noveltoon logo noveltoon
Rath Lagdameo (The Billionaire Boys Club 12)

Chapter 2

Ch. 2 / 10 Nov 28, 2025

“W HERE are you going?”

Nilingon ni Rath ang kapatid. “Out.”

“What’s with the bullcap and eyeglasses?”

Isinuot niya ang bullcap. “None of your business.”

“Let me guess. Ayaw mo na namang mapagkamalang ako,” sabi ni Rex.

“May future ka sa panghuhula.” He adjusted his cap and headed for the door. “See ya .”

“And you think a cap and an eyeglasses would do the trick?”

“Yes.” He put on the eyeglasses and slammed into a wall. “Somehow.”

Narinig ni Rath na malakas na tumawa ang kakambal. Hinubad niya ang suot na salamin, saka hinimas ang nasaktang noo.

“Get rid of the eyeglasses, Rath. Saan mo ba nakuha `yan?”

“Binili ko sa hardinero mo.”

“Three hundred ang grado ng mga mata ni Mang Ando.”

Tiningnan ni Rath ang salamin. Kaya pala nang suotin iyon ay parang nag-triple ang laki ng mga bagay sa harap niya. “Wala na akong oras para bumili ng salamin.”

“I didn’t know you need one.”

“I didn’t. Kailangan ko lang ng props.”

“We’re twins, Rath,” natatawang wika nito. “My fans would still recognize you kahit anong pagtatago pa ang gawin mo.”

“Shut up, Rex.”

“Kailan mo ba matatanggap `yon? No matter how much you hated the idea, magkamukha talaga tayo. Unless magpa-plastic surgery ka.”

Imbes na pansinin pa si Rex ay nagpunta na lang si Rath sa garahe. Isa lang ang sasakyang naroon pero alam niyang kung gugustuhin lang ni Rex, puwede nitong punuin ng iba’t ibang mamahaling sasakyan ang garaheng iyon. Tipid lang ang kakambal sa mga kotse dahil may masamang habit ito na laging naliligaw. And this particular car of his twin had a special gadget attached to it so he would know where he was and where he would go.

“That’s my car,” sabi nito.

“I know.”

“You can’t use it.”

“Says who?”

“The owner.” Rex pointed a finger to himself. “In short, ako.”

“Kung gano’n, pahiram lang sandali.”

“No. Ilang beses ko na kasing sinabi sa `yo na bumili ka na ng sarili mong sasakyan at nang may magamit ka kapag umuuwi ka dito sa Pilipinas.”

“I’m hardly even here so what’s the use?”

“Eh, di dumito ka na.”

“At ano’ng gusto mong gawin ko? Hukayin ang gusali ng MicroSphere sa Silicon Valley at ipadala dito via air mail?”

“Ha-ha. Nakakatawa ka, Rath. Corny mo.” Napabuntong-hininga na lang ito. “Alam kong lalabas ka lang para uminom. Bakit hindi ka na lang dito sa bahay maglasing?”

“Dahil nandito ka. At ayokong kapag nalasing ako, ikaw ang makikita ko.”

“Naalala mo na naman si Mary Alice?”

Imbes na sumagot ay isinuot na lang ni Rath ang salamin at umikot sa kabilang panig ng kotse. Sumabit ang laylayan ng suot niyang polo shirt sa side mirror niyon.

“Fine,” sabi na lang nito. “Use my car. Pero idispatsa mo na `yang salamin mo. At ayokong may makikitang gasgas sa—”

“Yeah, yeah.” He got in the car. Hinubad na rin niya ang salamin. Wala rin naman siyang balak na maaksidente nang dahil lang sa katangahan. Props lang talaga niya iyon.

“Rath—”

“I’m older than you, Rex. Kaya alam ko ang ginagawa ko.”

“Limang minuto lang ang tanda mo sa akin.”

“Which makes me more intelligent.”

“Oh yeah? Well, mas guwapo naman ako sa `yo.”

“Whatever.”

