noveltoon logo noveltoon
The Devil's Kiss (Kristine Series 1)

Chapter 9

Ch. 9 / 10 Feb 05, 2022

H ANGGANG sa humapon at maghapunan ay hindi pa dumarating si Marco. Nag-aalala na ang dalaga pero hindi niya maisatinig kay Julia o kay Bernard. Sasabihin ba niya sa mga ito na nag-aalala siyang baka hindi inihatid ni Marco ang kapatid?

O iyon nga ba talaga ang ipinag-aalala niya? Kung hindi naihatid ni Marco si Jewel pabalik sa hacienda, tiyak may gulo nang nangyari kanina pa.

Nakatulugan na niya ang ganoong alalahanin.

Napabalikwas ng bangon si Emerald nang maramdamang may naupo sa gilid ng kama.

“Sshh...”

“Marco?” Mula sa sinag ng buwan ay naaninag niya ang mukha nito. Bumilis ang pintig ng puso niya. “Paano kang nakapasok?”

“Bahay ko ito, remember? May sarili akong susi.” Nag-aalis ito ng polo habang nagsasalita. Ano ang ginagawa nito?

“S-si... Jewel?”

“Kanina ko pa inihatid, hindi ba?” Inalis nito ang buckle ng sinturon.

“A-ano ang ginagawa mo?”

Marahang natawa ang binata. Tinamaan ng sinag ng buwan ang matipunong dibdib nito. Ang maninipis nitong balahibo sa dibdib ay kumislap na tila ginto dahil siguro sa pawis. Nahawakan niya kaninang basa ang polo nito.

“Do you really want me to stress the obvious?”

Hindi niya sinagot iyon. “Anong oras na?”

Nagkibit ito ng mga balikat. Inihagis ang maong sa sofa. “Alas-diyes na siguro.” Pagkatapos ay marahang hinubad ang briefs.

Napalunok si Emerald. The mere fact na nag- alis ito ng mga kasuotan sa harap niya in a slow and seductive manner ay sapat na para manuyo ang lalamunan niya.

Pinigil niya ang paghinga nang muli itong naupo sa tabi niya. Walang seremonyas na inalis mula sa mga balikat niya ang spaghetti strap ng kanyang pantulog.

“S-saan ka galing? Bakit ka ginabi nang ganito?” Sinisikap niyang kontrolin ang pag-aalab ng damdamin sa pamamagitan ng pagsasalita.

“Nakakahimig ba ako ng pagseselos?” He inched closer habang nagsasalita, habang ang mga kamay ay patuloy na inaalis sa katawan niya ang pantulog.

Nasasamyo niya mula sa katawan nito ang pinaghalong natural na amoy-lalaki nito, ng pawis na kumikislap mula sa liwanag ng buwan, at ng cologne na inilagay mula pa kaninang umaga.

Hindi niya akalain na nakakasira ng isip ang kombinasyong iyon. Inabot ni Marco ang batok niya at hinila papalapit.

“l-is this... some kind of payment for sending my sister back?”

“Damn you, Emerald!” bulong nito at marahas siyang siniil ng halik.

Yes, damn her! Damn her for falling in love with this devil! Damn for her for sighing softly habang gumagawa ng masarap na landas ang mga labi at kamay ni Marco sa katawan niya. And damn her as she responded wildly while he made slow and agonizing love to her.

May palagay siyang naririnig na ang tilaok ng manok nang lumabas si Marco sa silid niya at pahintulutan siyang matulog.

PABABA na ang araw nang magising siya. Alas-dos ng hapon!

Mabilis siyang bumangon at pumasok sa banyo.

Oh dear, she maybe sore here and there at maitatago niya iyon. Pero paano ang mga nagkikislapang bituin sa mga mata niya? Paano niya maikakaila sa mga tao sa bahay? Ano ang sasabihin niya at inabot siya ng ganitong oras sa pagtulog?

Pagkatapos niyang maligo ay nagbihis at lumabas ng silid. Pababa na siya ng hagdan nang marinig ang boses ni Julia de Silva. Bahagyang nakabukas ang pinto ng silid nito kaya hindi maiwasang hindi marinig ang boses.

“Ano ang ginagawa mo kay Emerald, Marco?” s i Julia. “Maaaring matanda na ako pero hindi mo maikakaila sa aking may nangyayari sa inyo. Babae rin ako.”

“Mama, ano ba ang dapat ninyong ipag-alala?”

“Anak, paano kung magdalang-tao si Emerald? Paano kung magbunga ang ginagawa ninyo?”

“O, ayaw n’yo iyon? May apo si Leon dito sa atin at may apo kayo sa Hacienda Kristine. We’re even!” Saka ito tumawa.

