“Poor guy,” sambit ni Dunkey. “Ganyan din ang naging drama niya nang mawala sa kanya si Mary Alice.”
“Mary Alice?” tanong niya.
“His girlfriend. I don’t know what happened to them. Pero ang sabi lang sa akin ng aking si Ran, mahal na mahal daw niya ang babaeng iyon. Ewan ko kung bakit sila nag-break.”
“Oh yeah,” sang-ayon ni Faye. “Narinig ko nga ang tungkol kay Mary Alice. Nabanggit ni Rex na ang babaeng iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw nang tumuntong uli ni Rath ng Pilipinas. And every time na naglalasing daw ang kakambal niyang iyon, ibig sabihin ay naaalala niya ang dating girlfriend.”
“Dati,” singit ni Karina. “Ibig sahihin, past na. Kaya huwag na nating pag-usapan iyon. And besides, kung si Miles na ang dinala dito ni Rath, siya na ngayon ang babae sa buhay niya.”
“Rath didn’t invite me here.”
Natahimik ang mga babae sa sinabi niya. Hindi niya alam kung ano na ang reaksiyon ng mga ito dahil hindi naman niya magawang salubungin ang tingin ng mga ito. Kunsabagay, ayaw rin naman niyang makita ang pagkaawa ng mga babae sa kanya.
Bakit ngayon? tanong ni Miles sa sarili. Bakit ngayon kung kailan tinatanggap ko na ang nararamdaman para kay Rath? Kung kailan handa na akong harapin ang lahat ng takot sa kabiguan para lang sa damdamin ko sa kanya?
“Sandali, ha?”
“Dunkey, saan ka pupunta?”
“Itutulak ko lang sa fountain si Rath. Baka kapag napaliguan siya nang wala sa oras, eh, matauhan siya— O, nasaan na iyon?”
Nang tingnan ni Miles ang fountain area ay wala na nga sa dating kinauupuan nito si Rath. Pero bago pa man sila makapagtanong-tanong pa ay nakita na niyang umakyat na sa entablado si Yeoji at tinanggap ang microphone na ibinigay ng singer na siyang performer nila nang gabing iyon.
“Ladies and gentlemen, may I have your attention please. Tonight we are celebrating Dunkey’s eightieth year on this planet.” Umugong ang malakas na tawanan sa grupo ng mga kalalakihan. “Mali ba? Mali ba? Seventy-nine lang ba si Dunkey?”
Nagmartsa papuntang entablado ang celebrant at inagaw kay Yeoji ang microphone na agad din naman nitong ibinigay.
“Thank you, Juanito. Bayaran mo ang lahat ng kakainin mo ngayon, ha? Anyway, gusto kong pasalamatan sina Rex at Rath Lagdameo sa pagpayag nilang dito ko i-celebrate ang aking debut.”
Muling nagtawanan ang mga naroroon. On her part, hindi na niya magawa pang tumawa man lang o mangiti. Mabigat na kasi ang pakiramdam niya. She wasn’t a part of this crowd. And the only person who was the reason why she was here had gone off to somewhere else. Para sariwain pa rin siguro ang alaala nito at ng babaeng mahal nito.
Pinagmasdan ni Miles ang hawak na baso ng inumin. She drank it and took another two glasses of wine from the passing waiter. Inisahang-lagok din niya iyon. Nang maubos iyon ay humingi pa siya ng dalawang baso pa.
“Dapat ay solong celebration ko lang ito,” patuloy ni Dunkey sa stage. “Pero dahil sa kahilingan ng may-ari ng venue natin ngayong gabi, gusto raw niyang magbigay ng kaunting announcement. Rex?”
Umakyat si Rex sa entablado. “Thanks, Dunkey.”
“Huwag ka sa akin magpasalamat kundi sa napakabait at guwapong-guwapo kong asawang si Ran.”
Nakita niyang itinaas lang ni Ran ang kamay nito. The men cheered for him.
“So, anyway, Rex, ano na nga ba ang importanteng announcement mo? Mas mahalaga pa ba iyan kaysa sa birthday ko?”
“Oo.”
“Fine.” Muling humarap si Dunkey sa puwesto nila. “Faye Valentine, lumapit ka muna dito sandali.”
Kinuha ni Miles kay Faye ang hawak nitong kopita at nang masigurong wala nang nakakakita sa kanya ay nilagok na rin niya pati ang laman niyon. Sa stage ay nagkukulitan na ang magkasintahan. Natameme lang si Faye nang lumuhod sa harap nito si Rex.
“I know this isn’t the most romantic way to propose. But I want all my friends to know first that I want to spend my lifetime with you.” He took out a small box inside his pocket and opened it in front of her. Napasinghap na lang si Faye. “I love you, Faye Valentine. Will you marry me?”
Naiiyak na si Faye nang hawakan ang ring box. “Totoo ba ito?”
“It’s a red diamond from Zech’s jewelry store. Kapag peke `yan, nandito lang naman siya sa tabi-tabi. Libreng-libre para upakan ko.”
“Yes.”
“What?”
“Yes, Rex.” Faye threw her arms around him. “I love you, too! I’ll marry you—may red diamond ba talaga—”
Rex grabbed Faye and kissed her. Everybody cheered.
Natutuwa si Miles para sa dalawa. At dahil sa kasiyahang nakikita sa magkasintahan ay para naman siyang naiiyak ngayon. Bakit siya, parang hindi na makakamit pa ang ganoong klase ng kaligayahan sa piling ng lalaking mahal niya? Masama ba siyang tao at tuwing nagmamahal na lang ay laging palpak? Wala naman siyang napatay na tao pero bakit lagi na lang siyang nasasaktan? Bakit lagi na lang hindi puwede ang mga taong napipili niyang mahalin?