TAHIMIK na tahimik ang kitchen area ng Dome Café kung saan mag-isang nanginginain ng hapunan si Miles. Magsasara na ang shop kaya ang karamihan sa mga tauhan niya ay naroon na sa labas at tumutulong sa pag-aasikaso sa mga natitira pa nilang customer. Ngayon lang siya nakakain dahil masyadong naging abala kanina.

Napangiti siya nang maalala ang kinita ng shop kahapon. Hindi na siya magtataka kung hindi man nalalayo ang income nila ngayon. Tinupad ni Rex ang pangako noon na ire-recommend nito ang Dome sa mga kaibigan at kakilala nito. Hindi lang niya akalain na ang tinutukoy pala ni Rex na mga kaibigan at kakilala ay mga kapwa miyembro ng Billionaire Boys Club.

To make it short, doon na nagsimula ang pagdagsa ng mga customers nila. Walang nagrereklamo sa mga crew ni Miles sa pagdami ng kanilang trabaho. In fact, parang mas naging masigla pa nga ang mga empleyado. Kunsabagay, ikaw ba naman ang magkaroon ng close-up encounter sa mga paborito mong billionaire boys, siguradong kalilimutan mo na rin ang kumain. Those boys didn’t come regularly but it was enough that they came once in a while.

Kumbaga, mukha pa lang ng mga ito, busog ka na.

Isinawsaw ni Miles sa ketchup ang kinakaing karne at masayang ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi na nga niya pinansin ang ingay na nagmumula sa labas dahil kapiling niya ngayon ang paboritong ulam. Nang may bigla na lang pumasok doon. Pareho silang natigilan nang makita ang isa’t isa. Nalunok niya bigla ang nginangatang karne dahilan para mabulunan siya. Naglakad ang lalaki palapit sa kanya para tulungan siguro siya. Pero sa pagkilos nito ay nabangga nito ang mga bagong linis na mga gamit sa kusina at gumawa iyon ng malakas na ingay nang magbagsakan sa tiled floor.

Tinanggal ng lalaki ang salamin sa mata at nagsalin ng tubig para sa kanya. Nang mahimasmasan siya ay saka lang niya ito muling binalingan.

“I’m not Rex,” wika nito.

“Alam ko.” She looked at him more intently. “Rath, right?”

Hindi ito sumagot. Pero hindi naman na talaga nito kailangang sumagot pa. Just by looking at him, siguradong tama siya.

“Paano mo nalaman?”

“Na hindi ikaw si Rex? Simple. Rex would never hide his face nor would look at me like he doesn’t know me.” Isa pa, laging excited si Miles tuwing makikita ang kakambal nito. Samantalang ang lalaking ito na nasa harap niya ngayon, at ease agad ang kanyang pakiramdam. Nakita niya ang ibang babaeng crew na sumisilip-silip sa kanila. “At hindi rin nagtatago sa mga babae si Rex.”

“You seem to know him well.”

She took that as a compliment. “Ano nga pala ang ginagawa mo dito?”

“Just like you said. Nagtatago.”

“Weird ka rin, ano? `Yong ibang mga lalaki, gustong-gustong hinahabol sila ng mga babae. Ikaw, pinagtataguan mo pa sila.”

“They’re running after Rex. Not me.”

“Oh.”

Natumbok agad ni Miles na parang ayaw ni Rath na napagkakamalang kakambal nito. Pero imposible naman iyon. Kahit saang anggulo kasi tingnan, magkamukhang-magkamukha ang dalawa.

“Ahm… pakiligpit ang mga nagkalat na kitchenwares.”

“I don’t work here.”

“Bakit, kasalanan mo naman kung bakit nahulog ang mga `yan, ah. Kaya ikaw ang magligpit niyan.”

Dahil sa estado ni Rath sa buhay at lipunan, inaasahan na ni Miles na tatanggi ito at lalabas na lang doon nang walang sinasabi. Pero naghahanda pa lang siya ng mga isesermon nang isa-isa nitong damputin ang nagkalat na mga kaldero at kaserola. Nakalimutan na niya ang kinakain dahil talagang bago sa kanya ang makakita ng lalaking tulad nitong dumadampot ng kung ano-ano sa sahig. Sa tantiya pa naman ni Miles, Rath was not the type of person who would bow to anyone or anything. Pero heto ngayon ang lalaki at tahimik na sumunod lang sa inutos niya.

