“A W! AW!” Binitiwan ni Miles ang dulo ng plastic na nakadikit sa kanyang binti. Inayos din niya ang mga nakatapal na hiwa ng pipino sa kanyang mukha. “Miles Ocampo, kung hindi ka nga ba naman isang malaking ewan, napakadali na nga ng buhay mo sa pagshe-shave, sinubukan mo pang mag-hair removing gel?”
Muli niyang sinubukang tanggalin ang plastic na mag-aalis ng cream at leg hairs niya nang sabay. Pero hindi naman niya matiis ang sakit na dulot niyon kaya halos mag-iisang oras na siya sa ganoong sitwasyon. Hindi na nga muna siya pumasok nang umagang iyon at ipinasyang sa hapon na lang magpunta sa kanyang shop. Dahil nga sa disgrasyang sinapit niya sa pagtatanggal ng mga balahibo sa binti.
Naakit lang si Miles sa napanood na reality TV series kung saan nakita niyang parang napakadali lang ng ginagawa ng mga itong pagtatanggal ng balahibo sa binti. Her legs were fine, kaya lang, masyado siyang balbon at lagi noong tinutukso ng mga kuya niya na parang gorilya raw ang kanyang mga binti.
Tumunog ang doorbell. Sinubukan uli ni Miles na tanggalin ang nakadikit sa kanyang binti bago sana sagutin ang nag-iingay sa pinto. Pero mukhang wala ring balak ang napakaaga niyang bisita na tantanan ang pobreng doorbell. Napilitan tuloy siyang pagbuksan na iyon.
“Sino ba ang—” Daig pa niya ang nakaengkuwentro ng multo nang makita ang taong nakatayo na ngayon sa labas ng kanyang pinto. “Rath!”
“Miles, you better be the one I’m seeing right now.”
“Ha? Oh.” Naalala niya ang nakakulapol na mga pipino sa kanyang mukha at mabilis iyong tinanggal. “Ahm, ano nga pala ang ginagawa mo dito? At paano mo nalaman kung saan ako nakatira?”
“Inaalam ko talaga ang lahat ng bagay tungkol sa mga taong may atraso sa akin.”
“What?” Ngayon lang napansin ni Miles na parang hindi maganda ang timpla ni Rath, as usual. “Ano na naman ang kasalanan ko sa `yo?”
Imbes na sumagot ay pumasok na lang ito sa bahay niya. Wala na siyang nagawa kundi ang isara na lang ang pinto at sundan ang lalaki sa sala. He was pacing the floor uneasily. Napakislot na lang siya nang bigla itong lumingon sa kanya.
“You have—” Rath reached for her face and picked up something. May natira pa palang pipino sa kanyang mukha. “You got some explaining to do, lady.”
“Thank you. Explaining?”
“What’s that on your leg?”
“Ha?” Tiningnan din niya ang direksiyon ng mga mata nito. “Hair removing gel.”
“Hair remover,” sambit ni Rath na parang isang kalokohan ang narinig. “Kung gano’n, bakit hindi pa rin iyan natatanggal sa binti mo? And what’s with that plastic thing?”
“It was supposed to help remove the hair and gel at the same time.”
“Then why is it still there?”
“I can’t get it off. Masakit, eh.”
Parang gustong manliit ni Miles sa paraan ng pagkakakunot ng noo ni Rath habang nakamasid sa kanya. Sa hitsura nito, parang ngayon lang ito nakakita ng taong ganoon katanga. Ipinagpasalamat na lang niya na wala na itong sinabi pa. Kung magsasalita pa kasi si Rath, siguradong ikakahiya niya pati kaluluwa niya dahil totoo ang naging obserbasyon nito. Katangahan nga ang kanyang ginagawa.
“Turn around,” wika nito.
“Bakit?”
“Basta tumalikod ka.”
Nililingon-lingon pa niya si Rath nang sumunod siya. Nang masigurong hindi naman siya nito sasaksakin nang patalikod ay nakampante na rin siya. Pero hindi pa nga siya nakakabuwelo nang maramdaman na lang ang parang pagpilas na iyon sa kanyang binti.
“Aray!” hiyaw ni Miles.
Nang balingan niya si Rath ay itinatapon na nito sa basurahan ang plastic na nakadikit sa kanyang binti kanina.