Kung hindi siya nakahawak sa barandilya ng hagdanan ay baka nahulog siya.

Magdalang-tao! Hindi niya naisip iyon. At paano na nga ba? Simula pa lamang ay hindi ipinagkaila ni Marco ang intensiyon nito sa kanya pero bakit nasasaktan siya ngayong marinig niya mula sa ina nito?

Hindi kaya, subconsciously, ay umaasa siyang tugunin din nito ang damdamin niya? At hanggang kailan siya rito? Another week? Two weeks? At kapag nagsawa si Marco sa kanya ay saka siya pakakawalan? And by that time ay baka nagbunga na ang mga pagtatalik nila. At sa sandaling matuklasan nina Leon at Nathaniel ang nangyari sa kanya ay malaking gulo ang mangyayari.

Tama sila. Hindi siya nagtatapos ng alitan kundi naglagay ng gasolina sa nagliliyab na damo!

At para huwag masayang ang sakripisyo niya ay kailangang makabalik siya sa Maynila na tila walang nangyari.

Sakripisyo? Sino’ng binibiro niya? Hindi man niya aminin ay maluwag sa loob niya ang nandito dahil kay Marco.

Pinigil niya ang mga luhang nagtangkang bumagsak. Ang kailangan ay makabalik siya sa Maynila, pero kailangang makaalis muna siya rito. At bayad na ang mga Fortalejo sa mga de Silva. Sa kuwadra ay nasalubong niya si Bernard. “Good morning,” bati nito. “Ano `yang kislap sa mga mata mo? Unshed tears or sparkle because of some obvious reason?”

Walang halong panunuya ang tinig ng binata pero gusto niyang mapahiya. “Sa palagay mo ba, mahahabol ako ni Marco kung aalis ako ngayon pauwi ng asyenda, Bernard?”

Sandali lamang ang pagkabigla sa mukha ni Bernard. “Kung noon mo pa ako nilapitan para sabihin sa akin `yan, Emerald, ay noon ka pa sana nakauwi. But I had this impression na gusto mong manatili. Kung labag sa loob mo ang pagkakapunta rito na somehow ay hindi ko maintindihan, then, ihahatid kita pauwi.”

“Oh, Bernard, please, dalian natin...”

“Hindi ikaw, Bernard. Ako ang maghahatid kay Emerald sa labasan.” s i Alfon na hindi nila namalayang nasa likuran nila. “Huwag si Bernard, Emerald, dahil natitiyak kong pagbaba ni Marco ay hahanapin niya ito dahil pag-uusapan nila ang tungkol sa bilihan ng mga baka bukas. At maghihinala si Marco at maaaring madamay si Bernard sa galit niya ”

“Bale-wala sa akin iyon, Tiyo Alfon. Pero nalimutan ko ang bilihan ng mga baka bukas...” nalilitong sinabi nito.

“Ako na ang maghahatid sa iyo, Emerald.” Nakadama ng takot ang dalaga. “Patawarin mo ako, hija, sa mga ikinilos ko nitong mga huling araw. Naiintindihan mo marahil kung bakit. Tama si Julia, dapat ay tapusin na ang gulong ito. Kung magtatagal ka pa rito’y kinakabahan ako sa maaaring mangyari. Baka naiinip na sina Leon at Nathaniel!”

“Sige na, Emerald, habang nasa itaas si Marco,” apura ni Bernard na binuksan ang kuwadra at kinuha mula roon ang kabayo ni Alfon.

Nag-aalanganin man ay tama si Alfon. Madadamay si Bernard.

Sanay nang nag-aaway sina Alfon at Marco kaya tamang ito ang maghatid sa kanya. Bagaman may bahagyang takot sa dibdib niya ay dinaig iyon ng pagnanais na makaalis.

Tinulungan siya ni Bernard na makasampa sa likuran ni Alfon at bago pa siya nakapagpaalam sa binata ay tumakbo na ang kabayo. Hindi man niya gustong kumapit sa matandang lalaki ay mahuhulog siya kung hindi gagawin.

Halos hindi na niya matanaw ang bahay ng mga de Silva nang lingunin niya. May kirot siyang nadama. Kalahati ng pagkatao niya’y naiwan sa bahay na iyon.

NANGITI si Marco nang makitang wala na si Emerald sa kama. May nadama siyang init sa dibdib. Halos nalalanghap pa niya ang amoy ng dalaga. Lemon and sunshine. At kaninang natutulog ito’y pinagmamasdan niya. Natitiyak niyang hindi niya gustong magising sa umagang wala ang dalaga sa kanyang tabi.

Muli siyang ngumiti nang maalala ang pangyayari kagabi hanggang sa mag-umaga.

Pinagod ba niya itong talaga at ngayon lamang nagising?

