Kasalukuyan naming pinapanuod ni Sol ang pag-agos ng tubig sa ilog kung saan kami madalas pumunta. Tulad ng madalas naming ginagawa, nakaupo kami sa maliit na bridge habang nakalaylay ang mga paa namin sa tubig. Pasimple ko siyang tiningnan. Pasimple kong tinitigan ang mukha niya habang siya’y nakatulala at nakatinginsa ilog.
Pakiramdam ko'y unti-unting nadudurog ang puso ko habang kasama ko siya. Pakiramdam ko'y habang kasama ko siya, mas lalong nadaragdagan ang sakit. Patuloy pa rin akong umaasa na darating ang panahon na maaaaring maging kami.
Nang ibinaling niya ang kanyang tingin sa akin ay ako naman ang umiwas ng tingin. Kasabay nang pag-iwas ko ng aking mukha ay ang pagtulo naman ng aking luha. Ipinikit ko ang aking mata upang pilit na pigilan ang aking pag-iyak.
“Si Aliyah, akala ko ay iiwan na rin niya ‘ko. Akala ko pati siya ay mawawala na rin sa akin.”
Pasimple kong pinunasan ang luhang tumutulo sa aking pisngi at nagpatuloy sa pakikinig sa kanya.
“Kagabi, akala ko, dalawang mahalagang tao ang mawawala sa akin. Akala ko ay iiwan niyo na ‘ko pareho.”
Ramdam na ramdam ko ang lungkot na nararamdaman niya habang siya’y nagkukwento. Dahil sa mga sinasabi niya, mas lalo lamang nadaragdagan ang sakit na aking nararamdaman. Paano ko sasabihin na pareho kaming mawawala ni Aliyah sa kanya? Paano ko sasabihin na masasaktan na naman siya dahil maging ako na nangakong hinding-hindi siya iiwan ay mawawala na rin nang tuluyan sa kanya?
“Aliyah's everything to me. Lahat sila ay iniwan ako pero siya, hindi. Hindi niya ‘ko iniwan kahit na minsan ay iniwan ko siya dahil nagmahal ako ng iba.”
Wala na akong ibang nagawa kundi ang ngumiti na lamang.
“Masakit ang maiwan at makalimutan, pero sinalo pa rin niya ako.”
Hindi ko alam kung bakit niya sinasabi sa akin ang mga ito. Nang tingnan ko ang kanyang mukha ay nagulat ako nang makita kong may tumulong luha mula sa kanyang mga mata.
“Alien girl, alam mo kung ano ‘yung masakit? ‘Yun ‘yung malaman na ako ang dahilan kaya niya gustong magpakamatay.”
Patuloy pa rin sa pagpatak ang luha ko. Iniiwas ko ang aking tingin sa kanya at ibinaling na lamang iyon sa ilog.
“Minahal niya ‘ko ng higit pa sa pagmamahal na ibinigay ko sa kanya. Pakiramdam ko ay napakasama ko. Pero kahit anong gawin ko, kahit na sabihin ko sa sarili ko na siya dapat ang piliin ko, nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa’yo.”
Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lamang akong napatayo dahil sa sinabi niya. Ayaw ko nang marinig pa ang mga sasabihin niya dahil alam kong mas lalo lamang madaragdagan ang sakit na nararamdaman ko. Tulad ko ay tumayo na rin siya. Hahawakan niya sana ang aking mga kamay ngunit agad akong tumalikod sa kanya. Pilit kong pinipigilan ang sarili ko na mapahikbi.
“Sol, patawarin mo ‘ko.”
Kasabay ng pagkakasabi ko noon ay ang biglang pagbuhosng malakas na ulan.
“Patawarin mo ‘ko kasi…kasi…hindi mo na ‘ko pwedeng maging star.” Patuloy ako sa pag-iyak habang nakatalikod sa kanya. “Siguro hindi mo pa ako maiintindihan sa ngayon pero…kalimutan mo na lang ako.”
“Kalimutan?” hindi makapaniwalang tanong niya bago pilit na natawa.
Ipinikit ko ang aking mga mata at nilakasan ko ang aking loob. “Patawarin mo ‘ko. Ayokong saktan ka pero—.”
“Pero nasaktan mo na ‘ko,” bulalas niya hindi ko pa man natatapos ang aking sasabihin.
Dahan-dahan akong humarap sa kanya. Nang nakaharap na ako’y kitang-kita ko ang lungkot sa kanyang mga mata habang nakatitig siya sa akin.
“Patawarin mo ‘ko. Patawarin mo ‘ko kung−.”
“Kung gusto mong kalimutan kita gaya ng ginawa mo?”