“Tapos na ang problema mo,” sabi nito pagbalik. “Ngayon, puwede bang problema ko naman na ikaw ang may gawa ang asikasuhin natin?”
“Ano ba `yon?” Naupo si Miles sa sofa na hinihimas-himas ang nananakit pa ring binti. “At paano mo nalaman kung saan ako nakatira?”
“Hindi na `yon mahalaga.” He stood right in front of her and looked down at her, literally. “Saan dinala ng kaibigan mo si Rex?”
“Ha?”
“Saan dinala ng kaibigan mo si Rex?”
“Ano ba’ng sinasabi mo diyan? Hindi kita maintindihan. Magpaliwanag ka kaya muna?” And why couldn’t she get her eyes off him? “Maupo ka nga. Nangangalay ang leeg ko sa kakatingala sa `yo.”
“Your friend at the bar,” sabi ni Rath na nanatili lang na nakatayo. “That woman you had a bet with.”
“Si Avon?”
“Oo.”
“Bakit mo siya hinahanap?”
“Dahil dinukot niya si Rex.”
“What?!” Napatayo na rin siya. “Naloloko ka na ba? Huwag ka ngang magsasalita nang ganyan. Hindi iyon magagawa ni Avon.”
“Well, nagawa na niya. Nasa eroplano na dapat ako ngayon pabalik ng US. Pero kinansela ko iyon nang malaman ko sa mga katulong sa bahay kahapon na hindi pa umuuwi si Rex galing sa birthday party ni Ken. Hindi ko na rin makontak ang cell phone niya.”
Mukhang seryoso nga ang pagkawala ng kakambal nito. Sa maiksing sandaling pagkakakilala niya kay Rath, nalaman agad niyang ito ang tipo ng taong mahirap malaman kung ano ang iniisip at nararamdaman. Pero ngayon, kitang-kita niya ang pag-aalala sa guwapo nitong mukha.
“Baka naman… baka naman hindi siya nakarating sa party na sinasabi mo.”
“Ken is his best friend. And I was at that party last night. Nakita ko siya doon.” The emotion in his face suddenly vanished as he looked at her. “Nasaan si Avon?”
“Hindi ko alam. Pero ako na mismo ang magsasabi sa `yong hindi iyon magagawa ni Avon. In fact, kahapon ng madaling-araw, tumawag pa siya sa akin at sinabi niyang kanselado na raw ang deal namin—”
“Rex had been missing since yesterday.”
“Hindi iyon sapat para pagbintangan mo siya nang ganyan.”
“Okay. Why don’t you call your friend so I could ask her myself.”
“Mapapahiya ka lang.”
“Call her.”
Dinampot ni Miles ang cell phone at tinawagan ang number ni Avon. Pero voice prompt lang na nagsasabing unattended ang cell phone nito ang sumasagot sa kanya. Mukhang nalaman agad iyon ni Rath.
“Kung hindi mo sasabihin ang kinaroroonan ng kaibigan mo, ititimbre ko na siya sa militar.”
“You can’t do that!”
“Believe me,” buong diin nitong sagot. “I can.”
Nang hugutin ni Rath ang sariling cell phone ay naalarma na siya. “Teka, sandali! Pag-usapan na muna natin ito.”
“I don’t have time to talk.”
“Okay. Fine. Makinig ka na lang muna sa akin sandali. Look, Rath, hindi ko talaga alam kung nasaan si Avon ngayon. Kung gusto mo, hanapin natin siya—”
“Good.” Hinila na siya nito sa braso. “Let’s go.”
“WHERE should we go next?”
Sinimangutan lang ni Miles si Rath na nasa manibela na ngayon. Bukod kasi sa hindi na muna siya nito hinayaang makapagpalit ng damit, hindi pa siya pinatapos sa pagshe-shave ng binti. Napuntahan na nila ang headquarters kung saan nakadestino si Avon pati na rin ang apartment na inuupahan nito. Parehong wala roon ang kaibigan kaya lalong naging nakakailang ang pagiging tahimik ni Rath.
“Sandali nga. Hindi ba’t parang may special bond or something ang mga magkakambal? Nararamdaman nila kapag may sakit o nasa panganib ang isa’t isa. Ikaw ba, eh, may nararamdamang kakaiba na nasa panganib nga si Rex ngayon?”