“Kung ako sa `yo, hindi ko na isusuot ang salamin na `yan.” Itinuro pa niya ang hawak nitong salamin sa mata. “Kung talagang hindi naman sa `yo `yan, baka madisgrasya ka lang uli.”

“Ayokong mapagkamalang si Rex.”

“Eh, di sabihin mo sa kanilang hindi ka si Rex. Lahat naman ng nakakakilala sa kanya, alam na may kakambal siya. So kung sasabihin mong hindi ikaw ang kakambal mo, lalayuan ka naman ng mga iyon.” Tumusok uli si Miles ng karne at isinawsaw iyon sa ketchup. “Puwera na lang kung type ka rin nila. Na hindi naman nakakapagtaka since guwapo ka rin.”

Nilingon niya si Rath habang ninanamnam ang pagkain. Hindi man lang ba ito magpapasalamat dahil sa sinabi niyang guwapo ito? Walang utang-na-loob. Sayang, guwapo pa naman sana talaga si Rath.

Patuloy na pinagmasdan ni Miles ang lalaki, tutal hindi naman ito nagrereklamo. Isa pa, mukhang sinusuri din siya nito kaya magsurian na lang sila.

“Kain ka,” yaya niya.

Tiningnan ni Rath ang pagkain niya. Usually, kapag may ibang taong nakakakita sa isa sa pinakakakaibang trip niya sa pagkain ay nandidiring umaalis ang mga ito. Kaya nga tuwing ii-indulge ni Miles ang sarili sa paboritong ulam ay nagtatago siya para walang magkondena sa kanya. But with this guy, sinorpresa na naman siya nang lumapit ito at tinikman ang pinakamamahal niyang pagkain. And he looked like he really knew a lot of things about food because after munching, he slowly nodded his head.

“You like it?”

“It’s unconventional but it’s tasty.”

Daig pa ni Miles ang nakatagpo ng soul mate nang mga sandaling iyon. Not even her family could appreciate her unusual taste in food. Kaya ganoon na lang ang tuwa niya sa sinabi ni Rath. Finally, someone who understood her. Ikinuha niya ito ng sariling pinggan at siya na mismo ang nagsalin ng kanin para dito.

“No, you don’t have to do that. I’m not gonna stay long.”

“Ha?” Excited ka kasi masyado. “Gano’n ba? Sige, kung aalis ka at gusto mong makaiwas pa sa mga fans ng kakambal mo, puwede kang dumaan sa back door—”

“Where’s your chair?”

“What?”

“I mean the other chair.” Kinuha nito ang pinggan sa kanya. “Nagugutom na rin ako. Do you serve wine here?”

“Kakain ka dito?”

“Hindi ba’t niyayaya mo ako?”

“Oo. Pero akala ko…” He was staying because he didn’t want to disappoint her. How nice. “We don’t serve wine here. Pero may reserba ako dito para sa sarili ko. Red wine, okay?”

“It’s fine.”

Ilang sandali pa ay magkaharap na sila sa kitchen counter at pinagsasaluhan ang kakaibang putahe nilang iyon. Kahit hindi palakibo si Rath, para kay Miles ay ito na ang perpektong eating buddy na nakita niya. Wala itong kiyeme sa pagkain at higit sa lahat, na-appreciate nito ang bawat pagkain. And he was definitely handsome, in a serious kind of way.

“Wala ka bang ka-date ngayon at mag-isa kang nandito sa shop ko?”

“You own this place?”

“Bakit, kakaiba ba? Believe it or not, Rath, kaya rin ng mga babaeng mag-excel sa mundo ng mga lalaki.”

“I agree.”

