Natapos ang challenge na panalo ang grupo namin pero kahit na kami ang nanalo ay hindi masayaang mga kagrupo ko. Ramdam kong nalulungkot sila at nagulat sa nangyari. Pakiramdam ko rin ay naaawa sila kay Aliyah at maging sa akin. Hindi ko mapigilan ang halo-halong emosyon na nararamdaman ko. Pinipilit kong mag-isip ng positibo pero hindi ko magawa.
“Ayos ka lang ba?” Puno ng pag-aalala ang tono ng boses ni M.
Nanatili akong walang imik habang pinagmamasdan ang myembro ng Four Kings hindi kalayuan sa amin habang sinisiguradong ayos na si Aliyah. Napakagat ako sa labi ko at pilit na tinitiis ang sakit na nararamdaman ko habang pinagmamasdan si Aliyah na nakayakap kay Sol.
Alam kong kailangan siya ni Aliyah pero kahit anong pilit kong pag-intindi ay hindi maalis-alis ang sakit na nararamdaman ko. Pinipilit kong intindihin na kaya lang siya kinocomfort ni Sol ay dahil naawa ito sa kanya, pero bakit ang sakit pa rin? Bakit hindi ko magawang mapaniwala ang sarili ko na nakalimutan na niya si Aliyah? Nakakatawang isipin na kung gaano niya kadaling sinabi sa akin na mahal niya ako ay ganun lang din kadaling ipamukha niya sa akin na hindi totoo ang mga sinabi niya.
Yumuko ako at umiwas ng tingin sakanila. Hindi ko na kaya pa silang tingnan. Hindi ko na kaya pang panuorin ang lahat. I’m so tired of being idiotic masochist here. Bakit si Aliyah lang ang kinocomfort nila? Ako rin naman, kailangan ko rin ng comfort. I’ve been suffering for too long. Until when do I have to fight for this love that I somehow deserve too? Hindi pa ba sapat ang mga sakit na nararamdaman ko para ako naman ang makaranas na mahalin?
“Sorry, sis. Kasalanan namin ‘to eh. Kung hindi namin naisip ‘to edi sana hindi ka malulungkot ngayon. Hindi ka magkakaganyan. Sorry, sis. Sorry. Sorry.” Puno ng sinseridad na saad ni M.
Pilit akong ngumiti sa kanila pero napakatraydor talaga ng mga mata ko dahil nagpakawala ito ng mga luha kahit na nakangiti ako. Agad kong pinunasan ang pisngi ko at pilit na pinapakita sa kanilang okay ako…na kaya ko pa.
Hindi ko sinasadyang mapatingin ulit sa lugar kung nasaan sina Sol at nagulat ako nang makasalubong ko ang tingin niya. Nakipagtitigan ako sa kanya at hindi ko maintindihan kung anong klaseng tingin ang meron siya. Pakiramdam ko, ang tingin niyang iyon ay mas nakadagdag pa lalo ng bigat sa dibdib ko. Tingin na he feels sorry for me.
Tila mauubusan ako ng hangin nang iniwas niya kaagad ang tingin niya. Can’t help it, I’m in pain. Paano niya nagagawa sa akin ito? Paano niya nagagawang saktan ako? Paano niya nababalewala ang taong walang ibang ginawa kundi ang maghangad lang na mahalin niya pabalik? It sucks to know that I am this fragile. Ang sakit. Pero kahit na masakit ,ayoko pa ring sumuko. Aasa pa rin akong mahal niya rin ako katulad ng mga sinabi niya.
☆☆☆
“Kainan naaaaaaa!” Masayang sigaw ni Khrystal at saka sinimulan ang pagsubo ng pagkain na inilagay niya sa plato niya.
Nasa isang mahabang lamesa kami at sabay-sabay kaming kakain. Masarap at nakakatakam ang mga pagkain pero kahit na ganun ay parang wala akong gana. Tiningnan ko si Sol na nakapwesto sa harapan ko. Nagkatitigan kaming dalawa at hindi ko mabasa kung ano ang nasa isip niya.
Hindi ko maintindihan kung bakit tila gustong-gusto niya talaga akong saktan dahil harap-harapan niyang pinapamukha sa akin kung gaano siya ka-concern kay Aliyah at heto at nakaupo pa siya ngayon sa harapan ko habang katabi ang ex-girlfriend niya.