Napakagat ako sa aking labi. “Sol…” mahinang sambit ko.
Sa inis ay napahampas na lamang siya sa kanyang noo.“Bakit? Bakit sinasaktan mo na naman ako?” nanghihinang tanong niya. “Pinili kita over her. I used to hateyou so much hindi dahil nasira kami ni Aliyah but because…because you pushed me away. And now…you're doing it again? You want me out of your life?!” sigaw niya.
Have I done it before, Sol?’ I wanted to ask.
“Kahit anong gawin ko, nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko para sa’yo. Kahit na iniwan mo ‘ko, kahit na sinaktan mo ako before, hindi ko mapigilan ang sarili ko. Minahal pa rin kita kahit hindi ako sigurado kung akin ka na ba talaga. And now, here we go again…”
Sandali siyang tumigil sa pagsasalita at tumitig sa akin.
“Renesmee, please. Don't push me away.”
Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa akin ngunit agad kong iniiwas ang aking mukha. Umatras din ako ng ilang hakbang upang magkaroon kami ng distansiya sa isa’t isa.
“Sol…”
“Please, don't do it again.”
Matapos iyon, nagulat na lang ako nang bigla siyang mawalan ng malay at bumagsak sa harapan ko.
“S-Sol!” Agad akong napatakbo papalapit sa kanya. “Sol!”
☆☆☆
Tinitigan kong mabuti ang mukha niya habang mahimbing na natutulog. Pinunasan ko ang aking pisnging basing-basa ng luha. Siguro nga wala akong maalalang kahit ano. Siguro nga puso ko na ang nagpasya para mahalin siya. Siguro kaya madali na lamang sa akin na mahalin siya ay dahil minahal ko na siya noon pa. Posible pala ang bagay na iyon. Ang makalimutan ang taong mahal mo. Pero hindi ko maintindihan kung paano, paano ko nakalimutan ang lahat?
Hinaplos ko ang kanyang mukha. Kahit papaano ay hindi na siya masyadong mainit. Dinala ko siya sa condo kung saan siya namamalagi. Ang lugar na ‘to ang dahilan kung bakit nagkalapit ulit kaming dalawa. Noong mga panahong iyon kaya ay nakikilala na niya ako? Pero bakit nanatili siyang walang sinasabi sa akin?
“Please, don't do it again,” bulong niya habang natutulog.
Ibinaling ko ang aking tingin sa ibang direksyon at tahimik na umiyak sa tabi niya. Totoo pala ang mga nababasa ko sa novel na ang pag-iyak nang tahimik ay ang pinakamasakit sa lahat.
“I'm sorry,” bulong ko nang muli kong tiningnan ang kanyang mukha. Patuloy pa rin sa pagpatak ang luha ko. “Mahal na mahal kita, Sol.”
Inilapit ko ang aking mukha sa kanya at hinalikan ko siya sa pisngi. “Kalimutan mo na ‘ko,” bulong ko pa. Matapos iyon ay tumayo na ako tumalikod sa kanya. Pinunasan ko ang pisngi kong basang basa na ng luha. Aalis na sana ako subalit natigilan ako nang makita ko ang picture frame na nakapatong sa lamesang nasa tabi ng kanyang kama. Nilapitan ko iyon at tiningnang maigi. Napakunot ang noo ko habang pinagmamasadan ko ito. Halos katulad ito ng picture na nakita ko sa lumang kwarto ko kagabi. Kaming dalawa lang ang nasa picture na iyon at mas kita na sa larawan ang lugar kung nasan kami. Unti-unti kong naalala kung saan ang lugar na iyon.Sa bahay ampunan ba ‘to?
Agad akong lumabas ng kwarto niya. Hindi ko maintindihan. Bakit wala pa rin akong maalala tungkol sa larawan maliban sa lugar kung saan iyon kinunan? Kailangan kong makausap sina Liloree at Aliyah. Sila lang ang makakasagot sa lahat ng mga katanungan ko.
Lalabas na sana ako ng unit ni Sol subalit mapahinto ako nang makita ko ang piano niya. Hindi ko alam kung bakit pero parang may kung anong nagsasabi sa aking lapitan ko iyon. Parang may kung anong pwersang nagtulak sa akin upang pindutin ko ito.
Nagulat na lamang ako nang sa pagpindot ko nito ay isang pamilyar na tugtog ang aking nagawa. Parang may sariling isip ang mga kamay ko habang patuloy ako sa pagtugtog. Hindi ako makapaniwala. Paano ko nagawa ito? Tila kusa na lang na tumitipa sa piano ang mga daliri ko na animo’y lagi ko iyong ginagawa at kahit nakapikit pa ako ay hindi ako magkakamali. Sandali akong lumayo mula sa instrumenting iyon. Tiningnan ko ang mga kamay ko. Paano ko nagawang tumugtog ng piano?
