noveltoon logo noveltoon
Rath Lagdameo (The Billionaire Boys Club 12)

Chapter 3

Ch. 3 / 10 Nov 28, 2025

“H AY NAKU.” Napailing na lang si Miles habang pinagmamasdan ang kaibigan at kababatang si Avon. “Ikaw naman kasi, bakit mo nga naman sinagot-sagot ang superior mo? Natural nga na isuspinde ka nila. Ano ba ang tawag ninyo sa ganoong attitude sa trabaho ninyo?”

“Insubordination.”

“`Yon. Gano’n na nga.”

Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa mga sinabi ng kaibigan. First Lt. Avon Ramirez was suspended from the service. Samantalang alam niya kung gaano kagaling ang kakayahan nito sa propesyong pinili at kung gaano ang dedikasyon nito sa trabaho. Sa pagkakaalam din ni Miles, si Avon na ang pinakamatino at pinakamagaling na pulis na nakilala niya. Kaya sa kabila ng napakaraming isyu laban sa mga kapulisan ng bansa, may tiwala pa rin siya sa kakayahan ng mga alagad ng batas dahil sa kaibigan.

Hindi na tuloy siya nagtataka ngayon kung nagmumukmok man ito roon.

“I need a temporary job that will keep me on the go, Miles. Ayoko ng walang ginagawa.” Napatingin ito sa nakabukas na telebisyon. “Puwede bang hinaan iyang TV ninyo? Wala namang kuwenta ang palabas.”

Nilingon ni Miles ang telebisyon at muntik na niyang batukan ang kaibigan. Kasalukuyan kasing ibinabalita ang tungkol sa pagkaka-grand-slam winner ng nagdaang gabi ng Fil-Jap actor na si Kenshin Arboleda sa Metro Manila Film Festival. Pero hindi ang aktor ang nakapagpabuhay ng kanyang dugo kundi ang lalaking kasama nito sa picture na naka-flash ngayon sa television screen.

“Oh, my gosh!” impit na tili ni Miles, sabay turo sa telebisyon. “That’s him! Ang aking lovey dubby !” She was pointing at Rex who was Ken’s best friend. Pinagpuyatan talaga niya nang husto kagabi ang panonood ng awards night ng MMFF sa pagbabaka-sakaling masulyapan man lang si Rex. Ilang linggo na rin kasi itong hindi naliligaw sa Dome at sa sobrang pagka-miss niya sa lalaki, pati ang mga tsismis sa mga tabloids ay pinapatulan na. Basta magkaroon lang siya ng balita tungkol dito. Nakalimutan naman niyang itanong sa kakambal nitong si Rath ang cell phone number ni Rex nang magpunta ito sa Dome noong nakaraang linggo.

“Miss, personal mo bang kilala si Kenshin Arboleda?” tanong ng isang babaeng lumapit sa kanila.

The woman was pretty in a sporty kind of way. Kanina pa niya ito nakikitang pinagmamasdan ang magazine ng Philippine Stats sa isang sulok ng Dome. Mukhang narinig nito ang usapan nila ng kaibigan tungkol sa dalawang miyembro ng pamosong Billionaire Boys Club kaya siguro lumapit na.

“Hindi ko alam, eh. Pasulpot-sulpot lang naman din kasi sila dito. Bakit, gusto mo ring makakuha ng autograph nila?”

“Ano ba ang meron ang mga lalaking iyan at pinagkakaguluhan ninyo?” tanong ni Avon.

“Hay naku, hija, iyan ang nangyayari sa mga nabuburo sa trabaho,” sabi niya sa kaibigan. “Nahuhuli sa balita. The Billionaire Boys Club is the hottest issue today!”

“Bakit?”

“Because they’re rich, they’re famous, and they’re totally hot!”

“`Yon lang?”

“Avon, mabuti na lang at naging pulis ka. Kung hindi, magmumukha ka na talagang tanga.” Muli niyang binalingan ang babae. “Crush mo rin si Ken?”

“Not really.”

“Kung gusto mo siyang makita nang personal, puwede mong puntahan si Ken sa office niya. Accommodating naman iyon pagdating sa mga fans niya. Pero tiyempuhan nga lang iyon.”

“Alam mo ba kung saan ang office niya?”

“Nakasulat sa article tungkol kay Ken ang fan mailing address niya.”