“Tama na yan.” Nagulat ako nang bumulong ang katabi ko, si Kyo. Tinabig niya ang plato ko na parang sinasabing kumain na ako. Nang tiningnan ko ito ay puno na pala ito ng pagkain.
“Hindi ko alam kung anong gusto mong kainin kaya inilagay ko na lang lahat ng pagkain,” saad niya.
Ngumiti ako ng napakatamlay. “Salamat.”
“Ayokong nakikita kang ganyan, Renesmee, kaya mas gugustuhin kong huwag ka na lang sabayan sa pagkain kesa nakikita kita sa ganyang sitwasyon. Aalis na muna ako.” Bulong niya at saka agad na tumayo at umalis. Sinundan ko lang siya ng tingin habang papalayo siya nang papalayo.
“Sol, kumain ka na rin.”
Nabaling ang atensyon ko kay Sol at Aliyah nang marinig ko iyon. Napatingin ako kay Sol at hindi ko inaasahan na makakasalubong ko ang tingin niya.
“What would you want to eat?” tanong ulit ni Aliyah.
“I don't want to eat anything.” Pabulong na sagot niya pero narinig ko ‘yun.
Huminga ako ng malalim bago ako nagpasyang kumuha ng malaking hipon at inilagay ko iyon sa plato niya.
“Eat. Alam mo namang ayaw kitang nalilipasan ng gutom di ba?” saad ko.
Halatang nagulat si Aliyah sa ginawa ko at maging ang iba pang miyembro ng Four Kings. Napaangat ang ulo ni Sol at gulat na napatingin sa akin.
“But Sol's allergic to shrimps,” saad ni Aliyah.
Dahan-dahan akong nakaramdam ng kirot sa dibdib ko at pakiramdam ko ay huminto sandali sa pag-ikot ang mundo matapos kong marinig ang sinabi niya.
“OMG, she didn't know?” Narinig kong bulong ng ibang staffs.
Allergic. Allergic si Sol sa hipon? Great. Wala akong alam. Wala akong kaalam-alam. Girlfriend niya ako pero hindi ko alam. Pakiramdam ko ay napahiya ako.
“Dapat talaga si Aliyah and Sol na lang eh, see? Mas madami silang alam sa isa't isa.”
Naramdaman kong nangingilid na pala ang luha sa sulok ng mga mata ko. Bago pa man tuluyang tumulo iyon ay agad na ‘kong tumayo at tumakbo paalis.
☆☆☆
Kyohei’s Point of View
“Ren!”
Tinawag siya ng mga kaibigan niya pero hindi siya huminto at lumingon. I bet she's crying again. Tumingin ako kay Sol at wala pa ring pagbabago ang expression ng mukha niya. Mukha pa rin siyang walang pakialam. Hindi ko pa rin talaga siya maintindihan kung bakit ganyan siya magkikilos ngayon.
Sisimulan ko na sanang maglakad para sundan si Renesmee kung saan man siya nagpunta pero natigilan ako nang sumigaw si Aliyah.
“What the heck, Sol?! What are you doing?!”
Ibinalik ko ang tingin sa kanila at nagulat ako nang makita kong kinakain ni Sol ang hipon na binigay ni Renesmee sa kanya. Teka, hindi ba ay allergic siya sa hipon? Anong ibig sabihin ng ginagawa niya kung ganon, ha?
“Hyung! Stop that!” sigaw ng isa pang myembro ng Four Kings.
Pilit nilang pinipigilan si Sol pero ayaw nitong magpaawat hanggang sa napaubo na siya at napahawak sa kanyang dibdib.
“Sol, look what you’ve done!” sigaw ni Aliyah. Umiiyak na siya pero mukhang walang pakialam si Sol at ipinagpatuloy pa rin niya ang pagkain sa hipon. Namumula na siya at... parang hindi siya makahinga.
“Stop, Sol!” sigaw ng isa pang myembro ng Four Kings, si Ji.
Nang hindi niya mapigilan ito ay sinuntok na niya si Sol. Napaupo si Sol sa sahig pero nanatili siyang nakayuko habang nakahawak sa dibdib niya.