“Just tell me where we should go next, Miles.”
Nakakainis na kasi ang pagiging bossy ni Rath. Samantalang hindi pa naman talaga nila kumpirmadong may kinalaman nga si Avon sa pagkawala ng kakambal nito.
“Let’s make a deal,” sabi niya.
“May I remind you na ilang buhay na ang nagulo dahil sa pakikipag-deal mong iyan.”
She counted to ten. Saka siya huminga nang malalim. Easy ka lang, Miles. Huwag mong hayaang mapikon ka ng isang iyan.
“Inistorbo mo ako nang husto, Rath. At gusto kong may makuha naman ako bilang kabayaran sa naging perwisyo mong ito sa akin.”
“This is yours and your friend’s fault.”
“Hindi ka pa sigurado diyan kaya huwag ka munang magbibintang. Baka gusto mong kasuhan kita ng oral defamation? But I won’t do that. May iba pa akong mas kapaki-pakinabang na puwedeng makuha sa `yo.”
“And what is that?”
“Kapag napatunayan kong mali ka, tutulungan mo akong mapalapit nang husto kay Rex.”
“At kapag tama ako, ipapakulong kita.”
“Deal.” She was so sure of her impending win. “Sa Tarlac.” Sinulyapan siya nito. “Tinatanong mo ako kung saan natin susunod na hahanapin si Avon, hindi ba? Sa Tarlac. Doon nakatira ang pamilya niya.”
“Exact location, please.”
Ibinigay ni Miles ang eksaktong address ng baryo kung saan sabay silang lumaki ni Avon. Bahala itong patakbuhin ang sasakyang iyon hanggang sa pinakaliblib na baryo ng Tarlac.
“Saan iyon?”
“Eh, di sa Tarlac.”
“I mean, saan tayo dapat dumaan? I’ve been out of the country for far too long so I don’t know most of the places here.”
“Magtanong na lang tayo sa mga taong madadaanan natin.”
Rath stepped on the brakes and gave out a frustrated sigh before turning to her. “Hindi totoo ang address na ibinigay mo.”
“Totoo `yon. Sixteen years akong nanirahan sa lugar na iyon. Imposibleng hindi ko iyon matandaan, `no?”
Napapailing na lang na binuhay ni Rath ang makina ng sasakyan. Pagkatapos ay inihagis sa kanya ang cell phone nito.
“Contact my brother from time to time.”
Ininspeksiyon niya iyon. “Ito ba ang latest cell phone sa Amerika?”
“Latest model ng kompanya lang namin.”
“Oo, nasabi nga pala noon ni Rex na nagma-manufacture ng cell phone ang kompanyang hawak mo sa Amerika.” Nagkibit lang ito ng mga balikat. “Pareho kayo ng cell phone ni Rex.” Inamoy niya ang telepono. “Mas mabango nga lang ang sa kanya.”
“Mas mabango?”
Bilang sagot ay inilabas ni Miles ang cell phone. “Ibinigay ito sa akin ni Rex nang masira ang cell phone ko.”
“Kaya pala meron ka rin niyan. Kami lang ni Rex ang may ganyang model ng cell phone dito sa Pilipinas.”
“Napansin ko nga na walang ganitong cell phone na lumabas dito.”
“Sa Europe at Amerika lang namin inilabas ang modelong iyan. It’s too expensive for the Filipino consumers.”
“Minamaliit mo yata ang kakayahan ng mga Pinoy pagdating sa cell phone. Nakalimutan mo na bang may mga bilyonaryo na ngayon sa Pilipinas?”
“I just don’t want the people here to spend thousands of pesos for just a piece of gadget. Na kapag nasira ay libo na naman ang gagastusin sa pagpapaayos. It’ll be just a waste of money.”
“Ibang klase ka rin, ano?” nangingiti niyang baling kay Rath. “Iniisip mong pagsasayang lang ng pera ang pagbili ng mga produkto ng kompanya mo.”
“I’m earning more than enough sa mga bansang barya lang ang para sa mga kababayan ko ay libo-libo na.”
Well, will you look at that. Akala ni Miles ay isa lang itong tuod na naglalakad. Pero sa mga narinig ngayon, nalaman niyang may itinatago rin pala itong puso at kaluluwa. He actually cared for his countrymen.
