noveltoon logo noveltoon
Rath Lagdameo (The Billionaire Boys Club 12)

Chapter 8

Ch. 8 / 10 Nov 28, 2025

“P ABILI nga ng magandang tindera.”

“Dad!” Lumabas ng counter si Miles at niyakap ang ama. “Ano’ng ginagawa ninyo dito?”

“I have a client meeting today. Dito ko siya inimbitahan para malaman niyang seryoso akong negosyante since I have a beautiful daughter who’s going to be included in the next Billionaire Boys Club.”

“Hay naku, kayo talaga, Daddy. Masyadong korni.” Dinala niya ito sa bakanteng mesa at inutusan ang isa sa kanyang mga crew na pumalit muna sa puwesto niya sa bar counter. “Ano’ng gusto ninyong inumin?”

“Meron ba kayong iced tea?”

“Meron.”

“You know that’s a little weird. Having iced tea in a coffee shop.”

Napangiti na lang si Miles. Her dad was one of the two people she knew who could dish out punch lines effortlessly. The other one was out of the country. Again. And she missed him more and more every day.

“Gano’n talaga ang mga coffee shop ngayon, Dad. Para maraming variety ng product ang mapagpipilian nang hindi naman magsawa agad ang mga customers. Kung hindi kasi kami magbabago-bago o magdadagdag ng mga produkto, baka mapag-iwanan na kami ng mga kakompetensiya namin sa ganitong negosyo.”

“Isa lang ang tanong ko, ang dami mo nang sinabi.”

Her father looked at her in a way that he always did every time he sensed something was amiss with his children. Daig pa nga nito ang mommy niya sa pangingilatis kung minsan. Pero iyon din ang dahilan kung bakit mas malapit siya rito kaysa sa mommy niya. Dahil bukod sa pang-i-spoil sa kanya, tinuruan din siya nitong gawin ang mga bagay na gusto niyang gawin at tulungan siyang makamit iyon.

“May problema ka, ano?”

“Wala, ah.”

“Hmm.” He leaned back on his seat. “Tuwing maba-basted ang mga kuya mo at tinatanong ko sila kung may problema sila, ganyan lagi ang sagot nila.”

“Hindi ako na-basted.”

“Maybe not. Pero usaping pampuso pa rin ang problema mo, hindi ba?” Tinanguan na rin nito ang sariling kasagutan, saka kinuha ang cell phone sa bulsa ng polo. “Mabuti na lang pala at napaaga ang punta ko dito.”

“Dad, huwag na ninyong sabihin ito kay Mommy. Ayokong mag-alala pa siya.”

“I’m not calling your mom. I’m calling my client.” Nanghinayang si Miles sa pagkakataon sanang makausap ang ama. “I’m cancelling our meeting for today.”

“Dad! Bakit mo ika-cancel ang meeting mo?”

“Dahil mas importante sa akin ang problemado kong anak.”

Napangiti lang siya, saka kinuha ang cell phone nito para i-off iyon.

“Hindi mo na `yan kailangang gawin, Dad. I’m telling.” Napabuntong-hininga na lang siya. “Dad, remember `yong guy na sinasabi ko sa `yo noon? Si Rex.”

“The billionaire boy.”

“Yeah. At ilang beses ko na ring sinabi sa inyo na siya ang gusto kong pakasalan.”

“Oo. Inanunsiyo mo pa nga iyon minsan habang nagtatangahalian ang buong pamilya natin. O, bakit?”

“Mabilis ninyo iyong tinanggap. Ni wala man lang nagbigay sa inyo ng negative comments.”

“Because we never believed you really love the guy.”

Natigilan si Miles. “What do you mean?”

“Anak, when it comes to the matters of the heart, masyado kang masekreto. Hindi ka nagpapakita ng mga nararamdaman mo sa lalaking minamahal mo.”

“I… don’t?”

Her dad nodded. “Remember during your high school days, nang unang beses kang magka-puppy love sa kaklase mo at mabigo?”

“Paano ninyo nalaman `yan?”

“Your mom. Pinakialaman na niya ang mga gamit mo dahil nag-aalala na siya sa mga ikinikilos mo nang unang beses kang mabigo. Naging hindi ka kasi palakibo no’n, and it was not like you. Nang malaman ng mommy mo ang nangyari sa iyo through your letters to yourself na nagkalat lang naman sa kuwarto mo, saka ka lang namin naintindihan.”

Kaya pala bigla na lang naging mabait sa kanya ang mga kuya niya noon. Samantalang numero unong alaskador ang mga ito.

“And the same thing happened when you and your first and second boyfriend got together,” patuloy nito. “Saka lang namin nalaman na nagka-boyfriend ka pala pagkatapos na ng mga breakup mo sa kanila.”

“Wala akong natatandaang isinulat ko sa mga papel ang tungkol doon.”

“Wala nga. Pero pareho lang ang ipinakita mong manifestations, Miles. You hide your feelings so well kapag nagmahal ka na.”