“You don’t look dumb,” singit na naman ni Avon na ang tinutukoy ay ang babaeng kausap niya. “Huwag kang makigaya sa kanila.”

Pambihira talaga itong kaibigan niya. Maganda nga sana si Avon kaya lang masyado nang nababad sa mundo ng mga brusko at maaangas na lalaki kaya siguro nawalan na rin ito ng amor sa mga lalaking tulad ng billionaire boys. Sa tingin din niya, si Avon ang nag-iisang dalaga sa Pilipinas na hindi tinatablan ng karisma ng mga lalaking iyon.

“Avon, huwag mo siyang igaya sa kawalan mo ng interes sa mga guwapong likha ng Diyos.” Saka niya muling binalingan ang babae. “Hey, good luck kung balak mo ngang tiyempuhan si Ken sa office niya. Kung may oras lang din ako, baka sumabay na ako sa `yo. Gusto ko rin kasing makita si Rex. Eh, lagi naman silang magkasama ni Ken. By the way, ano nga pala ang pangalan mo?”

“Faye Valentine Salcedo.”

Tinanggap ni Miles ang nakalahad nitong kamay. “My name’s Miles.” Itinuro pa niya ang nameplate. “At ito ang high school friend kong bato, si First Lt. Avon Ramirez. Puwede mo siyang loko-lokohin ngayon kasi suspended iyan sa serbisyo. Ang tigas kasi ng ulo. Anyway, balitaan mo kami kung ano ang nangyari para naman makakuha kami ng tips sa kung paano mako-corner ang isang billionaire boy.”

“I’m not interested,” walang ganang sabi ni Avon, saka muling sinulyapan ang magazine. “Kidnap-in ko na lang kaya ang isa sa ipinagmamalaki ninyong billionaire boys?”

“Hoy! Huwag mong isama sa kabaliwan mo ang billonaire boys namin.” Hinila ni Miles pabalik ang magazine na nakasanayan na niyang tingnan tuwing nababagot siya sa trabaho. “Ipapapulis kita.”

“Pulis ako.”

“Suspended ka po. At kapag ginawa mo ang kalokohan mong iyan, siguradong hindi ka na makakabalik sa serbisyo kahit kailan. Mabuburo ka na nang tuluyan sa boring na buhay sibilyan.”

“Eh… mauuna na ako sa inyong dalawa,” paalam ni Faye. “May importante pa kasi akong pupuntahan.”

“Sige, ingat.”

Tinanguan lang ni Avon si Faye bilang pamamaalam bago muling binalingan ang magazine. “Walang makakaalam dahil ako ang pinakamagaling na pulis sa bansang ito,” patuloy nito.

“Ewan ko sa `yo.” Buong ingat niyang inilayo ang magazine at baka kung ano pa ang gawin nito sa most prized possession niya. “Anyway, kahit naman ituloy mo ang plano mo, hindi mo pa rin makakayang dukutin ang kahit isa sa mga `yan. Billionaire boys kaya sila.”

“Pustahan tayo?” hamon ni Avon. Halatang ayaw na ayaw nitong kinukuwestiyon ang kakayahan sa kahit na anong bagay. But she didn’t take her friend seriously. Kaya sinakyan na lang niya ang sinasabi nito.

“Yabang mo.” Binuksan ni Miles ang magazine sa harap at itinuro ang nakangiting picture ni Rex. “Pero, sige nga. Subukan natin ang kayabangan mo. Kidnap-in mo itong si Rex my love ko sa loob ng isang araw. Kapag hindi mo nagawa iyon, mag-sorry ka sa mga superiors mo para bumaba na ang araw ng suspension mo.”

“Hindi ako magso-sorry sa isang bagay na alam kong tama. But our deal is on. Kapag nagtagumpay akong kidnap-in sa loob ng isang araw ang Rey mo—”

“Rex.”

“Whatever. Kapag natagumpay nga ako, ie-endorse mo ako sa uncle mo na pabalikin sa serbisyo nang walang ano mang kondisyon.”

May tiyuhin siya sa AFP na may mataas na ranggo. At ang marinig si Avon na nagre-resort sa ‘palakasan system’ na pinakaayaw nito, mas nasiguro niyang hindi nga ito seryoso.

“Deal.” Inilahad ni Miles ang kamay at tinanggap naman nito iyon. “CR lang ako.”