“Fcuk! Call a doctor!” sigaw ni Ji.
Halatang natataranta ang lahat at hindi malaman ang gagawin. Allergy lang naman ‘yun, di ba? Eh bakit ganyan sila kung mataranta?
“S-Sol...” Umiiyak si Aliyah na lumapit sa kanya. Nang tinangka niyang hawakan si Sol ay tinabig nito ang kamay niya.
“I-I'm fine.” Halatang hirap na hirap na sabi nito. Pinilit niyang tumayo at binalak siyang tulungan tumayo ng mga ka-miyembro niya pero itinulak niya ang mga ito palayo.
“Fcuk is wrong with you guys?” Hirap na hirap niyang saad. “Don't you fcuking forget that Renesmee is my girlfriend.”
Napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Galit ba siya? Akala ko ba’y binabalewala niya si Renesmee? Kung umasta siya kanina at kung saktan niya ang babaeng mahal ko ay tila wala siyang pakialam. At ngayong wala si Renesmee ay ganito siya kung umasta. Hindi ko na talaga siya maintindihan.
“Nandito na ang paramedics!” sigaw ng isang staff.
Pinilit niyang maglakad paalis pero hindi pa man siya nakakadalawang hakbang ay nagulat ang lahat nang bigla siyang natumba at nawalan ng malay. Nataranta silang lahat at pakiramdam ko ay pansamantalang huminto sa paggalaw ang mga tao sa paligid. Teka, diba allergy lang ‘yun? Anong nangyayari?!
☆☆☆
Renesmee Marie’s Point of View
Nakaupo lang ako sa buhanginan habang pinapanood ang alon na humahampas sa dalampasigan. Pilit kong inaaliw ang sarili ko pero hindi ko makagawa. Napabuntong hininga ako at saka tumingala’t pinanuod ang buwan na tanging nagsisilbing liwanag sa gabing ito.
“Mahirap ‘yan, umiiyak kang mag-isa.”
Nagulat ako nang may nagsalita mula sa likuran ko. Kilalang kilala ko kung kaninong boses ‘yun. Siya lang naman ang laging nandyan sa mga panahong ganito. Si Kyo.
Pinunasan ko ang mga luhang bumasa sa pisngi ko nang lumapit siya sa akin. Naupo siya sa tabi ko at nanatiling walang imik habang pinagmamasdan rin niya ang buwan.
“Lagi mo na lang akong nahahanap kapag nawawala ako. Bakit mo ‘ko sinundan?” tanong ko.
Hindi niya ako inimikan. Sa halip ay umunat-unat siya at saka humiga sa buhanginan.
“Sinundan ba kita? Ang alam ko kasi, ako ‘yung mas naunang umalis sa atin kanina,” sagot niya.
Natawa ako ng pilit sa naging sagot niya. So parang ako pa pala ang sumunod sa kanya? Napabuntong hininga na lang ako at saka ko ibinalik ang tingin sa dagat. Matagal na namagitan ang katahimikan sa pagitan naming dalawa bago ako nagpasyang magsalita ulit.
“Kyo, anong relasyon mo kay Aliyah?”
Tiningnan ko siya at hindi ko siya nakitaan ng pagkabigla sa itinanong ko. Mukhang inaasahan na niyang itatanong ko ito.
Matagal niya akong tinitigan bago siya tuluyang sumagot. “Kababata ko siya,” sagot niya.
Bahagya akong nagulat sa narinig. Kababata? Ibigsabihin ay matagal na silang magkakilala ni Aliyah? Mas nauna pa silang nagkakilala kesa sa aming dalawa? Pero bakit ngayon ko lang nalaman na magkababata pala sila? Akala ko ay kay Sol at Liloree lang kami magkakaroon ng ugnayan, pati rin pala kay Kyo. Baka magulat na lang ako isang araw na mas madami pa palang nakakawindang na mga bagay ang hindi ko alam.
“Kung ganoon, anong ginagawa nyo noon sa bahay ampunan?” tanong kong muli.
Ngumiti siya ng pilit bago niya ako sinagot. “Pagmamay-ari nila ang ampunan na iyon. Ipinatayo iyon ng mga magulang niya bilang tulong sa mga batang walang pamilya,” sagot niya.