“Bakit mo ako tinitingnan nang ganyan?” tanong ni Rath na nakatutok pa rin sa dinaraanan nila ang mga mata.
“Wala naman. Tinitingnan ko lang kung ano pa ang pagkakaiba n’yo ni Rex.”
Now that Miles thought about it, wala naman talaga siyang makitang ipinagkaiba ng dalawa. Kaya nga lagi itong hinahabol ng mga babaeng fans ni Rex. Except that Rath rarely smiled. Pero bakit siya, ni minsan ay hindi pa nagkamali sa kung sino sina Rex at Rath sa dalawa?
“It’s the nose.”
“What?”
“Rex got dad’s nose. I got mom’s.”
“Ow?” Inilapit pa niya ang mukha kay Rath para makita nang husto ang tinutukoy nito.
Ang kaso, kahit ano ang gawing pagtitig, hindi naman niya maalala ang hitsura ng ilong ni Rex. But Rath’s nose was cute. Parang kay sarap haplusin niyon sa pamamagitan ng hintuturo. At parang kay sarap ding idantay ang braso niya sa malapad nitong balikat habang sinasamyo ang nakakaengganyong amoy nito.
“Tapos ka na ba sa inspeksiyon mo?” mayamaya ay tanong nito. “Kung gano’n, umayos ka na sa kinauupuan mo. Hindi ako makapag-concentrate sa pagmamaneho kapag may nanonood sa akin.”
“Hindi naman kita pinapanood, ano?” Pero bumalik na rin siya sa kinauupuan. “Hindi kita pinapanood.”
“Ako ba ang kinukumbinsi mo o ang sarili mo?”
Bigla na lang parang may kung anong kabang pumasok sa dibdib ni Miles dahil sa tanong nito. At isa lang ang naging reaksiyon niya, ang maging defensive.
“Bakit ko naman kukumbinsihin ang sarili ko? Ano ako? Abnoy? Mag-drive ka na nga lang diyan.”
“I am driving.”
“Ah, basta. Mag-drive ka lang at hindi iyang kung ano-ano ang iniisip mo.”
Hindi na sumagot pa si Rath. At parang gusto niyang bawiin ang mga sinabi. Dahil sa pagtahimik nito ay ang isip naman niya ang parang pinapasukan ng kung ano-anong ideya.
Bakit nito sinabing kinukumbinsi niya ang sarili na hindi niya ito pinapanood kanina? Of course, she wasn’t watching him. Tinitingnan lang naman niya ang mga pagkakaiba nito kay Rex. Iyon lang at wala nang iba pa. Isang beses pa niyang lihim na sinulyapan ang lalaki.
Well, Rath’s shoulders really looked comfy. And he had an almost perfect profile, with his cute pointed nose and perfect lips. And arms. And hands.
“You’re not wearing your seat belt.”
“Huh?”
Inihinto ni Rath ang kotse sa gilid ng highway na tinatahak nila ngayon at inabot ang seat belt niya. Sa pagkabigla sa ginawa ng lalaki ay napataas na lang ang mga kamay ni Miles bilang defensive reflex. Ibinaba lang nito ang mga kamay niya.
“There’s no need for violence, Miles.” Ikinabit na ni Rath ang seat belt niya bago bumalik sa harap ng manibela at muling tahimik na nagmaneho.
Samantalang siya ay parang nahihirapan nang ibalik sa normal ang paghinga. Bukod kasi sa hinahabol ng pang-amoy niya ang bango ni Rath, tumatanggi na ring maging normal ang tibok ng kanyang pusong bigla na lang nagwala kanina.
Nilingon ni Miles ang lalaki. Wala man lang ba itong nahalata sa naging reaksiyon niya? O wala man lang ba itong sasabihin na lihim nitong ginawa kaya ganoon na lang ang pagtibok ng puso niya ngayon? Mukha bale-wala lang naman kay Rath ang kinahinatnan ng kanyang damdamin nang mga sandaling iyon kaya naisip niyang nagulat lang siguro talaga siya.
Relax, Miles, utos niya sa sarili. Si Rath lang `yan.
With that thought, unti-unti niyang naibalik sa normal ang pakiramdam. Siguro dapat na niyang bawasan ang pangungupit ng kape sa kanyang shop.