Ano ba ang requirements para pagbigyan naman siya ni Kupido?
“All right,” singit ni Dunkey. “Let’s go back to my birthday celebration. Where’s my cake?”
Naalala ni Miles ang dalang cake na siya mismo ang nag-bake kanina sa Dome. Wala siyang dalang regalo para kay Dunkey dahil hindi naman niya alam na birthday party pala nito ang okasyon.
“Saan ka pupunta?” tanong ni Avon.
“I’m just going to get something.”
Pagtayo ay na-outbalance pa siya nang kaunti. Mabuti na lang at naalalayan agad siya ng magpinsang Hevn at Xeena.
“Okay ka lang ba, Miles?”
“Yeah, I’m fine.”
“I think you’re a little drunk.”
“No, I’m fine. Kanina pa kasi ako nakaupo kaya medyo nanibago ako sa pagkakatayo ko.” Napakunot lang ng noo ang mga babae sa harap niya. “Don’t worry about me. Sasabihin ko agad sa inyo kapag lasing na ako, okay? Sige, may kukunin lang ako sa loob.”
Miles could still walk straight, kaya siguro hinayaan na lang siya ng mga ito. Pagpasok sa malawak na sala ng mansiyon ay agad siyang nagpunta sa kusina kung saan niya iniwan ang cake. Wala na roon ang mga katulong na naabutan niya kanina kaya siya na lang ang naghanap. Pero imbes na cake ang nasa mesa, isang bukas na bote ng mamahaling alak ang naroon. Katabi ng bote ay ang baso na may kaunti pang laman.
Dahil sa nararamdaman nang mga sandaling iyon, hindi na inisip ni Miles kung may nagmamay-ari pa nga niyon o wala na. She just wanted to drown herself in liquor to forget everything for a while. At mukhang mapapaaga ang pagkakalasing niya dahil sa tindi ng tama ng alak na iyon sa kanya. Inubo-ubo pa nga siya sa pinaghalong pait at tamis na lasa niyon.
Pait at tamis.
“Sounds family.” Napakunot ang kanyang noo sa sinabi. Tama ba iyon? Parang mali. “Whatever.”
Pero habang patuloy si Miles sa pag-inom ay lalo lang bumabalik sa kanyang alaala ang araw na binigyan siya ni Rath ng piraso ng suha sa chopper. It tasted bittersweet but it was just fine with him. Gaya na lang ng pagtanggap nito sa lasa ng paborito niyang ulam. Kaya tiniis niya ang lasa niyon hanggang sa masanay. No wonder hindi tinigilan ni Rath ang suha na iyon hanggang sa maubos. Dahil once na nasanay na ang tao sa lasa ng isang pagkain, sasarap na iyon.
Nangangalahati na ang laman ng bote nang makarinig si Miles ng ingay na papasok sa kusina. Leaving the bottle and the glass, maingat pero mabilis siyang lumabas ng kusina at nagpunta sa isang napakalaking kuwarto na may naka-display na ilang mga instrumento sa musika. Nakita niya ang grand piano sa kabilang panig ng kuwartong iyon na may stool kung saan siya puwedeng magpahinga sandali.
She still wasn’t drunk. Malakas nga siguro talaga ang tolerance niya sa alak. Kaya hanggang ngayon ay naaalala pa rin niya ang mga bagay na gusto sanang kalimutan kanina pa.
Nangalumbaba si Miles at isa-isang pinindot ang piano keys kahit wala siya sa tono. She wasn’t a sentimental person. Pero mula nang makilala si Rath, lagi na lang siyang parang tanga na napapatunganga sa isang tabi at nag-iisip. Nangangarap.
Ang sabi ng daddy niya, don’t fight the feelings daw. Just let it go. Well, she did. Ang kaso, nasaktan pa rin siya. Pero sige, okay na nga rin. Ang sabi naman ng daddy niya, being hurt was just a part of life. Ngayon, ang kailangan na lang niyang pag-practice-an ay kung paano muling makakabangon sa kabiguang iyon. She was a fighter naman. She always stood up every time she would fall. Kaya siguradong mawawala rin naman pagdating ng panahon ang nararanasan niya ngayon.
Pero… she pushed another key. Ang hirap pa rin. Lalo na at si Rath ang minahal ko.
Biglang naging maganda ang tunog ng piano. Inangat ni Miles ang isang daliring ginagamit sa pagpindot-pindot lang pero patuloy ang magandang piyesang tumutugtog ngayon.
“It’s called ‘Moon River.’”
Rath was sitting beside her. Ito ang tumutugtog ng napakagandang piyesang iyon. He had loosened his tie and rolled the sleeves of his polo to his elbow. Kasingganda ng tugtugin nito ang tanawing nakikita niya ngayon.
“Rath—”
“Sshh. Listen.”
Miles did. Hindi niya alam ang kantang iyon pero sa patuloy na pakikinig, parang puso na niya ang nakaalam niyon. She stayed and listened and watched him play until the last piece. Ilang sandali rin itong nanatiling nakatingin lang sa harap. Hanggang sa unti-unti nang lumingon sa kanya.
“Rex couldn’t play the piano,” sabi nito. “I was the only gifted musician in the family. Sapat na ba iyon para sa akin mo na lang ibaling ang pag-ibig mo sa kanya, Miles?”
Wala siyang nagawa nang mga sandaling iyon kundi ang mapatitig na lang kay Rath.