Ngayon lang niya naisip iyon. Na pagdating na sa personal na nararamdaman para sa isang lalaki, hinding-hindi niya iyon ipapakita sa iba.

“Kaya sa palagay ko, it’s either you just fell in love with someone or you just broke up with him.”

Nilaro-laro ni Miles ang tissue paper na kinukutingting kanina sa counter habang malalim na nag-iisip.

“Hija, can I tell you something?”

“What, Dad?”

“Kung may nararamdaman ka para sa isang taong espesyal sa `yo, huwag mong sarilinin iyon. The love in your heart wasn’t placed there to stay. Love isn’t love until you give it away. Alam kong matapang ka naman dahil hindi lalago itong Dome Café if it wasn’t for the risks you’ve taken. Kaya ano ba ang ikinatatakot mo na ipakita ang totoo mong nararamdaman?”

“I don’t know, Dad. Siguro… siguro gusto ko lang mag-ingat. Ayoko kasing nasasaktan.”

“Alien ka kung hindi ka masasaktan. I mean, natural lang iyon sa tao. It’s a part of life.”

“Alam ko. Kaya lang… ayoko talaga ng pakiramdam na nasasaktan, Daddy. Dahil nahihirapan akong maka-recover. Akala n’yo lang sunod-sunod kong naging boyfriend ang mga lalaking iyon na naging bahagi ng buhay ko noong college. Pero ang totoo, taon ang inabot bago ko makalimutan ang isang relasyon. Hindi ko rin alam kung bakit gano’n ako.”

“I understand, hija. Gusto mo lang protektahan ang damdamin mo. Pero hindi mo ba naisip na baka sa kagustuhan mong maprotektahan ang sarili mo, hindi lang ang lalaking minamahal mo ang nasasaktan kundi pati na rin ikaw?”

If you don’t want to listen to your heart, Miles, sabi ng munting boses sa kanyang isip. At least listen to your father. Para matauhan ka na.

“Dad, I’m still not sure…”

“Not sure on what?”

“Kung… kung mahal ko nga ang lalaking iyon.”

“Okay. Sabihin mo muna sa akin kung ano ang dahilan at nagustuhan mo ang lalaking iyon.”

Miles flooded her mind with Rath’s image. Oo, si Rath. Hindi si Rex. At malinaw niyang nairehistro iyon sa isip. Ngayon lang iyon nangyari sa kanya pagkatapos ng halos magdamag na pagmumuni-muni sa mga nangyari nang nagdaang gabi.

“Masungit siya, pero sa mga taong tinatawag lang siya sa ibang pangalan. Maiksi lang ang mga salitang binibitawan niya pero naaasar ako, naiinis, at natatawa sa mga sinasabi niya. Matakaw din siya, kahit ano pinapatulan basta makakain. Lagi rin siyang may baon na kendi, ewan ko kung bakit. Mas mabango sa kanya ang kapatid niya pero gustong-gusto ko ang amoy niya. He agrees with me every time even though he’s doing things the other way around.”

“He seems like a great guy.”

“At higit sa lahat,” patuloy niya. “Nagustuhan niya ang sinigang na may sawsawang ketchup.”

“Huh?” Nawala ang kunot sa noo nito at tumikhim pagkatapos. “Well, he still seems like a great guy, honey.”

“He is.”

“You’re in love with him,” konklusyon ng kanyang ama. “Obserbasyon ko lang iyon base na rin sa pagkislap ng iyong mga mata tuwing isinasalarawan mo siya. Sa huli, ikaw pa rin ang tanging makakapagsabi kung mahal mo nga ba talaga siya o fascinated ka lang sa kanya.”

“Thanks, Dad.” Miles just smiled at him lovingly. Saka niya ito niyakap. “Mabuti na lang at kayo ang naging tatay ko.”

“Oo nga. Kung hindi, hindi ka magiging ganyan kaganda at katalino.” Tinapik-tapik siya nito sa braso. “You’ve always been my baby girl. Ayoko ring nasasaktan ka kaya siguruhin mo nang husto sa sarili mo ang nararamdaman mo, ha? Anyway, kung mabibigo ka naman, nandito lang kami ng mommy mo at mga kuya mo. Kami na ang bahalang magpaiyak sa lalaking magpapaiyak sa iyo.”

“Sinabi n’yo `yan, ha?”

Tumawa lang ito. “You really are my daughter. Siyanga pala, puwede ko bang malaman kahit pangalan man lang ng lalaking iyon? Para madali namin siyang ma-hunting kapag nagloko siya sa iyo.”

“Saka na, Dad.” Hinalikan na niya ito sa pisngi. “Kapag may lakas na rin ako ng loob na tanggapin sa sarili ko kung ano ang nararamdaman ko sa kanya.”

Gusto kasi ni Miles na makita muna si Rex. Kapag naramdaman nang wala na sa kanyang puso ang ni katiting na pagkagusto rito, saka lang siya makakasiguro na buo na nga niyang maibibigay ang kanyang puso at isip kay Rath.