Tumango-tango ako. Ibang klase. Ang dami ko pala talagang hindi nalalaman.
“So kung kababata mo pala siya, alam mo ba kung bakit niya iniwan si Sol?” tanong ko.
Nanatili akong nakatingin sa kanya at hinihintay siyang sumagot pero wala akong nakuha mula sa kanya. Napangiti na lang ako ng pilit at saka ko binawi ang tingin ko sa kanya. Pakiramdam ko ay naiinis na rin siya sa sunod-sunod na mga tanong ko.
“Gusto ko lang namang malaman kung bakit niya iniwan si Sol tapos ngayon ay bumabalik siya. Bilang girlfriend ni Sol at bilang young lady mo, di ba may karapatan naman akong malaman ‘yon?” puno ng pait na saad ko.
Narinig kong napabuntong hininga siya. Ibinalik ko ang tingin sa kanya at umayos siya ng upo. “Wala ako sa posisyon para sagutin ang tanong mo, Renesmee.”
Hindi na ako umimik pa at pinagmasdan ko na lang siya habang nakaupo sa tabi ko. Napatitig ako sa mukha niya at napansin kong mukhang pumayat siya at lumaki ang eyebags niya.
“Ang tagal nating hindi nag-usap. Na-miss mo ba ako?” tanong niya nang napakaseryoso.
Bumilis ang tibok ng puso ko habang seryoso siyang nakatitig sa mga mata ko. Hindi ko alam ang isasagot sa tanong niya at mukhang napansin niya iyon. Tumawa siya nang mahina bago niya iniwas ang tingin niya sa akin.
“Renesmee, gaano ka ba kamanhid? Napakalupit mo naman. Ang sakit na,” saad niya.
Nagulat ako nang bigla siyang tumayo, kaya napatayo rin ako. Tatangkain ko sana siyang hawakan pero bigla na lang niya akong hinatak at niyakap.
“Ang daming iba dyan, mas maganda at mas sexy pa nga. Pero bakit ikaw pa rin? Please naman.. Sabihin mo naman sa akin kung paano kita makakalimutan,” bulong niya.
Unti-unti ay nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko. Sinuklian ko ang yakap niya at isinandal ko ang ulo ko sa dibdib niya.
“Bakit kasi hindi na lang ako?” mahinang tanong niya.
“Bakit nga ba hindi na lang ikaw? Kung matuturuan lang sana ang puso. Ikaw na sana ang pinili kong mahalin,” sagot ko.
Mas lalong humigpit ang yakap niya sa akin.
“Renesmee, kung hindi ka na masaya, iwan mo na siya. Kaya ka nga pumasok sa relasyon na ‘yan para maging masaya hindi ba? Hindi para paulit-ulit na maging tanga.”
Natawa ako sa sinabi niya. Sa isang sentence lang na iyon ay napamukha niya kaagad sa akin kung gaano ako katanga.
“Sana ganun lang kadali ‘yang sinasabi mo, Kyo,” saad ko at dahan-dahan akong humiwalay sa kanya.
Tinitigan niya akong maigi sa mga mata at saka niya hinaplos ang pisngi ko.
“Wag mo nang ipagsiksikan pa ang sarili mo sa kanya. Sa akin ka kasya.” Napaka-seryosong saad niya. “Desperado na ‘ko pero wala akong pakialam. Iwan mo na siya. Akin ka na lang. Iingatan kita. Hindi kita sasaktan. Please, akin ka na lang Renesmee, please?”
Nagulat ako nang may mga luhang kumawala mula sa mga mata niya. Napakagat ako sa labi ko and then I shook my head.
“I’m sorry, Kyo, pero hindi ko kayang ipilit sa sarili ko na mahalin ka. Hindi talaga ikaw ang kayang mahalin ng bobong puso na ‘to,” diretsong saad ko.
Napangiti siya nang mapakla at iniwas ang mukha niya sa akin. “So kahit pala magmakaawa at umiyak ako, hindi mo pa rin ako kayang mahalin.” Puno ng pait na saad niya.
“I’m sorry,” naiiyak na sagot ko.
Ibinalik niya ang tingin niya sa akin habang magkasalubong ang mga kilay niya. “Ano bang meron si Sol at minahal mo siya ng ganyan? Kung alam ko lang sana na darating tayo sa ganito, minabuti ko na sanang mapalapit sayo noon pa.”