☆☆☆
Kinalkal ko ang lahat ng photo album sa luma kong silid. Halos ibato ko na ang lahat ng gamit na nasa aking kwarto. Dala-dala ko ang litratong nakuha ko sa kwarto ni Sol. Gulong-gulo na ako. May parte ng buhay ko na pakiramdam ko'y kailangan kong malaman.
Napaupo ako nang wala akong mahanap na kahit ano. Tinitigan ko ang litratong nakuha ko sa silid ni Sol. Anong ginagawa ko noon sa ampunan? Oo, alam kong ampon si Sol at galing siya sa ampunan. Doon siya lumaki. Pero bakit may picture ako na kasama siya sa ampunan? Bakit nandun ako? Anong ginagawa ko roon?
“Wala akong maintindihan!” sigaw ko habang ibinabato ang mga gamit na nasa loob ng aking kwarto.
Napatingin ako sa picture na nasa sahig at ngayon ay lukot-lukot na. Bakit may picture kaming apat na magkakasama at masaya? Bakit walang wala akong maalala?
“Renesmee, anak, ano bang nangyayari sa’yo dyan sa loob? Please, pagbuksan mo naman kami oh. Anak, nag-aalala na kami ng inay mo.”
Napahampas ako sa aking noo. “Bakit ba wala kang maalala?! Bakit wala?!” Patuloy lang ako sa paghampas sa ulo ko sa pagbabakasakaling may maalala na ako.
“Sh*t! Ayoko na!” sigaw ko.
“Anak, bubuksan na namin ang kwartong ito. ‘Wag kang gagawa ng kahit anong ikapapahamak mo, please!”
Nang marinig ko iyon ay agad akong tumayo. Ayokong makausap ang kahit na sino sa kanila. Pareho-pareho lang sila. Pare-pareho silang mga sinungaling. Pinaglihiman nila akong lahat. Mabilis kong binuksan ang bintana. Kung kinaya ni Kyo na tumalon mula rito nang walang nangyayaring masama sa kanya, kakayanin ko rin.
Nang marinig kong sinususian na nila ang pinto ng aking kwarto ay dali-dali akong umakyat sa bintana at tumalon. Naramdaman ko ang sakit ng pagtama ng katawan ko sa lupa kung saan ako bumagsak. Iika-ika akong tumayo at naglakad palayo.
Umakyat ako sa pader na malapit lang sa pinaghulugan ko. Pakiramdam ko'y hindi ko na kaya pang maglakad palayo. Ang sakit ng mga binti ko. Napilayan yata ako. Nang makaakyat na ako sa pader, nagdadalawang isip pa ako kung tatalon ba talaga ako pababa. Sa huli, napagdesisyunan ko pa ring tumalon mula roon.Bahala na kung magkabali-bali ang katawan ko.
Nagulat na lang ako nang mapagtanto kong marami na palang dugo ang nawawala sa akin dahil sa malaking sugat na natamo ko. Pinagmasdan ko ito. Paano ako nagkaroon ng malaking sugat? Nanghihina na ‘ko. Hirap na hirap na akong naglakad. Wala akong dala na kahit ano. Walang akong pera, walang cellphone, wala kahit ano.
Namalayan ko na lang ang sarili kong nasa tapat na pala ng hospital kung saan naka-confine si Aliyah. Pinagtitinginan ako ng mga tao sa paligid. Nagulat ako nang makita ko si Kyo na tumatakbo palapit sa akin.
“Renesmee, anong nangyari sa’yo?!” gulat na tanong niya.
Lalapit sana siya sa akin ngunit pinigilan ko siya sa pamamagitan ng pagharang ng kamay ko sa kanya. Lumapat ang kamay ko sa dibdib niya. Nanghihina na ‘ko subalit pinilit ko pa ring magsalita.
“Gusto kong…gusto kong malaman ang totoo.” Nagsimula na namang tumulo ang luha ko.
Lumapit siya sa akin at niyakap ako. “Lahat ng gusto mong malaman…masasagot din ‘yan sa tamang panahon,” sagot niya.
Isinubsob ko ang aking ulo sa kanyang dibdib. “Kyo, dalhin mo ulit ako sa bahay ampunan,” bulong ko.
☆☆☆
Dahan-dahan akong lumakad papalapit sa bahay ampunan. Pilit kong inaalala kung ano ang mga nangyari sa lugar na ito. Pilit kong iniisip kung anong meron sa lugar na ito. Napahinto ako nang hawakan ni Kyo ang aking braso.