Her soft moans and sighs.... the way she whispered his name... the way she travelled her hands all over his body... Oh, everything about her made him crazy!

Mabilis siyang bumaba upang samahan itong kumain. Subalit walang tao sa dining room. Palabas siya nang makasalubong si Bernard.

“Nakita mo si Emerald?”

Tinitigan lamang siya ni Bernard at nagtuloy sa ref, kumuha ng canned beer. Binuksan at uminom.

“Kasimbilis man ng hangin si Firewind ay hindi mo na aabutan si Emerald,” wika nito pagkatapos ibaba sa mesa ang lata ng beer. “Sampung minuto na ang dumaan.”

“Ano ang ibig mong sabihin?”

Kilalang-kilala ni Bernard ang tonong iyon.

Hindi nagtataas ng boses si Marco kapag gustong sumabog ang dibdib sa galit at kahit paano ay bahagya itong nag-alangan.

“Inihatid siya ng Tiyo Alfon sa—” Bago pa matapos ni Bernard ang sinasabi ay bumalya na ang screen door.

Inilabas ni Marco sa kuwadra si Firewind at mabilis ding sumampa sa likod.

“Ang pinakamabilis mong takbo, Firewind!” hiyaw nito na tila naintindihan naman ng kabayo dahil halos tumaas mula sa likod nito si Marco sa pagtakbo.

Hindi niya marahil aabutan ang dalawa kung ganoon na katagal ang mga itong nakalayo pero aabutan niya ang mga itong papasok sa asyenda.

Pansamantala ay gusto niyang malaman kung nasaan na ang mga ito. Ang burol ang tinakbo nila ni Firewind. Mula roon ay tanaw ang ibaba. Ang sangang-daan at ang papasok pareho sa asyenda at sa farm niya.

Sa mataas na bahaging ito ng lupa niya natanawan ang mga tauhan ni Leon noong nagtangka ang mga itong kunin ang kotse ni Emerald. Dito rin niya natanaw nang ihatid ni Nathaniel ang dalaga.

At dapat ay matanaw niya ang mga ito. Sa bukana lamang ng asyenda maihahatid ni Alfon si Emerald at makikita niya iyon.

Subalit ni anino ng mga ito ay wala.

Halos magdikit ang mga kilay niya.

Kung nasa loob na ng asyenda si Emerald ay susugod siya roon at magkagulo na kung magkagulo. Kukunin niya pabalik ang dalaga.

Pero imposible iyon. Si Firewind lamang ang kayang tumakbo nang ganoon kabilis kahit pa sabihing sampung minuto ang inilayo ng mga ito.

Nilinga niya ang buong ibaba. At sa daang patungo sa pinakamagubat na bahagi ng lupa ay natanawan niya ang kabayo ni Alfon na walang sakay.

Bakit naroon ang mga ito? Walang daan doon patungo sa asyenda at patungo sa ilog iyon!

Mabilis niyang tinapik ang stallion. “Hiyaaa, Firewind! Papatay ako ng tao kapag nagkataon!”

Kung may makakakita sa anyo niya nang mga sandaling iyon ay ni hindi magtatangkang lumapit man lamang.

SAMANTALA, sina Alfon at Emerald.

“Bakit tayo bumaba rito, Mang Alfon? Hindi ho yata ito ang daan palabas ng farm?” kinakabahang tanong niya.

Ngumisi ang matanda. “Bakit, Emerald, sa palagay mo ba’y makalalabas ka pa ng farm?”

“A-ano ang... ibig ninyong sabihin?”

“Sira-ulo ang pamangkin kong iyon. Buong akala ko’y pagsasamantalahan ka lang niya at ibabalik din sa asyenda. Pero gago si Marco. Nalimutang si Romano ang dahilan kung bakit nawalan siya ng ama at kapatid. Pero ako ay hindi kailanman makakalimot na nawalan ako ng minamahal!”

“H-hindi ko kayo maintindihan…” Sinisikap niyang huwag mag-panic. Kapag ginawa niya iyo’y mapapadali ang kapahamakan niya sa matandang ito. Bakit siya nagtiwala rito?

Muling ngumisi si Alfon. “Kung sabagay, malaman mo man ang iniingatan kong lihim ay bale-wala na rin dahil hindi naman nagsasalita ang patay, `di ba?”

Kinilabutan ang dalaga, napaatras. Umabante si Alfon.

“Alam mo bang wala akong ibang minahal kundi si Alicia? Ang aking si Alicia...” Bahagyang gumaralgal ang tinig nito. “Mula pagkabata’y inalagaan at minahal ko siya pero nakatutok ang buong pansin niya kay Romano. At nang ipasya ni Ernesto na ipakakasal si Alicia sa ama mo ay natakot ako. Mawawala sa piling ko ang mahal ko. Ako lang dapat na magmay-ari sa kanya, ako lang!”