Tatawa-tawa na lang siya nang magpunta sa CR ng mga babae. Hay naku, si Avon talaga. Hindi niya alam kung babatukan ito o pupurihin sa sobrang dedikasyon sa trabaho. Pati tuloy ang katinuan ay tila naapektuhan sa naging suspension nito.

Papasok na si Miles sa isa sa mga cubicle nang mapansin ang taong kasunod niya. Na hindi babae.

“What the—” Tinanggal nito ang suot na bullcap. “Rath?!”

Mukhang ito man ay nagulat nang sambitin niya ang pangalan nito. Hindi niya alam kung paanong nalaman agad na ito nga si Rath. Basta iyon lang ang pumasok sa isip niya nang makita ang lalaki.

“A-ano’ng ginagawa mo dito? CR ito ng mga babae—”

“I know. We need to talk.”

“Talk about what?” Sobra ang kaba sa dibdib ni Miles nang mga sandaling iyon. But she knew it was just because of the unexpected appearance of the guy she thought would never come back into her life. Oo, iyon nga lang ang dahilan ng kabang iyon sa kanyang dibdib.

Kailangan niyang kumalma. Kung hindi, mahihirapan siyang makipag-deal dito. Pero ayaw luminaw ng isip niya. Problema ito.

“Mag-usap na lang tayo sa labas, Rath. Hindi puwede dito.”

He locked the door. “We will talk now. Narinig ko ang naging usapan ninyo ng kaibigan mo sa labas kanina.”

“Nasa labas ka kanina pa?” Paano ito nakalusot sa mga mata ng ibang babaeng customers nila at mga crew ng Dome?

“Oo. And I don’t like what I heard.”

“Alin doon ang—”

“Narinig ko ang plano ninyo ng kausap mo. Ngayon pa lang, binabalaan na kita, Miles. Don’t try anything stupid against my brother.”

“What?”

“The bet you had with your friend. Tungkol sa gagawin niyang pag-kidnap kay Rex.”

Doon lang luminaw sa isip ni Miles ang sinasabi ni Rath. Ang problema, hindi pa rin mapakali ang puso niya sa hindi malamang kadahilanan. Bakit parang mas guwapo yata siya ngayon kaysa noong huli kaming nagkita? Nagpa-plastic surgery kaya siya?

Ipinilig niya ang ulo. Kailangan niyang mag-focus kung hindi, siguradong mapapahamak sila ni Avon.

“Look, that bet was nothing.” Tumangkad din siya, ah. Ano kaya ang mga pinaggagagawa niya sa loob ng isang linggong pagkawala niya? “Katuwaan lang namin iyon ng kaibigan ko.”

“I don’t think it’s funny.”

“At wala ka namang dapat na ipag-alala. Sinakyan ko lang ang mga sinabi ni Avon. She was upset with her suspension and she needed some lightening up. Kung si Rex man ang naging sentro ng usapan namin, coincidence lang iyon. Avon was not that stupid to jeopardize her career as a police officer just because she was bored. Ang mga pinag-usapan namin, hanggang usapan lang iyon. Kailangan lang niya ng may magpapaalala sa ego at pride niya ngayong sa unang pagkakataon ay nabigyan siya ng suspension. Mataas ang tingin niya sa sarili kaya nahihirapan siyang tanggapin ang nangyari sa kanya ngayon. Pero gaya nga ng sinabi ko, hindi siya estupida.”

He still didn’t look convinced.

“Look, we both know how much I like Rex. Sa tingin mo ba hahayaan kong may mangyari sa kanya? Siyempre hindi.” Lalo lang nagsalubong ang mga kilay ni Rath. “What did I say?”

Hindi naman ito sumagot. Patuloy lang na nakamasid sa kanya kaya nag-uumpisa na naman siyang mailang. Walang tiwala sa kanya ang hudyo!

“You don’t have any choice but to take my word for it, Rath. Ako ang gagarantiya na hinding-hindi itutuloy ni Avon ang pag-kidnap kay Rex.”

“Paano ka nakakasiguro?”

“Because I know my friend. Okay, fine. Para matahimik ka, ikaw na ang kumausap sa kanya. Siya ang pagalitan mo at hindi ako.”