Habang tumatagal ay lalong nagugustuhan ni Miles ang lalaki. He appreciated the food she liked, he agreed with her, and he was Rex’s twin brother. Kung kakaibiganin niya si Rath, siguradong mas magkakaroon siya ng chance sa kakambal nito. Sa dami kasi ng babaeng naghahabol kay Rex, nahihirapan siyang ma-single out ang atensiyon nito. Karamihan pa naman sa mga babaeng iyon ay mas maganda at mas mayaman sa kanya, although hindi naman niya iniisip na iyon lang ang criteria na hinahanap ni Rex sa isang babae. But being a looker with a great body was definitely a big plus in his eyes. Tatlo ang kapatid niyang lalaki kaya alam niya iyon.

Kung makukuha niya ang approval ni Rath, mayroon na agad siyang edge sa mga babaeng iyon.

“So, ano’ng ginagawa mo dito ngayon sa bansa?” tanong ni Miles. “Hindi ba sa US nakabase ang kompanyang hawak mo?”

“May inasikaso lang akong ibang negosyo dito.”

“Ang sipag mo masyado. Isa ka na nga sa pinakamayaman sa Silicon Valley, hindi ka pa rin tumitigil sa pagtatrabaho. Baka naman sumobra na ang yaman mo, hindi ka na papasukin ng Diyos sa langit.”

“Bakit, masama na ba ang maging mayaman ngayon?”

“Hindi naman. Kaya lang kasi, madalas na kapag yumayaman nang husto ang isang tao, nag-iiba ang ugali nila. Nagiging masama at makasarili.”

“Hindi ako gano’n.”

“Pero hindi ka pa rin nakakasiguro, `di ba? Ang mga tao, laging nasisilaw sa pera.”

“Hindi ako gano’n.”

“Siguro nga.” Nagkibit na lang siya ng mga balikat. “Siguro nga matagal ka nang ganyan. Siguro nga noong una pa lang, ganyan ka na.”

Napahinto si Rath sa pagsubo. “What’s that supposed to mean?”

“Guwapo ka pero may-kasungitan ang dating mo. At hindi iyon dala ng kung anong trahedyang pinagdaanan mo. Parang… natural na lang sa `yo ang magsungit.”

“Hindi ako masungit.”

Tumawa lang si Miles. “Oo nga.”

“Ganyan ka ba talaga sa mga nakakasama mong kumain?”

“Alin? `Yong lagi kong ina-assess ang buhay nila? Oo. Gusto kong makita ang reaksiyon ng mga tao tuwing may sinasabi akong opinyon tungkol sa kanila. Kahit kasi hindi iyon totoo, once na nag-react sila sa sinabi ko, lumalabas na lang ang totoo nilang ugali nang hindi nila namamalayan.” Nginisihan niya ito. “Ang galing ko, `no?”

“Oo.”

“I like you. Hindi ka marunong magsinungaling. Puwede ba tayong maging magkaibigan?”

“Kaibigan mo na si Rex.”

“So? You may have the same face pero magkaiba kayo. Besides, wala akong balak na basta maging kaibigan lang ni Rex.”

He drank his wine. “Kung meron mang namamagitan sa inyo ng kakambal ko, labas na ako do’n. Nakikikain lang ako dito.”

Naku, mukhang masusubukan ang convincing power niya sa isang ito, ah.

“Pero, Rath, you love your brother, right?”

“No.”

“But still, gugustuhin mo pa rin siyang makita na maging masaya sa piling ng babaeng magmamahal sa kanya nang lubos, hindi ba?”

“No.”

Hindi pinakikinggan ni Miles ang mga sagot nitong halata namang gusto lang siyang patahimikin. “Ako ang babaeng iyon, Rath. Ako ang babaeng magmamahal sa kanya nang tapat habang-buhay.”

“Okay.”

“You don’t believe me, do you?”

“No.”

Napakunot lang ang kanyang noo. Paano nagkaroon ng kapatid na abnoy ang kanyang amore ? “Rath—”

“Kung magpapakagaga ka kay Rex, go ahead. Buhay mo naman `yan. Huwag mo lang asahan na magpapagamit ako sa `yo para lang makalapit ka sa kanya.”

“How could you say that?” Ang talino naman nito! “Hindi ako gano’n kaoportunista, `no?” Binalingan siya nito. “Well, medyo lang naman.”