Napayuko ako at napangiti ng pilit. “Kahit naman ako, hindi ko alam kung paano ko siya minahal ng ganito. ‘Yang nararamdaman mong sakit dahil sa akin? Ramdam ko din ‘yan, Kyo. Ramdam na ramdam ko. Pero kahit na gustuhin kong tanggalin ‘yung sakit na nararamdaman mo, hindi ko magawa.. Kasi.. Hindi ikaw ang mahal ko. Si Sol lang Kyo, siya lang ang mahal ko.”
Dahan-dahan siyang lumapit sa akin at niyakap ulit ako.
“Sadista ka nga talaga,” saad niya at isinubsob ang mukha niya sa balikat ko. “Kahit na alam ko naman ‘yan at matagal ko nang alam na si Sol talaga ang mahal mo, ang sakit-sakit pa rin palang marinig mula sa’yo,” bulong niya.
Iniangat ko ang kamay ko at niyakap ko rin siya. Matagal kaming nanatili sa ganoong posisyon at nanatili kaming tahimik hanggang sa nagsalita siyang muli.
“Renesmee, mapapatawad mo pa kaya ako?” tanong niya.
Lumayo ako sa pagkakayakap niya at kunot noo ko siyang tiningnan.
“B-Bakit?” Kinakabahang tanong ko.
“Renesmee… Si Sol… Nasa hospital siya ngayon.”
☆☆☆
Liloree Cai’s Point of View
Nasaan na ba si Renesmee? Kanina pa siya wala. Alam kong kapag nakita na siya ni Kyo at nasabi na niya ang nangyari sa boyfriend niya ay mabilis pa sa alas-kwatro na nandito na siya. Pero bakit wala pa rin siya? Kanina pa sa loob si Aliyah at binabantayan si Sol. Nasaan na ba ang kambal ko nang gawin na niya ang obligasyon niya bilang tunay na girlfriend ni Sol?
Papasok na sana ako sa loob ng kwarto nang marinig kong may nagsalita.
“Where is... Renesmee?”
Boses ni Sol. Mukhang gising na siya. Kumusta naman kaya ang lagay niya? Kahit papano ay mahalaga siya...para sa dalawang babaeng pinakamamahal ko.
“S-She’s not here,” narinig kong sagot ni Aliyah.
Kahit hindi ko nakikita ang reaksyon at ang itsura niya ay alam kong nakakaramdam siya ng kirot dahil si Renesmee kaagad ang hinanap ni Sol. Pakiramdam ko ay biglang tumahimik ang buong paligid at tanging ang ingay lamang at usapan sa loob ng kwarto ang naririnig ko.
“She didn't come here? She didn't look for me? She…didn't care?” Tila hindi makapaniwalang tanong nito.
“I heard Kyohei looked for her so probably she’s with him.”
Napakunot ang noo ko sa narinig ko mula sa kanya. Hindi ko nagustuhan ang sagot niya.
“So she's with that gangster and she forgot the hell about me? She didn't care for her boyfriend? Great. That's great!”
Nakarinig ako ng nabasag sa loob at sigaw galing kay Aliyah.
“Sol, calm down!” sigaw niya.
Papasok sana ako sa loob pero hindi ko maintindihan kung bakit ayaw kumilos ng mga paa ko.
“Wait! What are you up to this time?!” tanong ni Aliyah.
“I'll go and find my girlfriend.”
☆☆☆
Sol’s Point of View
Nagsimula na akong maglakad papunta sa pintuan pero narinig ko ang mahinang paghikbi ni Aliyah dahilan upang mapahinto ako.
“Kahit kailan, hindi ka gumawa ng mga bagay na makapagpapaiyak sa akin, Sol. Wala ka na ba talagang pakialam sa akin?”
Napayuko ako at iniwasan kong makita na umiiyak siya.
“Bakit ngayon kahit pigilan kita, ayaw mong huminto? Bakit ngayon kahit nakikita mo na akong umiiyak, ayaw mo pa ring lumapit sa akin para yakapin ako at patahanin? Bakit Sol? Nagbago ka na ba talaga? Dahil ba sa kanya?”