Nanlaki ang mga mata ni Emerald. Humigit-kumulang ay narito ang sagot sa lahat ng pangyayari.

Halos hindi siya humihinga sa kinatatayuan. “Ano ang ginawa ninyo sa… pamangkin ninyo?”

“Pamangkin ko lang siya sa pinsang makalawa pero alam kong hindi ako tatanggapin ni Ernesto para sa anak nito. Palaki at pakain lang nila ako. At palalayasin nila ako at hindi ko na makikita si Alicia ko.”

Sa tingin ni Emerald ay baliw na ang kaharap niya.

“Nang gabing iyon ay nasa Asyenda Kristine sina Ernesto at Julia at pinag-uusapan ang planong kasal nina Romano at ng mahal ko. Kami lang dito at si Marco ay tulog na—”

“P-pinagsamantalahan mo siya!” bulalas niya.

“Sinabi kong mahal ko siya pero ayaw niyang makinig kaya `ayun...’’ Tumalim ang mga mata nito habang binubuhay sa isip ang nakaraan.

“Nang sabihin niyang magsusumbong siya’y tinakot kong dadalhin ko rito sa ilog si Marco at papatayin. Mahal na mahal ni Alicia si Marco. Mula noon ay nagpapaubaya na siya sa akin.”

Halos mapugto ang hininga ni Emerald sa narinig. Masusuka ba siya o ano? Tinutop niya ang bibig.

“Hindi ko siya gustong magpakasal kay Romano pero sinabi niyang mahal niya ako at upang patuloy kaming makapagtagpo nang lihim ay si Romano ang pinakamabisang dahilan na walang maghihinala. Papatayin ako ni Ernesto kung hindi man palayasin kapag natuklasan ang lihim namin at hindi na raw niya ako makikita. Umiiyak ang aking si Alicia. Mahal niya ako kaya sakripisyong makasal siya sa ama mo. Pumayag akong maitakda ang kasal nila ng ama mo tutal akin pa rin naman ang mahal ko. Magtatagpo kami nang palihim sabi ko at kapag nakaipon na ako ay tatakas kami rito.”

Kumapit sa patalim si Alicia? Ang kawawang Alicia! Gustong matunaw ng puso niya para sa babaeng hindi na maaabot kailanman.

“Anak ninyo si Bernard!”

“Na hindi ko man lang maipaalam!” hiyaw nito. “Kung buhay si Alicia dapat ay sama-sama kaming tatlo.”

“At hinayaan ninyong maniwala ang lahat na ang daddy ko ang may kasalanan? Pinayagan ninyong may mga inosenteng taong madamay!”

Humakbang papalapit si Alfon. “Dahil kung hindi tinakasan ni Romano si Alicia ay buhay pa sana ito hanggang ngayon! Magsasama kami at lalayo!”

“At naniwala kayong gagawin ni Alicia iyon? Gusto niya kayong takasan! Takasan ang kahayupan ninyo sa pamamagitan ng Daddy. Dahil kung totoong minahal niya kayo, dapat ay inilaban niya ang relasyon ninyong dalawa, lalo at nagdadalang-tao siya at kayo ang ama! Pero hindi niya iyon ginawa kaya nagkulong siya at naghisterya! Iyon din ang dahilan kaya hindi na niya ninais pang mabuhay. Ang Daddy lang ang mahal niya at kinamumuhian niya kayo. At duda akong pati ang batang nasa sinapupunan niya dahil dugo ninyo ito!”

Sa sandaling iyon ay nakadama ng habag si Emerald kay Bernard. At iyon ang naging pagkakamali niya. Nagpatangay siya sa emosyon.

Halos maglabasan ang mga ugat ni Alfon sa leeg sa galit. Nilapitan siya at hinablot ang damit niya na napunit.

Tumili ang dalaga.

“Pagkatapos ko sa iyo ay papatayin kita!” Tila hayup na sa tingin ni Emerald ang matanda. Muli nitong dinaklot ang damit niya, tuluyan siyang nahubaran ng pang-itaas.

“Kaya pala ayaw ni Marco na pakawalan ka, ha?” Malisyosong itinutok nito ang mga mata sa nakalantad niyang dibdib.

Sindak na itinakip ng dalaga ang mga braso niya at sumiksik sa batong malaki.

Muli siyang dinaluhong ni Alfon at niyakap.

Sindak at takot ang namuhay sa isip niya. Mamamatay na muna siya bago maisakatuparan ng matandang ito ang hangarin.

Subalit hindi siya makapanlaban dahil sa histerya at sindak.