“Baby, my client’s here. Gusto mo siyang makilala?”

“Bakit?”

“Binata pa kasi iyon, guwapo, at mayaman.”

“Binata, guwapo, at mayaman din naman si Rath Lagdameo.”

“My client?”

“Client?”

“Mr. Rafael Ocampo…”

Rath’s voice trailed off when she turned to face him. He still looked formal and elegant in a dark blue business suit.

Daig pa ni Miles ang binuhusan ng malamig na tubig nang makitang nakatayo na si Rath sa likuran niya. Narinig kaya nito ang mga pinag-usapan nilang mag-ama? Hanggang saan ang narinig nito?

“Rath Lagdameo.” Tumayo na ang kanyang ama at nakipagkamay rito. “I presume you already know my daughter Miles.”

“Yes.”

Akala niya ay nasa tamang direksiyon na ang takbo ng kanyang isip when it came to Rath. Pero iyon ay tuwing hindi lang niya ito nakikita. Ngayong magkaharap na naman sila, ewan ni Miles kung saan na naman napunta ang malinaw niyang pananaw sa lahat ng bagay. Nararamdaman kasi niya ang pagdagundong sa lakas ng tibok ng kanyang puso. Lalo na at nakamasid lang si Rath sa kanya. Dahil nang mga sandaling iyon, malinaw sa kanyang alaala ang lambot at init ng mga labi nito nang halikan siya kagabi.

Miles could feel her face burning up. Tumayo na siya at nagpaalam. “Ah, Dad, maiwan ko na muna kayo.” She walked past him. “Excuse me.”

Dumeretso siya sa kitchen at doon nagpalakad-lakad habang kinakalma ang sarili. Rath had such an enormous effect on her that not even what she felt for Rex before could match.

“You’re in love with him,” wika ng kanyang ama.

Pumuwesto si Miles sa table kung saan siya madalas na gumagawa ng mga cake para sa Dome Café. Sinimulan niyang paghalo-haluin ang mga ingredients sa cake na hindi niya alam kung ano ang kalalabasang lasa. She just knew she needed something that would distract her from her overwhelming feelings. Iyon na kasi ang naging paraan niya mula pa noon kapag may mga bagay siyang gustong makalimutan pansamantala.

Pero sa pagkakataong iyon, mukhang bigo siya. She just couldn’t get Rath’s handsome image off her mind.

“We’ll be expecting you tonight.”

At dahil wala sa ginagawa ang isip ni Miles, nagulantang siya nang husto nang marinig ang boses na iyon. Natabig naman niya ang ilang kagamitang ginagamit nang makita kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Rath was just standing there, in the middle of the kitchen, standing out among the silverwares and white tiled floor because of his dark suit.

Gaya nang unang beses silang nagkita, dinampot uli ni Rath ang mga nagkalat na gamit sa sahig. “You shouldn’t work too much,” sabi nito.

Nanatili lang siyang nakatitig sa lalaki habang pinipilit alisin ang mga nakakulapol na harina sa kanyang kamay. And when he reached for her face, she just held her breath. Will he kiss me again?

“Dinner starts at seven,” mayamaya ay sabi uli nito. Maybe not. “I’ll see you then.”

Hanggang sa makalabas na si Rath ng kusina ay wala nang nasabi pa si Miles. Mabuti na rin siguro iyon at baka kung ano-ano pa ang masabi niya na pagsisisihan lang. Sinundan niya ng tingin ang direksiyong tinahak nito. Pero kung mabuti nga ang ginawa niyang pananahimik, bakit parang sobra ang panghihinayang na nararamdaman niya ngayon?

“Miles?”

Biglang lumukso ang puso niya na muntik pang magkalaglagan uli ang mga iniligpit na utensils ni Rath kanina.

“Yes?”

Natawa lang ang kanyang ama. “It’s just me, baby. Gusto mo bang ipatawag ko si Rath Lagdameo? Hindi pa naman siguro siya nakakalayo.”

Nanghihina siyang naupo sa stool. “May… may kailangan pa kayo, Dad? Uuwi na ba kayo?”

“So, it was him. Sabi ko na nga ba at may kakaiba sa inyong dalawa nang makita ko kayong magkatinginan kanina. I like him.”

“Dad—”

“Don’t fight your feelings, baby. Just let it go. By the way, Rath’s favorite color is red.”

Nagdududa niya itong tiningnan. “Paano ninyo nalaman?”

“I asked him. You’ll look stunning in red.”

Natatawa na lang si Miles na napapailing nang magpaalam nang aalis ang kanyang ama. Naiwan siyang pinagmamasdan ang cake na natapos pala niya nang hindi nalalaman. Nang umalis siya ng Dome nang hapong iyon, dalawang bagay lang ang tumatakbo sa isip niya.

Strawberry cheesecake and a red dress.