“Renesmee,” tawag niya sa akin.
Dahan-dahan akong humarap sa kanya at iniabot ang picture na nakita ko sa silid ni Sol. May bakas ng pagkagulat sa kanyang mukha nang makita niya ito.
“He kept this?” hindi makapaniwalang tanong niya at saka natawa. “Paulit-ulit ka niyang sinaktan dahil sa paghihiwalay nila ni Aliyah pero nagawa pa rin pala niyang itago ito.”
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ko.
Ngumiti siya nang pilit sa akin. “Ngayon, alam ko na kung bakit paulit-ulit ka niyang itinutulak palayo. Kung bakit paulit-ulit ka niyang sinasaktan,” sagot niya.
“Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, Kyo.”
Tumingin siya sa malayo. “Pilit ka niyang itinutulak palayo dahil…dahil tulad noon, pinapahalagahan ka pa rin niya. At natatakot siyang kapag hinayaan niya ang sarili niyang mahalin ka ulit, he'll end up hurting himself again,” saad niya.
“Anong ibig mong sabihin? Sinaktan ko ba si Sol noon?” tanong ko.
Hindi niya ako sinagot, sa halip ay hinawakan niya ang aking kamay. “Handa ka na bang alalahanin ang lahat?” tanong niya.
Tinitigan ko nang mabuti ang mga mata niya at saka dahan-dahang tumango. Ngumiti siya at dahan-dahan akong hinila papasok sa bahay ampunan. Pipilay-pilay man ay agad pa rin akong sumunod sa kanya. Akala ko'y didiretso kami ni Kyo sa loob pero hindi pala. Dumiretso kami sa likod ng bahay ampunan.
“Hindi ka pwedeng pumasok sa loob kasi hindi ka parte ng pamilyang mayroon sila. Galit sila sa’yo. Naiinggit sila dahil halos lahat ay nasa iyo na.”
Natigilan ako nang marinig ko ang kanyang sinabi.
“Kahit ayaw nila sayo, nagpupumilit ka pa ring bumalik-balik dito. Hindi dahil sa matigas ang ulo mo, kundi dahil dito nakatira ang mga taong gustong-gusto mo,” pagpapatuloy niya.
Nang makarating kami sa playground ng ampunan ay huminto si Kyo kaya naman huminto rin ako.
“Dyan kayo madalas maglaro. Kayong apat. Si Liloree, si Sol, si Aliyah at ikaw. At ako? Nanahimik lang habang masaya kang pinapanuod.”
Napabuntong hininga siya bago muling ipinagpatuloy ang pagkukwento.
“Iningatan namin ang lugar na ito. Pinanatili namin itong buhay. Hindi namin hinayaang bilhin ito para pagtayuan ng kahit anong project. Inalagaan namin ito ni Aliyah hindi dahil dito lumaki si Sol kundi dahil sa alaala. Alaala na alam naming pagdating ng panahon ay siyang sasagot sa lahat ng katanungan mo. Alaala na magpapaalala sa’yo kung gaano kaganda ang pagkakaibigang meron tayong lahat noon.”
Hindi ako makapaniwala sa lahat ng aking narinig. Natulala na lamang ako sa mga sinabi niya.
“Renesmee, hindi mo na ba talaga kami maalala? Ikaw ‘yung superhero na palagi akong ipinagtatanggol. Oo, nakakatawa di ba? Pero ikaw ‘yun eh. Daig mo pa ang lalaki kung umasta. Hindi mo na ba maalala ‘yung B1 at B2? Ikaw si B1 at si Aliyah ang B2? Wala na ba talaga?”
Hindi ko na naman napigilan ang aking sarili. Kusa na lamang pumatak ang luha ko. Pakiramdam ko’y tila ba napakasarap alalahanin ng mga kwentong ibinabahagi niya.
“Renesmee, ikaw, ako, si Liloree, si Aliyah, si Sol, si Paula at si Ji. Lahat tayo…lahat tayo ay dito nagsimula.”
“Ang ibig mo bang sabihin…ampon tayo?” naguguluhang tanong ko.
“Renesmee—.”
Hindi na niya naituloy pa ang kanyang sasabihin nang biglang may sumulpot sa kanyang likuran na isang lalaking nakakubli ang mukha at tinakpan nito ng panyo ang bibig ni Kyo. Nagulat ako nang may gumawa rin sa akin noon. Agad na umikot ang paningin ko. Naramdaman ko na lang na may bumuhat sa akin at maya-maya lang ay…