Tahimik na lang na ipinagpatuloy ni Rath ang pagkain. Si Miles naman ay ipinagpatuloy ang pag-iisip ng mga paraan para makumbinsi itong tulungan siya na mapalapit sa kakambal nito.

“Pinakain kita.” Huling baraha na niya ang bribery. “The least thing—”

“Don’t worry, I’ll pay for it.”

Nang tumayo na si Rath hudyat na tapos na itong kumain kahit pa nga may natitira pa sa plato nito, doon lang siya tinamaan ng konsiyensiya. Napakasama naman niya para singilin ang lalaki sa kabutihang ibinigay niya. Na kung tutuusin ay hindi naman nito hiningi. Pero hindi naman niya alam kung paano uumpisahan ang paghingi ng paumanhin. Parang sa isang iglap, tinamaan siya ng hiya.

May kasalanan nga talaga siya.

“Magkano ang bill ko?”

“H-ha? Eh… huwag na. Ahm, s-sorry. Hindi ko dapat sinabi iyon.”

“Okay lang. How much?”

“Oh, come on, Rath. Huwag mo na akong konsiyensiyahin. Alam ko namang nagkamali ako kaya huwag mo nang ipagduldulan sa akin—”

Napahinto si Miles sa pagsasalita dahil idinampi nito sa gilid ng kanyang bibig ang table napkin na ginagamit niya kanina. Nang tingnan iyon ay nakita niyang nagkaroon iyon ng kulay-pula. It was ketchup.

“The food is great,” wika nito. “Thanks.”

Ilang sandali ring nanatili si Rath sa harap niya na parang hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Pero hindi na niya nagawa pang magsalita. Nagkandabuhol-buhol na kasi ang daloy ng kanyang isipan dahil sa ginawa nito. Hanggang sa mapasukan na sila ng isa sa mga crew. Doon lang tila na-divert ang kanyang atensiyon.

“Ma’am Miles, ah…” Napatunganga na lang ito kay Rath.

“Hindi siya si Rex, Clara.”

“Ho? Eh…”

“Clara,” untag niya sa tauhan. Mukhang hindi na kasi nito maialis ang tingin sa lalaki. “May kailangan ka ba?”

“I better leave,” sabi ni Rath. “Where’s your back door? I don’t want to leave through the entrance door.”

Itinuro niya ang pasilyo sa kaliwang bahagi ng kusina. “Deretsuhin mo lang `yan.”

“Thanks.”

“Sir!” impit na tili ni Clara. “Pa-autograph po!”

“I’m not Rex.” Then he went out.

Inalo na lang ni Miles ang nakatanga pa ring crew na hawak ang isang magazine at ball pen. “`Hamo na iyon, Clara. Gano’n talaga iyon, eh. Hindi siya kasimbait ng ating si Rex.”

“Si Rath Lagdameo talaga iyon, Ma’am, ano?” Napabuntong-hininga ito at niyakap ang magazine. “Ang guwapo-guwapo niya!”

“Kahit sinupladahan ka na?”

“Ma’am, ibigay na lang ninyo sa akin si Rath. Tutal naman may Rex na kayo, `di ba?”

“Hindi naman sa akin si Rath.”

“Eh, kasi napansin ko, Ma’am, na parang may namamagitan na sa inyong dalawa. Nakakainggit nga kasi tinitingnan kayo nang gano’n ni Papa Rath.”

“Anong tingin?”

“Na parang nagagandahan siya sa inyo. Sana ako rin matingnan niya nang gano’n.” Muling napabuntong-hininga si Clara. “Sana bumalik uli siya dito, ano, Ma’am?”

“Bumalik ka na rin sa trabaho mo, `ne.”

Nang muling mapag-isa ay binalikan ni Miles ang sinabi ni Clara. Kung tingnan daw siya ni Rath ay parang nagagandahan ito sa kanya. Wala naman siyang napansin. Ipinagkibit lang niya iyon ng mga balikat. Baka nasobrahan lang sa kakabasa ng mga romance novels ang tauhan niya kaya kung ano-ano na ang pumapasok sa isip.

Pero sana nga ay bumalik uli ang lalaking iyon. She would really need his help regarding his twin brother.