Dahan-dahan kong iniangat ang ulo ko at pinagmasdan ang luhaan niyang mukha.
“Dahil ba sa kanya Sol? Dahil ba kay Renesmee?” Tanong niyang muli
“Isn't it... all because of you?”
Halatang nagulat siya sa naging sagot ko. Huminga siya ng malalim at saka sunod-sunod na pumatak ang mga luha niya.
“Dahil nga pala sa akin. Nakalimutan ko. Ako nga pala ‘yung nang-iwan.”
Napabuntong hininga ako.
“I didn’t walk away from you, Aliyah. Remember…you let me go,” sagot ko.
“Sol, I didn't mean to hurt you before. ‘Yun ba ‘yung dahilan kaya nagbago ka na? Dahil sa ginawa ko—”
“Dahil sa ginawa mong pang-iiwan sa akin.” Putol ko sa sasabihin niya.
Ngumiti siya ng pilit habang may mga luhang pumapatak sa mga mata niya.
“Aliyah, tao rin ako. May karapatan din naman akong maging masaya di ba? But you took it away from me when you left me without even saying a word. I need an atleast a goddamn explanation why, pero wala. Iniwan mo ako sa ere. My whole world crashed. But did you come back and help me to stand again? You didn't, Aliyah. Renesmee did.”
Matagal siyang natulala sa akin at hindi magawang sumagot. Nagpakawala ako ng malalim na hininga at saka ko iniwas ang tingin sa kanya. “Aliyah, gusto ko ring maging masaya.” Bulong ko.
“But damn, Sol. It hurts to see you happy.” Umiiyak na saad niya.
Ibinalik ko ang tingin sa kanya at saka nakipagtitigan. Matagal niya akong tinitigan bago siya nagpasyang magsalita muli.
“Do you really belong to someone else now, Sol? Wala na bang tayo? Hindi mo na ba ako mahal? Wala ka na ba talagang nararamdaman para sa akin?” Sunod-sunod na tanong niya.
☆☆☆
Renesmee Marie’s Point of View
Hinihingal akong lumapit sa pintuan kung saan nakatayo ang kambal kong si Liloree pero napatigil ako nang sa paglapit ko ay unti-unti kong narinig ang usapan mula sa loob.
“Do you really belong to someone else now, Sol? Wala na bang tayo? Hindi mo na ba ako mahal? Wala ka na ba talagang nararamdaman para sa akin?”
Agad na bumilis ang tibok ng puso ko. S-Si Sol at Aliyah? Anong pinag-uusapan nila?
Napatingin sa akin si Liloree at mukhang nagulat siya nang makita niya ako.
“Renesmee, umalis ka na lang muna.” Bulong niya at halatang pinapaalis niya ako upang hindi ko marinig ang pinag-uusapan nina Sol at Aliyah sa loob.
Umiling ako sa kanya. “H-hindi. Gusto kong marinig ang pinag-uusapan nila.” Nanginginig na sagot ko.
Bakit hindi pa rin sumasagot si Sol? Bakit hindi niya sagutin ang tanong ni Aliyah? Sol, please.
“Sol, I still love you and please, wala na akong pakialam sa mangyayari sa buhay ko. Just please choose. Is it Renesmee or me?”
Napahawak ako sa dibdib ko nang mahirapan akong makahinga. Bakit ganito? Bakit nakakaramdam ako ng ganito?
“Sol please...” Bulong ko. Sol, ako ang piliin mo, please. Please let me be the one. Please.
“Aliyah… I still love you, you knew that.”
Unti-unti ay nadurog ng pino ang puso ko sa narinig. Hindi mapaniwalang natawa na lang ako. Aliyah will always be the one. I heard enough.
☆☆☆
Liloree’s Point of View
“Aliyah… I still love you, you knew that.”
Agad na tumulo ang sunod-sunod na luha mula sa mga mata ng kakambal ko. Hinawakan ko siya sa braso niya pero hinigit niya ito palayo. Nagpakawala siya nang mahinang paghikbi bago mabilis na tumakbo paalis. Gusto ko sanang sumigaw at tawagin siya pero napahinto ako nang marinig kong nagsalita ulit si Sol.
“But I'm choosing Renesmee.”