Saglit na parang nag-isip si Rath bago muling kumilos. Bumaling ito sa pinto pero pagbukas na pagbukas nito ay tamang-tama namang may tatlong babaeng papasok. Natigilan ang mga ito at natulala nang makita ang lalaki.

“Excuse me.”

Hindi na dapat nagsalita pa si Rath. Nang marinig kasi ng mga babae ang boses nito ay parang natauhan bigla ang mga ito. They all clung to his arms, screaming.

“Rex!”

“I love you, Rex!”

“Rex, marry me!”

Katatapos lang ng tensiyonadong pag-uusap nila. Pero hindi napigilan ni Miles na matawa nang makita ang eksenang iyon. Kulang na lang kasi ay bugahan ni Rath ng apoy ang mga babaeng pilit nitong tinatanggal ang pagkakaangkla sa mga braso nito. Masama na ang timpla ni Rath nang lingunin siya. Nagkibit lang siya ng mga balikat, silently telling him she couldn’t do anything about those women.

“I’m not Rex,” buong pagdidiin nitong wika.

The women stopped and stared at him.

Tinulungan na rin ni Miles na makawala si Rath nang tuluyan sa mga iyon para mabawasan kahit paano ang pagkabugnot nito. “Hindi nga siya si Rex,” sabi niya. “That’s Rath, his twin.”

Wala nang umimik sa mga babae pero wala rin naman ang umaalis sa tabi ng binata. Mukhang sa kabila ng mga nalaman ay wala pa ring balak ang mga itong isuko ang rare opportunity na iyon na makadaupang-palad ang pinakamailap na miyembro ng Billionaire Boys Club.

Sa pagpupumilit ni Rath na makawala ay nagtagumpay rin ito. Kulang na lang ay lumipad ito palayo sa mga babaeng iyon.

“Rath!” mahinang sambit ng mga ito.

“I love you, Rath!”

“Rath, marry me too!”

Natatawa na lang si Miles na napapakunot ang noo. Ibang klase rin ang mga tagahanga ni Rex. Nakita lang ang kakambal nito, kinalimutan na ang unang lalaking nagustuhan.

Nawala na ang tawag ng kalikasan sa kanya kaya ipinasya niyang sundan na lang si Rath. Tamang-tama namang naabutan niya itong papalabas na ng Dome. Nakatakip nang husto ang visor ng bullcap nito sa mukha at nakayuko habang naglalakad para mas maitago ang mukha.

Poor guy.

Mabilis niya itong sinundan. “Akala ko ba gusto mong kausapin pa ang kaibigan ko?”

“Nakaalis na siya.”

“Ha?”

“I guess I’ll just have to take your word for it.” Hinarap siya nito. “Kapag may nangyaring kahit ano kay Rex, ikaw ang mananagot sa akin, Miles.”

“Fine!” inis niyang sagot, saka ito tinalikuran.

Nakakaasar ang kumag na iyon! Walang katiwa-tiwala sa kanya. Ang mukha niyang iyon, gagawa ng hindi maganda? Mapapahiya si Rath nang husto kapag nagpakita uli ito at wala namang nangyari kay Rex.

KINAPA ni Miles ang nag-iingay na cell phone. Ang sarap-sarap na ng tulog niya, nang-iistorbo pa. Dapat talaga ay pinapatay ang lintik na cell phone sa gabi.

“Hel—”

“Our deal is off.”

“What?” Napilitan siyang magmulat ng mga mata at tiningnan kung sino ang tumawag. “Avon, alam mo ba kung anong oras pa lang? Ala-una ng madaling-araw. Ang aga mo naman akong pagtripan.”

“Remember our deal about the billionaire boys? Hindi ko na iyon itutuloy.”

“I didn’t even expect you to push for it.” Muli niyang ipinikit ang mga mata. “I know perfectly well you’re not that dumb. Ngayon, puwede bang hayaan mo na akong matulog uli? Kami pa naman ni Rex ang bida sa panaginip kong inistorbo mo.”

Hindi na hinayaan ni Miles na makasagot pa ang kaibigan. Deretso na lang niyang pinatay ang telepono at ipinagpatuloy ang mahimbing na pagtulog. Pero ang inaasahan niyang eksena na kasama si Rex ay hindi na natuloy pa. The guy in her dreams had Rex’s handsome face but with a serious countenance.

“Rath…”